poetry

Luhod lang
ni Alfred A.Yuson

Luhod lang daw sa Quiapo ang pinariringgan.
Luhod lang daw sa munggo ng mundo
sabay tiim-bagang dasal, tiim na tiim na nangitim na
sa mga labi ng pangkutya kay Bathala ang istorya
ng pagkalugmok sa putik ng kamalasan, nangitim
na’ng mga gilagid sa kaka-asin at minsa’y sardinas,
o maari ma’y kaka-kakanggata sa katotohanan.

Luhod lang daw sa harap ng cacique o bossing
ang maaring magbunga sa bukang-liwayway
ng buhay sakada, kargador o nagtitibag ng bato.
Anak ko, anak ko! Bilog o lapad pa rito.

Luhod lang daw sa harap ng pulis o Tulfo
Upang mapigtas ang piring
Sa mga matang naglalakihan sa takot.
Hesus! Ay, Guino-o! Kalu-oy man ang kapwa
kunsintidor sa bisyo ng Lotto, patintero,
kapit-patalim na piko, tumbang preso o taguan.

Luhod lang daw sa embasi
Upang mabiyayaan ng bisa
ng pers-world na kapangyarihan,
oportunidad para sa oportunismo,
tsansang mas mahusay naman
sa bigkas ng karera ng daga.

Uy. Ayun si Diyos. Pung. Save.

back to poetry | home


faqs | about us | contact us

 

Hosted by: Institute of Creative Writing, UP Diliman.
©2005 panitikan.com.ph . All Rights Reserved.
Site design by swim.interactive