|
poetry
Sakali Mang ako’y
Lilisan
ni Maria Jovita Zarate
Sapat na marahil ang mga mumunting
palatandaang aking maiiwan.
Kaunti lang naman ang mga iyon:
ilang tulang inilathala
na kalakip ang aking lagda;
mga sandaling ginugol
sa piling ng mga kaibiga’t mahal sa buhay;
mga bakas na iniwan sa gubat-lunsod-
sa mga pusali’t estero,
pabrika’t piketlayn,
sa mga natatanging kalyehon
ng siyudad na ginaygay
ng mga ligalig na paa;
mga pasubali’t pag-aalinlangan
ng diwang paminsan-minsan
hanap ang patnubay na ilaw.
Marahil, hindi lamang iilan ang
malulungkot.
Sa mga sandaling iyon, sila naman, at di ako,
ang magiging saksi ng pait ng pamamaalam.
Tiyak, maraming habilin
ang sa akin ay ipapabaon:
lagi’t lagi ang pag-iingat,
sana’y walang paglimot.
Ngunit wala akong pangakong masasambit.
Sasabihin ko na lamang na maraming bagay
-at kabilang na ang buhay-
na likas na walang katiyakan.
Sakali mang ako’y lilisan,
sapat nang aluin ang pangamba
ng pananalig na sa akin,
mga mapagkandili’t maiinit
na kilik ang nag-aabang:
mga manggagawa, magsasaka,
sinumang may bisig
na nakalaan para sa bayan.
Ihahabi namin ang aming buhay
upang maging isang di-mapapatid na hibla.
Ang mga puso nami’y pipintig
sa himig ng walang hanggang pakikihamok.
Ganyan talaga, marahil.
Ganyan talaga ang mga buhay na inaalay
sa pagbabago ng bagay-bagay.
Published in KAMAO: Tula ng
Protesta 1970-1986 (CCP. Manila, 1987)
back to poetry | home |