poetry
Saan Ka Kabilang?
ni Joel Malabanan
Kabilang ka ba sa mapanirang anay
Dito sa lipunang bulok at mabuway
Na ang katungkula’y isinasa-isang tabi
Pinapahalagaha’y ginto at salapi ?
At tulad ka kaya ng langaw at bangyaw ?
Na nakadapo sa likod ng kalabaw
Ang kahit na sino ay nais gamitin
Matupad lamang ang sariling mithiin
O di kaya nama’y tulad ka ng lamok
Kahit may kulambo’y pilit pumapasok
Hindi alintana kahit na matampal
Mamatay nang busog ay ikararangal ?
O gamu-gamo kang hibang sa liwanag
Aali-aligid sa tabi ng hasag
Kahit mayrong apoy na nakadadarang
Na sisilab sayo sa mali mo’ng hakbang ?
Baka naman kaya tulad ka ng ipis?
Sa harap ng iba ay nagmamalinis
Kahit inidoro ang pinaggalingan
Pinapabanguhan sariling pangalan
Sana’y katulad mo’y isang alitaptap
Na ang liwanag ay tanglaw sa pangarap
Na naniniwalang kung mayron mang hirap
Ay may tagumpay ding bukas malalasap
back to poetry
| home |