poetry

Teksto Ukol sa Kamatayan
ni Genaro R. Gojo Cruz

Tinatayang 30,000 hanggang 50,000 katao mula sa Kamaynilaan at karatig-lalawigan ang dumagsa sa Philsports Arena (dating Ultra). Umaasang mababahaginan ng magandang kapalaran subalit nauwi sa trahedya, sa pagkasawi ng 74 katao nang magkaroon ng stampede.
- Mula sa isang balita

Nakararating sa atin ang lahat
bilang malalamig na balita.

Hindi na natin ikinamamangha
ang bawat nagaganap na kamatayan.

Kung ilang katawan ba ang nadaganan
ng sandamukal na katawan?

Kung ilang bata at matatanda ang dinurog
ng mga nagkukumahog na hakbang at paa?

Ipinain sa kanila ang sandamukal na premyo,
tuwa at pag-asa, wala silang magawa.

2.5 M na bahay at lote
1M cash
2 tricycle
2 taxi
pampasaherong dyip

Ipinain sa kanila ang halimuyak ng pag-asa,
ipinaamoy ang kaginhawahang naghihintay.

Hinding-hindi sila natinag sa pag-aabang
sa tila abot-kamay na biyaya at dagliang pagyaman.

May kakaibang anyaya ang hikayat ang palabas
na minanhid maging ang kanilang mga pandama;

na nagsabing banal at dalisay nitong misyon
ang iahon ang tao sa kumunoy ng kahirapan.

Tumunghay tayo sa kanilang kamatayan nang malayo,
na hindi abot maging ng ating mga panaginip.

Hinding-hindi na natin ikinagugulat
ang bawat nagaganap na kamatayan at paglisan.

Binabasa na lamang natin ito bilang mga teksto
na bumabaybay lamang sa ating mata at alaala.

Ngunit sa gabi ng ating pamamahinga, sumaging muli
ang balitang dinaanan natin sa pagmamadali sa umaga.

At nadama nating hindi na tayo talagang malayo
o ligtas sa teksto ng kamatayan.

Malapit na tayo sa mga katawang siksikan,
sa pagkalagas ng pag-asa, pagkaagnas ng mga pangarap.

Malapit na malapit na tayo sa mga nabuwal
at nadaganang katawan, sa mga paang nagpantay.

Malapit na malapit na tayo sa kamatayan,
at hinding-hindi na talagang malayo.

Ang manatili ba sa ibabaw ng mundo
ay biyayang dapat ikagalak at ipagpasalamat?

O kamatayang malaon na nating dinaranas?
Nakakarating sa atin ang ukol kamatayan

bilang malamig na balita,
bilang malamig na salita,

bilang isang malamig na teksto.

back to poetry | home


faqs | about us | contact us

 

Hosted by: Institute of Creative Writing, UP Diliman.
©2005 panitikan.com.ph . All Rights Reserved.
Site design by swim.interactive