|
poetry
Tilapya
ni Romulo P. Baquiran
Malayo ang pinagmulang ibang ilog,
nabura na ang alaala ng dating tahanan.
Ngayon, ang bagong tubigang ito’y
walang ipinagkaiba sa lumang daigdig ko;
huwag masamain ang pagbulabog ko
sa ugnayan ninyo sa dakong ito:
ang utak ko, tulad ng utak ninyo,
ay naghahanap ng mailalagay sa tiyan.
At kung ikaw ang mapagbalingan,
wala akong magagawa.
Ikaw ang naririyan,
ikaw ang hahagilapin ng matang
kasintalas ng mga ngipin;
alam ko, pareho lamang tayo ng iniisip
nang lamunin mo ang mga kitikiti
at nimpang tutubing namugad sa lili.
Lagi rin silang nakalantad
sa iyong gumagalugad na palikpik.
Hahayaan kitang lasapin sila
at hahayaan mo ring lasapin kita.
Pagnanasa itong di masisinsay
hanggang ang mismong tubigan
nati’y maging kati, gubat o disyerto,
o di kaya’y sumanib na muli sa dagat.
19 Setyembre 2002 back to poetry | home |