poetry

Mga serenata sa ating panahon
ni Edgar B. Maranan

1. Sa bagong kasal

Pagsinta'y isang daloy na nagsisimula
sa mga batis na malayo't magkahiwalay
nunukal sa pusod ng mapagpalang lupa
umuugit ng landas sa kawalang-malay.

Kawalang-malay ang sumisibol sa puso
samantalang tayo'y paslit sa hiwagang
dugong musmos ay maalab, dibdib ay masikdo
at suloy pa lamang ang marubdob na kataga.

Marubdob na kataga ang simula ng pagsuyo
minsang nagsalubong ang ating mga landas
at ang isang batis, kapag ito'y narahuyo
sa kapwa niya daloy ay susunod sa anas,

sa anas na siyang simula ng paglingap,
sa anas at pintig ng diwa't kalamnan -
dalawang daloy sa mga ugat ng pangarap
at nagpanagpo sa bagong kamalayan.

Bagong kamalayan ang bawat pag-ibig
isang hininga, hilahil at hinagap,
matibay ito lagi, mabuwag ma'y daigdig
ng mga ilusyon at mga pagpapanggap.

Ang pagpapanggap ay hindi mananaig
sa muog ng tapat, matatag na paggiliw
sa hinang ng diwa't di lamang ng dibdib
sa pagsusumpaang hindi magmamaliw.

Hindi magmamaliw ang ating panagpo
sa landas ng buhay, liko ma't baligho,
kalasag sa lumbay, poot o panibugho
Ang iisang pintig, ng nagkatapat-puso.

2. Liwayway

Magdamag na kapiling sa mahabang gabi
Ang himig-kulisap sa karimlang may sindi
Ng bituin at alitaptap na kasamang naglamay
Hanggang mga sulo'y magdingas-liwayway.

Pagkahapis ng naglamay, iibsa't papawiin
Ng sariwang sigla makalipas ang dilim
Kaya't salubungin ang silangang mumulat
Niigin ang liwanag sa umagang kay rilag.

May butil na sasayad sa lupang nag-iinit
Sampagita'y bubukad, masamyo't marikit
Tilaok at huni at tinig ng pagbangon
Sa bagong umaga'y mabunying salubong.

3. Eko-lohika

plastik langis grasa tambak dumi't tira
nagkalat sa kalye o bunton ng basura
baligtad ang sikmura't sa ilong ay parusa
habang sa katawan ang peste'y nagmamartsa.

Usok ng sigarilyo at usok ng tambutso
Tagos lampas ilong hanggang baga at ulo
Bakit kaya may taong walang kapwa-tao
Tuwang nagbubuga ng usok na peligro.

Pero teka, kabayan, baka di pa huli
Linisin ang paligid, linisin ang sarili
Basura na nagkalat sa bakuran at kalye
At usok na kamandag, ay lipuling maige.

Pagkat kung manhid ka ay paalam na sa 'yo
Ako ay lilisan sa lunsod nating ito
Sa nayon at bundok ay hahanap ako
Ng malinis, tahimik, munti kong paraiso.

Ngunit, laking malas! Sa huling balita
Bundok ay limas na ng puno't hiwaga
Kung di man nalason, ay tuyo na ang sapa
Nayong amorsolo'y sindungis ng Maynila.

Bundok ng basura at hitit-bugang usok
Bundok na kinalbo at kabuhayang lugmok
Kapag di nagbago ang palakad na buktot
Ang buhay na pangarap ay isang bangungot.

back to poetry | home


faqs | about us | contact us

 

Hosted by: Institute of Creative Writing, UP Diliman.
©2005 panitikan.com.ph . All Rights Reserved.
Site design by swim.interactive