|
poetry
Narito Ka Sana
ni Alexander Martin Remollino
Kay Romulo A. Sandoval, isang pangunahin at tunay na makata ng sambayanan, 26 Hulyo 1950-8 Pebrero 1997
Hindi na namin itatanong kung nasaan ka ngayon.
Matagal na mula nang huli kang bumiyahe -
hindi upang muling bisitahin ang bundok na tinahanan
nang dalawang linggo,
kundi upang hindi na magbalik kailanman.
Iyon ang kahuli-hulihan mong biyahe:
ang iyong paglalahong parang tintang nabura
ilang oras matapos na mailunsad
ang una't huli mong aklat ng mga tula.
Ang itatanong namin, Ka Mulong,
ay kung bakit kinailangang lumisan ka agad.
Kailangan pa ang iyong mga kanta sa gabi.
Sana'y narito ka
at nang maituro mo
sa salinlahing ito ng mga makata ng ating bayan
na ang itula ang pagkapoot na anak ng pagmamahal
ay walang-wakas na pagpapahabagat ng mga bisig sa mga kriminal,
walang-wakas na pagpapaapaw ng mga karit mula sa bungo.
back to poetry | home
|