Ginambala namin ang puntod
ng Inay kahapon, pagkatapos
ng halos anim na taon ding pamamayapa.
Kasama ko ang ate nang ipatibag ang lapida
at masdang hatakin ng sepulturero
ang lasog-lasog nang puting kabaong.
Noon lamang isang linggo, sabi ng sepulturero,
ganito rin ang kanyang ginawa.
Kaybaho raw ng bangkay na iyon pagkat binaha
sa loob ng nitso kaya’t di tuluyang naagnas,
palutang-lutang ang bangkay sa sariling katas.
Bumubulong ang sepulturero
habang binubuksan ang nitso,
“kaibigan, wag mo sana kaming pahirapan”,
maging ako’y napausal na sana’y
agnas na ang Inay at hindi naburo sa ulan
ang kanyang katawan.
Walang gaanong amoy ang Inay
nang buksan ang kabaong. Kahit kailan,
hindi niya natutuhan ang mambigo.
Napaluha ang ate at tila ba napahinto
sa paghinga nang makita ang katawan.
Ang Inay, gaano man siya ka-espesyal
ay tulad din ng ibang mga bangkay
na napapanood sa pelikula.
Maitim ang kanyang buto
at gayong buong-buo pa ang lawas,
batbat ng amag ang kanyang mukha.
Ilagay na natin siya sa kahon, sabi ko
pagkalipas ng ilang minuto.
Buto kada buto namin siyang isinilid
sa kahon na karton.
Sumakay kami sa traysikel papuntang crematorium
pero bawal pala sa loob ng Chinese Cemetery
ang traysikel kaya’t napilitan akong
ang Inay ay buhatin.
Mainit ang hapon at malayo-layo rin
ang crematorium mula sa gate.
Mabigat ang kanyang kalansay
ngunit di kasing bigat nang siya’y buhay pa
at binubuhat ko siya mula sa tumba-tumba
patungo sa labasan para magpaaraw.
Natupok nang ganoon na lamang
ang limang libo ni ate, hindi pa kasama
ang two hundred na ipinambayad ng permit sa City Hall,
ang singkwentang arkila sa traysikel,
ang one fifty na inabot sa sepulturero
at ang ornamental vase na binili namin
sa Grand Central Home Decor.
Magastos, pero okey na iyon
kaysa matulad si Inay sa mga kaluluwang
sinisipsip ang bungo ng mga daga sa estero.
Hindi ko malilimot ang hapong iyon
na nakahanap na si Inay
ng bagong bahay
sa tabi ng aquarium,
sa harap ng altar, sa ibabaw ng T.V.
Ginigiling pala ang buto
bago
maging puting-puting abo.