|
poetry
Saging
ni Romulo P. Baquiran
Hindi ako kasintikas
ng katabing narra;
napapamaang ako
kapag tinawag na puno.
Higit na kauri, pakiwari ko
ang sibuyas (na kahit paano’y
nakakubli sa lupang magaspang)
dahil palapa ko’y natutuklap ng kuko.
Kapag may mga batang
nagpapakana ng digmaan,
kapag may lalaking sumama ang loob
sa anumang kadahilanan at kailangang
magwala, mag-ubos ng galit,
malamang na ako ang mapagbalingan.
Iiwan akong tuhog o sugatan
kundi man tiniba nang tuluyan.
Iyan ang mahirap kapag malambot ka
sa daigdig na itong uso ang dahasan.
Kaya pinakalakihan ang pusong
may handog na agimat
sa sinumang tunay na magiting
at taglay ang kadalisayang
tulad ng puso kong nakawagayway
sa abot-tanaw na kalangitan.
10 Setyembre 2002
back to poetry | home |