poetry

Gagamba
ni Romulo P. Baquiran

Heometriya ng pagnanasa ang hinabi ko sa hangin,
isinadaigdig na balag na tawiran ng pag-iral.
At nakatanghal ang aking pusong naglalambitin
sa pagdidili sa iyong walang pasubaling pagkaakit
sa kuwintas ng prismong hamog sa kawad ng lambing.
Maningning ang mga mata ko sa kristal mong pagaspas
na pagtalima sa aking sining—rurok ng buhay mo
at ng buhay ko—at may dagitab na rumagasang
nagpabaga pang lalo sa kawing ng mga hiyas.
Ang pagtakas mo sa grabedad, ang paghalukay sa hangin
ay maipapalamuti dito sa duyan ng basang liwanag.
Sige, ikampay nang buong sigasig ang mga pakpak,
taimtim na ikisay ang pinakadulo ng paglipad,
ipahayag ng katawan at ng kaluluwa ang paghanga
sa sining kong sadyang bahagharing hugis-luha.

26 Disyembre 2002

back to poetry | home


faqs | about us | contact us

 

Hosted by: Institute of Creative Writing, UP Diliman.
©2005 panitikan.com.ph . All Rights Reserved.
Site design by swim.interactive