|
poetry
May Bango ang Awit ng Rebolusyon
ni P. T. Martin
kay Nelia, ang rebelde
Ang awit ng rebolusyon
Ay awit ng isang baliw
Sa isang lipunang
Kabaliwa’y kalayaan
Para lumaya
Sa kabaliwan
Ng pagiging alipin.
Ang latay
At haginit ng hagupit
Ay awit ng panginoong
Mangangamkam
Na di maririnig
Ng nakabibinging gutom
Sa tiyan ng pagkatao
At pagiging tao.
Isang uha… isang iyak… isang sigaw
At ang huli’y hinagpis
(Sa panginoon ay halakhak)
Na nasaid na pag-asa
Ang kasaysayan ng isang hayop
Na may kamay at may paa.
At bawat kwarta’y
May mantas na
Ng magkahalong dugo’t pawis
Ng latigo at Impala
O kay sarap na isuka
Ang buhay pa
Ay burak na.
Aling awit pa kaya
Ang magpapaligaya
Sa pusong inulila ng pag-ibig at hustisya
Kundi awit ng rebolusyon
O kay sarap
Masamyo, madama
Ang lagitik, ang sonata
Ng bala’t pulbura
Sa bayang pinuputa.
Published in KAMAO: Tula ng
Protesta 1970-1986 (CCP. Manila, 1987)
back to poetry | home |