poetry

Ganito nga pala
ni Abdon M. Balde, Jr.

Ganito nga pala
kapag tumanda na;
paggising sa umaga,
natutuwa at buhay pa;
ngunit sa unang kilos
ay parang nakagapos;
pagbangon sa higaan
ang mga buto’y naglalagutukan;
Pag-ihi sa kubeta
ay kailangang umupo pa,
dahil pag nakatayo
sa paa tumutulo.
Ang lugaw na agahan
ay abot nang pananghalian.
Kahit itlog pag nilaga
ay hirap na sa pagngata.
Natitinik lagi sa isda
kahit sardinas na nga.
Ang malunggay na kinain
kung lumabas ay malunggay din.
Nakakainom pa rin sa totoo
pinakuluang pito-pito.

Umiiwas sa ambon,
sa lamig ng panahon;
dahil pag sinipon
ay hindi na makabangon.
Pag napaupo nang bigla
ay tuloy napapatihaya.
Sa hagdan, kahit pababa
sa pagod ay lawit ang dila.
Kapag tumatawid sa daan,
tumitigil lahat ng sasakyan.
Inaantok sa sinehan
kahit ang palabas ay bakbakan;
Pag nakakita ng bulaklak
ay ataol ang hinahanap.
Sa kaarawan, pag may handa
wala nang panauhing kababata;
kaya lahat nang dumadalo
ay isa-isang nagmamano.
Pagdating ng takipsilim
ang pag-asa’y dumidilim
na makasungkit pa rin
ng kahit na isang bituin.
Kung kalamigan ang gabi,
ay nangangarap pa rin ng katabi
habang yakap-yakap ang sarili.

back to poetry | home


faqs | about us | contact us

 

Hosted by: Institute of Creative Writing, UP Diliman.
©2005 panitikan.com.ph . All Rights Reserved.
Site design by swim.interactive