|
poetry
Kaming Umaawit sa Hibik na Hindi Natatapos
ni Alexander Martin Remollino
Kami'y Pilipino.
Supling kami ng paunang mga hibik sa Inang Espanya,
na ang pinakamalalakas na humibik
ay sina Marcelo del Pilar, Jose Rizal, at Graciano Lopez Jaena.
Nang tugunan ng halakhak ang hibik na inawit
ng mga destiyero sa Madrid at Barcelona,
dugo namin ang tinta ng pluma ni Bonifacio
sa pagsulat ng katapusang hibik ng Pilipinas.
Nakalas na ang Pilipinas
sa pusod ng Inang Espanya.
Ngunit hindi pala siyang katapusang hibik
ang katapusang hibik ng Pilipinas,
sapagkat nahalina sa kanya
ang manunubos na hindi pala manunubos
at siya'y ginapos ng gintong tanikala.
At siya'y nakagapos pa rin.
At hanggang hindi pa nalalagot ng punlo ang kadena,
ang Pilipino
ay kaming ang tinig ay patuloy na umaawit
sa hindi-natatapos na hibik ng Pilipinas.
back to poetry | home
|