poetry
sa batang lalaking namamalimos
sa kanto ng avenida’t carriedo
ni Fanny
A. Garcia
huwag sisihin ang mga magulang
kung bakit ikaw ay isinilang pa
kung bakit naglalahad ka ngayon ng palad
kung bakit walang sapin ang mga paa
kung bakit butas-butas ang damit
kung bakit ang balat ay tadtad ng sugat
kung bakit ang buhok ay lagpas-balikat
hindi
tamad ang iyong ama
hindi
palaasa ang iyong ina
tingnan mo ang mga gusaling
sumipsip
sa dugo ng iyong manggagawang ama
tingnan mo ang mga damit
na
kumuba sa iyong mananahing ina
tingnan mo ang mga sapatos
na
umukab sa baga ng iyong kuya
hindi ka ba nagtataka
kung bakit nasa lansangan ka
bakit nakayapak
bakit halos hubad na
isang karnabal ang paligid
nakahihilo ang ruweda ng bargain sale
at nakakasawa ang maskara’t laruan
bata halika
nasisilaw ako sa neon light
iharap
mo sa akin ang iyong mukha
nabibingi ako sa jukebox
sumigaw
ka sa aking teynga
mga daliri ko’y nangingimay
ipahipo
sa akin ang iyong tadyang
araw-araw, inililibing ang maraming
tulad mo
kaya bata,
punuin natin ng hangin ang dibdib
pabilisin ang daloy ng dugo sa ating ugat
at gawing bakal ang kamao
magkasama nating hukayin ang katotohanan.
back to poetry
| home |