|
poetry
Loro
ni Romulo P. Baquiran
Bago ako nabiling nakahawla,
noon, sa matatayog na puno
ng gubat at sa himpapawid:
kawan kaming nag-uusap
sa samutsaring huni, asta ng katawan,
pagaspas, kiling ng ulo o buntot,
sulyap o titig lamang.
Maligaya sa likhang pugad
na pamana ng ninunong
mas panganay pa sa taong-Tabon.
Talastasang hindi dila lamang,
wala kaming binibigkas na wika.
Kaya ikinamamangha ang pag-ulit ko
sa ibinulong mong mga kataga.
“bait mo” “ganda mo” “salamat”
Mabisa ang salita
kaya sana’y higit kayong
magkaunawaan ng kapwa,
laging mapagkakasundo ng tulay na wika.
Ngayon, dito sa puso ng hawla,
lalo ka pang namamangha
kapag pinawalan ko ang katagang
madalas mong ipukol sa kasambahay:
“Tanginaka!”
6 Oktubre 2002
back to poetry | home |