poetry
Komedya
ni Mario Ignacio Miclat
May bangkay na nakaharang
sa daan,
Nagbabaan lahat sa sasakyan,
Kung ano ang gagawin ay pinagdebatehan.
May nagsabing itulak na lamang
sa bangin,
Pero may tumutol na sa gabing ganoon kadilim,
Di nasisiguro ang babagsakang ilalim.
Sabi ng isa pang marunong,
Ilagay raw sa santabi’t iwan doon,
Pag nagtagal maaagnas, sasama na sa libumbon.
Dinggin ito, dinggin ito, ang dapat
daw na siyang gawin,
Sa lugar na pinagmula’y doon iyon pagulungin,
Kaso’y walang makatanda kung sasakya’y
saan galling.
Damputin daw at isakay,
Isama sa paglalakbay,
Bihisan lang ng maganda’y di rin masasabing
patay.
Ganito raw, hindi ganyan,
Ganyan nama’t hindi gano’n,
Debate at debatehan.
Ang siste po kaipala’y
Naro’n pa rin yaong bangkay,
Nakaharang sa daan, gumagalaw.
back to poetry
| home |