poetry

Salaming-Tubig
ni Michael Francis C. Andrada

mamamangha ka:
parang salaming-tubig ang palad niya
nakahuhuli ng balangaw
na nakapailanlang
sa kapirasong langit na asul

sa ibabaw ng kanyang palad
paduyan-duyan ang maliit na batingaw
malalim na lagutok ang isinisigaw
timbulang hinaing sa hangin

hanggang sa mahulog ito
tila ulan ng yelo
nakatitig nang diretso
habang dumadausdos
paglapag, kumilapsaw ang palad

mamamangha ka:
basag ang balangaw

back to poetry | home


faqs | about us | contact us

 

Hosted by: Institute of Creative Writing, UP Diliman.
©2005 panitikan.com.ph . All Rights Reserved.
Site design by swim.interactive