poetry
Patay na Langgam
ni Joel Malabanan
Ang mga langgam ay lumikha ng kuta
Doon sa matigas at tigang na lupa
Pagkain ma’y salat sa kinalalagyan
Ay malaya naman sa ginagalawan
Ngunit pagkalipas pa ng ilang araw
May pangkat ng hantik na doo’y naligaw
Ang kaunting yaman pilit na inagaw
Ang kanilang laya’y pilit na sinaklaw
Sinuman marahil kapag nasa gipit
Ay hindi papayag sarili’y maiipit
Lalo’t nakataya ang dangal at laya
Sakdal ma’ng ang buhay ay mapariwara
Subalit nanaig lakas ng malaki
Kung kaya’t maliit ay lalong naapi
Sa likod ng luha at pamimighati
Namuo ang dugo ng paghihiganti
Alinmang asukal ay wala ring tamis
Sa mga langgam na nagaghihinagpis
Wala ring halagang bumaha ng pawis
Kung marami namang pusong tumatangis
Aanhin ang matang hindi makakita?
Aanhin ang tengang bingi sa tuwina?
Kung ikaw ay laging walang pakialam
Ang iyong katulad ay patay na langgam!
back to poetry
| home |