poetry

Tatlong Tula
ni Aida Fulleros Santos

1.
Nakatungo sa lababo
kaniig ang mga plato’t baso,
nakaparada, tinulugan ng mantika
ang kanina’y umaasong kaldero;
ewan ko ba kung bakit
tila isandaang milya
ang layo ng lababong ito
mula sa makinilyang nakatitig
sa salang nilamon ng dilim.

2.
Araw-araw, parang may panata
sa silid na ito: paluhod na
pupulutin ang mga laruang
saksi ng kamusmusan,
tila nagpupugay ang mga kamay
sa katuwaang isinabog ng mga bata
na ngayo’y sa banyo naman magseseremonya.

3.
Iniwan, ayon sa ayos at bilis
ng pagkakahubad, ang pantalon,
damit, kamiseta, at kung ano-ano pa
samantalang hinayaang malunod
ang sabon sa bumubulang tubig
sa timba’t tabo na tila dinaanan
ng malaking bagyo,
at ang tisyu’y nangawit na
sa pagkakalawit mula sa kanyang rolyo.

back to poetry | home


faqs | about us | contact us

 

Hosted by: Institute of Creative Writing, UP Diliman.
©2005 panitikan.com.ph . All Rights Reserved.
Site design by swim.interactive