|
poetry
Kay Apo Ipe, Tulisan ng Kabundukan
ni P. T. Martin
Apo Ipe,
Huwag malungkot
Kung walang bantayog
Ang mga tulisan ng ating kasaysayan.
Sa kasaysayan
May mga diyos ang bawat panahon
Na inaalayan ng bato at semento
Ng letrang inukit sa tansong lapida
Ng mga bulaklak na basa ng laway.
Malaking kasalanan
Ang magdilang-demonyo, Apo Ipe.
Ano’t naisipang ikaw ay mangaral
Na sila’y sumamba sa iisang diyos?
Haya’t natikman mo
Ang bangis ng langit
Ng iyong panahon.
Ngunit huwag mag-alala
Apo Ipe
Ang kasaysayan nama’y
Di laging umiinog sa iilang diyos,
Sa mga pangalan, petsa at lugar.
Sa ngalan ng ama, ng anak,
At ng sangkatauhan, Apo Ipe:
Huwag malungkot.
Magtatayo tayo ng mga bantayog
Kahit mag-umpisa
Sa kawaya’t pawid sa karton at lata,
Kahit na maghawan
Ng mga kahuyan hanggang makarating
Sa dibdib ng lungsod.
Ngunit bago ang lahat, Apo Ipe,
Atin munang tugisin
Ang mga tunay na tulisan ng ating kasaysayan.
Published in KAMAO: Tula ng
Protesta 1970-1986 (CCP. Manila, 1987)
back to poetry | home |