poetry

Paslit
ni Michael M. Coroza

May paslit na pinapaslang natin
Sa isip, nilulula sa mga panaginip,
Tinatagtag sa mga pagsisikap. Mula

Sa tore ng pananagumpay, inihuhulog
Natin siya sa limot, ngunit hindi
Namamatay. Lingid sa atin ang kaniyang

Pamamahay sa kamalig ng malay, bumabalangkas
Ng mabibisang hakbang sa pagsalakay upang
Mabawi ang kaniyang teritoryo na mula

Nang ating sakupin ay nawasak ang pagiging
Payak at panatag. Sa sandaling naglilibang
At nahihibang tayo, darating siyang

Isang dambuhala. Walang kamuwangan
Sa lupit at sákit, ibubuwal niya ang lahat
Ng ating itinindig. Mapapabungisngis,

Aakalain niyang ang lahat ng nangyari
Ay laro, samantalang tayo ay walang
Katinag-tinag at nakatitig sa malayo.

Mula sa Mga Lagot na Liwanag, 2002

back to poetry | home


faqs | about us | contact us

 

Hosted by: Institute of Creative Writing, UP Diliman.
©2005 panitikan.com.ph . All Rights Reserved.
Site design by swim.interactive