|
poetry
Kalapati
ni Romulo P. Baquiran
Hindi hawlang metal ang lalo kong piitan
kundi ang pagluklok mo sa akin sa payapang larawan,
sa dambana ng kabanalan, sa hindi ko tunay na buhay.
Sanhi’t mukha akong maamo, gayon na rin ang puso.
May tibok na di-mapipintigan sa rabaw ng anyo.
Sandaigdig ang mga nakasaray sa mababang paglipad
hanggang sa pagaspas sa hanggahan ng ulap at langit.
Maipapagitan sa aking tuka ang tangkay ng laurel
at ang duguang balahibong nilagas ko sa kinapootan.
Nasa dibdib ng pagnanasang ipahayag ang lahat
ng katangian ng pagka-ibong di mahahadlangan
sa ngalan ng paghanga mong sana’y marangal
ngunit higit mong pangarap—kaya di ko masuklian.
Ang katapatan ko’y hatak ng balaning di mo maramdaman.
29 Disyembre 2002
back to poetry | home |