| poetry
Minsan
ni Ronaldo
Carcamo
“Even
God cannot change the past.”
-Agathon
Minsan mo pang naisip ang matuling
pagtakbo
Ni Haring Relo na waring tatalunin si Owens
Ng Olimpiks. Minsan mo pang naisip ang mga bagay
Na nasaksihan mo kanina
Bago ka ngayon,
Bago ka naparito,
Bago ka nag-iba.
Kaagad itong lumisan nang walang paalam;
Ni hindi man lang nag-alok ng sigarilyo habang
Ika’y pinaghihintay
Sa muling pagbabalik ng mga ito.
Ano ka ngayon?
Kumulubot ang iyong balat,
Nagkabalbas ka’t nagkabigote,
Nagkulay-abo ang iyong buhok.
Ibang-iba ka na ngayon!
Wala na ang pag-awit ni Maestro Pipit,
Wala na ang pag-indak ni Binibining Pato,
Wala na ang mga kulay na naglaro sa iyong mga
mata.
Lahat ng ito’y naglahong parang mga kaaway,
At hindi na maaaring maibalik
Kahit ni Ginoong Kapalaran
O kaya’y ni Ginang Kamunduhan.
Minsan ka pang nagkamot ng iyong ulo.
Minsan ka pang nanghinayang sa nakaraan.
Unang nilathala sa aklat
na Mithi
back to poetry
| home |