|
poetry
Paglasap
ni Lilia F. Antonio
mula sa araw na ito
igagalang ko ang aking katawan:
siya’y aking pakikinggan
at hindi pagkakaitan
ng mga bagay sa paligid
na umaakit
o maisusubo sa bibig.
Maingat kong pipiliin
ang pinakamalaki’t pulang strawberi
kakabit pa
ang dahon at tangkay
Idadaiti ko sa labi
Ang magalas nitong balat.
Lalaruin ng dila ang malutong na tunog
sa pagkagat dito.
Sisipsipin ko ang matamis-tamis na katas
at sisiilin ang natatanging bango
bago ko lunukin at pasayarin
sa nanunuyong lalamunan.
Ganito ang tunay na sarap
ng anumang pagkain,
wala sa dami ni sa halaga
kundi nasa banayad, tahimik
at taimtim na paglasap.
12 Abril 2001
back to poetry | home |