poetry
Sa Guadalupe
ni Erwin
Lareza
“Christopher Abdula,
a resident of Kapalaran Street
in Mandaluyong City, climbed up the bridge of
the MRT
at 10:30 p.m. last March 7 to protest the seizure
of his cart,
goods, and money by the Metropolitan Development
Authority (MMDA)... he was on top of the bridge
until
10 a.m. the next morning.”
-Manila Bulletin
19 March 2006
May mga tumingalang akala mula
sa magkabilang panig ng EDSA:
“Marahil nagkapakpak ang
kaniyang bait,
inilipad ng droga sa langit.”
“Kinain yata ng gutom ang
isip.”
O “baka nag-iisa't gutom sa pag-ibig”
at iba pang ibinubusinang haka
na saglit iniaangkas sa bawat
paggulong ng kani-kaniyang buhay.
Pagkatapos, lulunurin sa trapik ng karaniwan.
Kung liliko lamang sila sa kaniyang
loob,
sa looban ng Kapalaran, mababatid
na inakyat niya ang dulo ng bingit
hindi upang kitlin ang sandali
kundi itulay ang pag-asang mabawi
ang panulay sa maghapon ng pamilya.
May kikislap na usisa: “Bakit
sa Guadalupe?”
“Lumapit ba siya sa Mahal na Birhen?”
Doon kasi nakaluklok ang mga nang-agaw.
Doon siya nanlimos para ibalik ang sa kaniya—
kaniyang kalan, kariton at P35
na benta.
Di niya kailangan ang relihiyosong drama
para lumutang ang protestang
naiipit
sa salungatang panig ng EDSA.
back to poetry
| home |