poetry
Siyudad ng mga Ilaw
ni Ronald
Atilano
Mula sa kaitaasan,
Kapag namihasa sa pagdungaw
Sa bulubundukin ng itim at itim,
Sisilawin ka ng nagniningning na lambak.
Mistulang kabayanan ng posporo’t karton
Ang nakasalansang
Mga bubungan sa lupa.
Mumunting mga bombilya
Ang nakatanim
Sa eskuwaladong mga kalsada
At pali-palitong poste ng koryente.
Sinong estudyante ng elektrisidad
Ang dito’y lumikha?
Lumalapag kang
Lulan ng higanteng pakpak
Sa metropolis ng kaniyang science project.
Sa iyong pagbulusok,
Anupa’t isang higanteng kamay
Ang hinihintay mong lumitaw
Buhat sa karimlan
Upang dito’y magpalit ng baterya
O pumutol ng mga sobrang kawad.
back to poetry
| home |