poetry

Sa Musang Pilit Nilimot Pati ang Alindog
ni Ariel Dim. Borlongan

Masaya ka ba tuwing nakikita
mo silang nagsasayaw nang hubo’t
hubad sa iyong harapan?

-Elizabeth Borlongan, 18,
modelo sa Pink Petals

Itinuring kong isa ka lamang panaginip:
Ang iyong kutis ay kulay ng kababaihan
Sa aking angkan; ang maalindog na hugis
Ng iyong katawan ay parang kinopya lamang
Kina Lola Maria, Aunty Viring, Ate Poya;
Ang tangos ng ilong at lungkot ng mga mata
Ay nakapagpapaalala sa ilang napangasawa
Ng mga Galang, Joson, Fernando at Lava…

Inisip kong nagbibiro ka lang tulad ni Sherlock
O ni Peach. O ni Kim. Silang nag-iba ng pangalan;
Silang laging itinatago ang tunay na katauhan

Sa malulutong na halakhak at paglaklak ng alak;
Silang lumuluha lamang at napipilitang magtapat
Kapag sawa na, pagod na pagod, puyat na puyat…
Ilang Jessica, Elnie at Mikee na ba ang hinikayat
Na mag-iba ng landas? Ilan ang umasa sa balikat?

Inakala mong tulad din ako ng ibang natatakam
Sa kung ano-anong gimik sa malalaming na silid
Ng Petals, nang umiling ako’y ngumiti ka lang,
Di makapaniwalang may parang paring nasampid
Sa lugar na patay-sindi ang magagaslaw na ilaw
Sa loob, sa labas. Ako ay matagal mong minasdan
At natuklasan mo sa likod ng balighong karimlan
Na malaki ang pagkakahawig ko sa iyong tatay.
Magpapa-out na lang ako,” bulong mo sa akin.
At naaninaw ko ang lihim mong biloy sa dilim.
“Bakit naman?” Kunot-noong tanong ko sa iyo.
“Ayaw mo bang makakuwentuhan man lang ako?”
Mabilis mo munang inubos ang inorder na inumin
Bago nakatawa at umiiling na muling nagpasaring:
“Magkamag-anak tayo kung iisa ang ating apelyido,
Walang mangyayari sa gabi ko dahil hindi tayo talo!”

Hindi na lang ako kumibo nang bigla kang tumayo,
Humalik sa aking pisngi bago nagbalik sa showroom;
Minabuti ko na lamang uminom at magpakalango,
Inisip na ako’y sukang-suka na sa laksang aquarium
Ng Mystique, ClassMate, Love Boat at Aftermott…
Nakangiti ka na nang umindayog na todo ang harot
Sa kapirasong saplot, daming matang sabik na umabot,
Daming pagkalalaking biglang nagsitindig, nagsikislot…

Laksang kaluluwa ang napasaya, daming pumalakpak
Nang iyong ilantad ang di pa lubos na pamumukadkad;
Nais kong matunaw sa kahihiyan, para mo nang sinaksak
Lalo’t alam kong hindi ka babaeng madaling pakaladkad
At puwedeng ikaw ay aking kapatid. O asawa. O anak.
Minabuti ko na lamang lumisan, naglakad nang naglakad,
Hindi man lang sumulyap sa nakahilerang pulang rosas,
Mababango pero pulos napigtal sa ugat ng kasawiang palad.

back to poetry | home


faqs | about us | contact us

 

Hosted by: Institute of Creative Writing, UP Diliman.
©2005 panitikan.com.ph . All Rights Reserved.
Site design by swim.interactive