poetry

Pusa
ni Romulo P. Baquiran

Binulungan ako ng buwan para maglimayon
sa gabing dinidilaan ng maalinsangang hangin.
May kumislot sa pagitan ng mga hita ko
kaya umunat ang kagigising na mga paa
pagkatapos na tila sultang humilata sa bubong,
managinip ng mga balahibo at dahon
at ipaubaya sa mga bata ang lawak ng bakuran.
Sutlang kumiwal ang mahaba kong katawan
saka parang palasong humagkis sa hangin
at lumapag na alpombra sa alikabok.
Hindi bukas na bintana o siwang sa kusina
ang sinusukat ng aking mga sungot,
hindi daga o paroparo sa hardin
ang hinahagilap ng aking mga kuko,
hindi binti ng katulong na naglilinis ng isda
ang hinahaplos ng matikas kong buntot,
hindi huni ng ibon sa dulo ng papaya
ang inuulinig ng tengang pingas ang dulo;
tiyak ng aking mga matang bola ng apoy
ang balahibuing dapat matutop sa kabila ng pader.
At sa liwanag ng buwan, naaninag ko
ang lampong---lumiyad-gumulong sa damuhan.
Mamaya lamang, muli na namang mapapapikit
sa masasaksihan ang bilog na bilog na buwan.

16 Hulyo 1992

back to poetry | home


faqs | about us | contact us

 

Hosted by: Institute of Creative Writing, UP Diliman.
©2005 panitikan.com.ph . All Rights Reserved.
Site design by swim.interactive