poetry

Pagninilay
ni John Enrico C. Torralba

May mga panahon at tagpuang
Wala tayong maipangalan

Na kahit anong salita o tibok
O mailarawang kulay o tunog.

Sapagkat naghahawan kita ng liblib
Sa sulok ng mga dibdib

At nag-iiwan ng init ng hininga
Sa mga hamog sa sapot ng gagamba.

Binabagtas din natin ang lahat
Ng bakas at landas ng ulirat

Upang muling magkaroon ng sindi
Ang mitsang matagal na nakubli

Sa talas at talim ng patalim
Ng mga lihim at malayong bituin.

Kinikilala natin ang pagtangi ng lupa at bato
Sa mahabang salaysay ng mundo,

Tumatawag sa apat na simoy
At sa mga sugat ay umaahon.

10 Disyembre 2002

back to poetry | home


faqs | about us | contact us

 

Hosted by: Institute of Creative Writing, UP Diliman.
©2005 panitikan.com.ph . All Rights Reserved.
Site design by swim.interactive