|
poetry
Isang Pasko sa Payatas
ni Ronaldo
Carcamo
Umaga ng Pasko, nagising
ang paslit,
“Inay, bakit walang laman itong medyas?
E ang sabi, di ba, ang batang mabait
Tulad ko’y may handog mula kay Santa Klaws?”
Hindi namalayan ng patpating nanay
Kapwa mata niya’y may sabit nang luha.
Lumapit sa bunso at ito’y hinagkan,
Hinaplos, niyakap at saka nagwika:
“Anak, dumating nga kagabi
si Santa,
Nangakong dadalhin ang ‘yong aginaldo—
Kapag gumaling na’ng kanser ng ‘yong
ama
At makahanap s’yang muli ng trabaho.”
12-25-04
back to poetry | home |