poetry

Monumento
ni Jay Fernando

Maraming bangkay na ang natagpuan sa monumento.
Kahapon nakalugmok ang isang taong grasa,
namatay sa gutom katapat ang mga rebolusyonaryo’t
katabi ang isang nabubulok na sanggol sa plastik ng basura.
Isang binata naman ang nakanganga pa’t nakatihaya
tatlong buwan lamang ang nakararaan,
sa harap ng Gomburza, halos mabiyak sa gitna
ang ulong pinagpapalo ng tubo. Frat war
sabi ng pulis. Case closed, dalin na ‘yan sa morge’t
marami pang iba ang naghihintay ng hustisya.
Wala talagang nakaaalam kung ano ang nangyayari –
walang katiyakan, at nanganganak ng dusa
ang ating panahon. Sa rotonda palakad-lakad
ang mga kaluluwa, naghahanap ng katahimikan,
pero paingay na nang paingay ang siyudad
at kinakain ng pagkabingi ang kanyang kalansay.

Mananatiling multo ang multong hindi matahimik,
tulad ng kanyang monumentong tila naipit sa rambulan
ng mga busina, sa sagupaan ng mga billboard, sa himagsik
ng mga sikmura, itong kiskisan ng usok at ulap,
goma at semento, bakal at bakal, laman at laman.
                      Sumikat na, Ina, sa sinisilangan,
                      ang araw ng poot ng Katagalugan...

Pero anghel ang nasa ituktok ng monumento nakalutang,
walang katiyakan at nanganganak ng mga alinlangan.

back to poetry | home


faqs | about us | contact us

 

Hosted by: Institute of Creative Writing, UP Diliman.
©2005 panitikan.com.ph . All Rights Reserved.
Site design by swim.interactive