|
poetry
Lahat Tayo’y Nagdarasal
ni Jun
Cruz Reyes
Lahat tayo’y
nagdarasal
tumatawag sa isang maykapal
na may iba-ibang pangalan
humihingi ng awa, ng grasya
ng pasaporte sa buhay na walang hanggan.
Orasyon na naman
sa paghalik sa lupa ng butiki
saglit tayong titigil
Titingala sa langit.
Ilang ama naming ang sasambitin?
Ilang aba ginoong maria ang bibilangin?
Ilang misteryo ang aalalahanin?
ano ang kasunod pagkatapos ng amen?
Nagninilaynilay din kaya ang hari
matapos kumunsulta sa bituin,
bolang kristal at faith healer?
pagkatapos ng maghapong
ipinirma sa dikreto,
idinikit sa talumpati sa front page,
binating marangal at di marangal,
nagninilaynilay rin kaya ang hari
matapos ang maghapong panunupil?
Ilang anak ang tatangis?
Ilang ina ang mauulila?
Ilang buhay ang mapuputol
Sa pagsamba sa laya naming?
Ama naming, kahit nasaan ka
turuan mo kaming sambahin
ang ngalan ng aming kapuwang
naghihirap na’y pinapahirapan pa.
Ituro mo ang daan sa kalayaan,
ipag-adya mo kami,
sa kroning tuta at among buwitre,
ipag-adya mo kami,
at sa lahat ng masibang lumalamon
sa aming lakas, lumalabag sa aming karapatan
ipag-adya mo kami.
Ang reyna ng hari,
napagod kaya sa maghapong pagmamadali
sa pagmimemorya nang talumpati,
sa pagitan ng pagpapalit ng terno
mga seremonya’t pulong-pulong,
ilang sertepiko, ilang bumbilya ng kamera,
ilang press release at walang katapusang ngiti
ang itatala bago siya magmuni-muni?
Ilang may bahay ang mawawalan ng bahay?
Ilang magdaragat ang mawawalan ng gawain?
Ilang hininga ang mapuputol
bago magnilaynilay sa mga misteryo
ng bagong lipunan, bagong republika
at city of man?
Aba ginoong maria
napupuno ka ng grasyang
inagaw na ng iba.
Bakit bukod tangi kang itinangi
sa kapuwa mong dinuhagi?
alalahanin ang iyong mga anak
na sumubasob sa alikabok,
ipanalangin mo kami
na kinoronahan ng tinik,
ipanalangin mo kami
na ipinako sa krus,
ipanalangin mo kami
na sinaksak ng sibat
ang tadyang ng ininsulto ng suka at apdo,
ipanalangin mo kami
na pinaslang sa kainitan
ng katanghalian.
Ipanalangin mo kami,
mga mac-liing dulag, de la paz
mga aquino at marami pang iba,
ipinalangin mo kami.
Mga langgoni 9, pamilya aningal
escalante 27, favali
at marami pang iba,
ipanalangin mo kami.
Ang mga tagapayong
taga pukpok ng ulo
tagahagis ng tear gas at granada
tagakalabit ng gatilyo,
silang pumapatay para mabuhay
ipag-adya mo kami sa kati ng kanilang daliri,
iligtas mo kami sa lagim ng kanilang guniguni
at masamang isip, iligtas mo kami
sa lason sa dulo ng kanilang dila,
iligtas mo kami, sa lagim na kanilang
inihahasik sa lupa, iligtas mo kami,
ngayon higit kailan man,
amen.
back to poetry | home |