|
poetry
Syeyring
ni Jun
Cruz Reyes
Malulungkot ba ka mo, Ka Vergel
ang buhay kapag malayo ang iniwanan?
Ang maputol sa pusod na nag-uugnay sa inunan?
Siguro Ka Vergel, ako’y nakalutang,
sa hangi’y walang salay na matanaw
may pakpak ako ngunit walang uuwian
ang iniwa’y alaala
ang kasama’y aninong hindi maiwalay.
Iba kita ng kagubatan
bumabaha ng tao, umaagos kaliwat-kanan
walang tigil, walang direksiyon
ang walang mukhang dagat ng mga mukha,
iyon ang aking pinanggalingan.
Gusali ang aking mga puno’t
kuweba
nakakalat, nakahilera, ngunit kulang
sa maraming ibong ligaw
Ang mga maya ko’y inihuhuni
ng mga tambutso ng bus at jeepney
ng mga makina sa pabrika
ng mga sipol at silbato ng sirena
Kung minsan’y parang ibong
tinirador,
may dugo ang musikang pumuputol
ng kamay at paa, ng buhay
ng mga ibong naghahanap ng matutuka.
Sa mga pabrika, may dugo sa pinggan
ng pamilyang naiwan,
may dugo ang musika ng mga pinaslang
pinapaslang at nabubuhay
sa paghahanap ng ikabubuhay.
Malungkot Ka Vergel maging saksi
sa mga di inabot ng katas ng hininga
sa mga ampunan, ospital at kulungan
maging sa mga lansangan at loob ng bahay.
May mga nagdarahop,
may nagdarahop sa bituka
may nagdarahop sa kaisipan,
at sa dulo’y may libingang naghihintay.
May rangya pa rin sa paligid
sa mga kuweba ng mga santo, santito at santa.
Narinig mo na ba ang alamat
ng tatlong libong sapatos
na iniwan ng isang alupihan?
Ang asawa nito’y si kamatayan
na may buto at lamang
tumatakot pa rin hanggang sa kasalukuyan.
Ang halakhak nila’y tumataginting,
mas malakas sa lindol at bagyo
parang delubyong walang sini-sino.
Masisira ang masisira
kapag pita’y sinagkaan.
Silang mababangis ay may kamandag ang isip
at may pangil sa dila,
bawat galaw nila’y nagbabadya ng pinsala.
Tumakas na nga ang kampon ng kadiliman
ang naiwa’y mga galamay at anino
at buo pa rin ang puwersa
ng kanyang putting anito.
Wala, wala Ka Vergel, walang puno
di damong silungan o kublihan
sa aspaltado kong gubat
nagkalat ang karahasan
wala kang pagtataguan di dadapuan
na hindi ka magugurlisan.
Hindi batas ng kalikasan
iyon ay tradisyong kinagisnan
iyon daw ang dikreto ng kaayusan
kaya dapat ipatupad at igalang.
Kay hirap intindihin ng mga modernong milagro,
ang mga tao’y naging hayup at insekto;
mga palakang kokak na nagsasatinig
sa boses ng malalakas,
mga buwayang puti at kulay kape
nag-aaway-nagtatalo
subalit parating magkakampi sa huli.
Mayroon ding gagambang-bahay, gagambang-pari
may bulik, maputla at maputi
pero iisa ang kanilang katangian
ang sapot ay sa maliit
ang butas ay sa malaki
at patay ang mahuli.
Mayroon ding nagsa ipis, langaw, daga, lamok.
Sila ang mga taong bawal
silang hindi mahalaga sa iniskrinang lipunan.
Hindi linta Ka Vergel ang tawag
sa mga taong sumisipsip sa dugo ng maliliit
hindi rin bampirang kamag-anak ni Dracula.
Takot sila sa liwanag na pula
ang kadiliman ng gawa, o ng isip at mata
ang kadahilanan ng pagsasamantala.
Hindi subay o niknik lamang
ang mahilig mangagat
may mga taong-asong simbangis ng amo,
turuan silang kumain ng kapuwa tao.
Tutoo rin Ka Vergel ang mga balita,
may mga naglalakad na naligaw
may natutulog na binangungot
may nagising sa singasing ng bala
may natauhan sa torture
may nadapa, may napahilata
may tumakas, may nakaligtas
ang huli, sabi mo’y mga kasamahan na nita.
Malungkot Ka Vergel ang mabuhay
sa bayang inaari ng iba,
kami man sa aming gubat ay may tinig
umaalingawngaw ding tulad ng bala.
Sa aming pagtutol kung minsa’y may nasasalanta
kung minsa’y sa puso tumitimo ang marahas
na babala.
Dibdib lamang ang nawiwindang
katawan ang hahandusay
ngunit ang diwa’y hindi mapapaslang
Nalulungkot ako Ka Vergel,
kapag naiisip na ang pagtigil ko’y
panandalian lamang
nahihiya akong pagtutol lamang ang alam
samantalang kayo’y bumubuhay na
sa tinaguriang mundong bawal.
Ako, kami Ka Vergel, kapatid mo rin
sa malaot-madali’y makakasama.
Turuan mo akong lumimot ng lungkot
hindi kita magkukuwento tungkol sa pantasya
hindi rin kita magsasayaw ni kakanta.
Pahiramin mo ako ng iyong laruan
umpisahan natin sa pagkakalas at paglilinis
nang paglalagay ng bala at pagpuntirya
isabay natin sa pagbabaklas at paglilinis
sa buhay kong binurgis.
back to poetry | home |