poetry

Lipunang Sibuyas
ni Jun Cruz Reyes

Sabi mo’y ikaw ang bunga
ang esensya, ang kalamnan.
Di na ko magdududa
ang kailangan lang ibigay
ay mga pruweba.
Inumpisahan tang alisin
ang balat, sapagkat
ang tuyo o bulok
ay panlabas lamang.
Ika mo’y hindi nakikita
sa balat ang kalamnan.
At binalatan ta nang binalatan
hanggang mahilam
at napasinghot pa ako.
Ika mo’y bahagi yan
iyan ang proseso
sa paghahanap ng esensya.
Hindi ako nalungkot
Kahit napatulo ang aking uhog.
Walang ubod sa kabila ng singhot
walang laman sa kabila
ng balat na binalatan
Nasa paghahanap ba ka mo
ang esensya ng kahulugan?

back to poetry | home


faqs | about us | contact us

 

Hosted by: Institute of Creative Writing, UP Diliman.
©2005 panitikan.com.ph . All Rights Reserved.
Site design by swim.interactive