poetry

Talangka
ni Romulo P. Baquiran

Talukab ko na ang dinudunggol mo, katoto.
Huwag akalaing burak ang lahat ng nasa ilalim.
Huwag masyadong usyosohin ang mapagkubli,
hayaan akong mamuhay sa putik, kung ibig;
magmistulang bato sa paghihintay
sa malalaglag na piraso ng mga nasila mo.
Huwag laitin na bagama’t ako’y akwatiko din
ay mas gustong gumapang nang urong-sulong
kaysa sumalunga sa agos o alon, tulad mo.
Pinili ko ang kailaliman at huwag sabihing
wala naman akong pangarap makaahon.
Dito’y wala akong kapaligsahang gahaman.
Okey lang kami ng kadunggulang kuhol
na nagpipista sa hindi ko naubos na laman.
Huwag masyadong maurirat, matabang isda
at kapag inilapit pa ang mapulang hasang,
mapipilitan akong iwasiwas itong mga sipit
at lagasin ang ilan sa nakasisilaw mong kaliskis.

29 Disyembre 2002

back to poetry | home


faqs | about us | contact us

 

Hosted by: Institute of Creative Writing, UP Diliman.
©2005 panitikan.com.ph . All Rights Reserved.
Site design by swim.interactive