poetry

Kitikiti
ni Romulo P. Baquiran

Atin, talagang atin
ang tubigang ito;
kay-bait ng maykapal:
sanlaksa tayong salinlahing dumadagsa
sa lahat ng panahon, kaniyang kinakalinga.
Kaya, magsayaw tayo ng papuri
pagkat isinabog tayong binhi,
tumatalima sa kaniyang atas:
“humayo kayo’t magpakarami.”
Nararapat ipagdiwang ang biyaya
ng buhay; naghihintay ang liwanag
ng araw, ang samyo ng hangin
pag-alpas sa kinasadlakang lusak.
Huwag, huwag padaig sa lumbay.
Yugto lamang ito, mga kapatid.
Magsayaw, kiligin sa pangako
ng pagtubo ng mga pakpak,
ng paglipad, ng pag-ilanlang
patungo sa lubos na kalayaan,
paglapit sa maykapal.
Mag-ingat lamang
sa naglipanang bitag
na bunganga ng isda
at ngipin ng nimpang tutubi.
Ngunit bakit aalalahanin ang panganib?
Ang pagpaparaya ay pagtupad
sa kaniyang atas:
“Pakaibigin ang kapwa.”
Malipol man ang daan-daang kapatid
may libo-libo pang tulad nating
magpapatuloy sa tinatamasang eternidad.

12 Setyembre 2002

back to poetry | home


faqs | about us | contact us

 

Hosted by: Institute of Creative Writing, UP Diliman.
©2005 panitikan.com.ph . All Rights Reserved.
Site design by swim.interactive