poetry
Lunod
ni Beverly
W. Siy
Bakit ang pagkahungkag
ay di makaapuhap ng salita?
Pagod na damdamin
ang siyang nananaig.
Sa tuwing lalapat ang tinta sa pahina,
larawan ng lungkot ang naipipinta
at para bang hindi nauubos
ang bakit sa mundo.
Bakit kailangang malungkot ang isang tao?
Kung makakaguhit lamang ako,
guguhit ako ng isang
bangka
sa gitna ng dagat.
Nilulumot ang bawat gasgas,
tanda ng pagkasanay sa alat.
Mahinhin ang sampal
ng alon sa kanyang katawan.
Yuyugyog ito
ayon sa utos ng hangin.
Lilitaw ang isang kadena
at pupulupot sa bangka.
Dahan-dahan
itong
susunod,
lulubog,
animo’y hinahatak pailalim,
padilim ng dagat.
At pagmasdan, hayun ang bangka,
walang buhay, nakahimlay sa ilalim.
Nakahigang matuwid sa lupa,
ni hindi natitinag
maging ng pinakamaligalig na daluyong.
Ako ang lupa. Ako ang bangka.
back to poetry
| home |