poetry

Hibla
ni Elyrah Loyola Salanga

I.
Ang buhok ay di lamang buhok.
Sa pagbabantay mo sa kaniya
Mula sa pagiging buko sa mahamog na umaga
Hanggang sa pagiging palalong damo
Sa mainit na hapon,
Maiisip mo: paano ko ito papangalanan?
Felizidad kaya dahil siya’y matalik kong kaibigan
O Dolores, ang aking mortal na kaaway?
O ituring kong korona o kupya sa giyera?
Kanlungan kaya ng mga kuto’t lisa?

Sa ganitong mga pagbibinyag,
Ang buhok ay taguan,
Kanlungan ng mga tauhan, tagpuan at salaysay.

II.
Bata pa lamang ako,
Itinuro sa akin ang halaga ng buhok.
Ang buhok, ayon kay Nanay, ay nagsasalaysay,
Bawat hibla’y mga kuwentong humahaba
Tulad ng paggapang ng buhok
Mula sa bumbunan tungo sa batok,
Balikat at baywang.
Sa ganito nabubuhay at nananatili
Ang mga kuwento at kasaysayan.

Si Nanay, mahaba ang kaniyang buhok.
Marahil, nais niyang panatilihin
Ang kaniyang mga supling na gunita.
Sa kaniyang pagsuklay sa gabi,
Inaalala niya ang kaniyang Zamboanga,
Ang mga alon kapag siya’y lumalangoy
Sa dagat ng Sta. Cruz
At ang kaniyang bibig na sinlawak
Ng kuweba sa sigaw
Kapag naglalaro sa ilalim ng puno
At may nahuhulog na ahas
Mula sa mga sanga.
Matapos niyang suklayin,
Hahaplusin niya ang kaniyang buhok
At sabay silang matutulog sa kama.
Marahil, sa kaniyang pananaginip
Ang kaniyang mahabang buhok
Ay nakikipagsayaw sa hangin
At patuloy na nakikipaglaro sa alaala.

Isang araw, dahil sa pagod ko sa pakikipaglaro,
Ginupit ko ang aking buhok dahil sa bigat nito.
Nakita ni Nanay at isa-isang pinulot
Ang bawat hiblang nahulog sa sahig.
Sinundan ko ng tingin si Nanay
Nang kunin niya ang makapal na libro
At inipit ang aking buhok
Sa pagitan ng mga pahina ng libro.
Lumapit siya sa akin at nagsimulang
Ipaghele ako hanggang sa aking pagtulog.

III.
Ang unang gupit ay mahalaga
Tulad ng aking unang hakbang,
Unang salita
At unang alaala.
Mga una sa buhay kong
Sumusulong, umuunlad
Lumalago tulad ng mga salitang
Nalimbag sa libro.
Mga salitang nagiging kataga.
Mga katagang nagiging idea.
Mga ideang nagiging imahen.
Mga imaheng nabubuhay,
Lumilikha ng maraming imahen,
Mga imaheng pumipiglas,
Humuhubog ng mga salaysay.

Tulad ng salaysay ng una kong gupit
Ay imahen, kuwento’t alaalang
Akin nang, naisuksok sa pagitan
Ng mga pahina ng mura kong isipan.

IV.
Galit sa akin ang aking buhok
Nang ako’y mataranta
Sa pagdating ng nobyo ko.
Ang buhok ko’y nalito
Sa iba’t ibang estilo
Ng pagtatali’t paglulugay.
Nang dahil sa nobyo ko,
Nawindang ang bawat hibla nito.
Nagagalit ang aking buhok
Sa tuwing siya’y nakakagat
Ng pang-ipit kong binili sa bangketa,
Sa bawat paghila, pag-unat
Para sa ayos na gusto kong makuha.

Ganito ang salaysay
Ng nakaugalian naming
Walang ipinagkaiba sa buwanang dalaw ko.
Ang bawat paghila at pagtatali
Ay hudyat ng bagong silakbo
Ng giyera.
Sa tuwing ibubungkos ko,
Ang aking buhok ay di magpapatali’t
Babaguhin ang kaniyang sarili
Isang giyerang tumatagal
Dahil sa palagiang pag-iwas nito.
Sa bandang huli,
Walang natatalo, walang nanalo.

Sa tuwing dumadating ang nobyo ko,
Wala siyang kamalay-malay
na may sumabog na giyera
sa loob ng kuwarto ko.

V.
Kapag walang giyerang binubuo,
Walang dagat na malalangoy,
Walang alaalang nasusuklay,
Walang salaysay na lumalaganap,
Ang buhok ay mananatili
Bilang buhok lamang.

15 Marso 2004

back to poetry | home


faqs | about us | contact us

 

Hosted by: Institute of Creative Writing, UP Diliman.
©2005 panitikan.com.ph . All Rights Reserved.
Site design by swim.interactive