poetry

Umid
by Angelo V. Suárez

Wala raw akong sinabi sa kaniya,
& wala nga akong sinabi. Aniya,
di mangungusap ang aking pangungusap
kailanman. Kung wala akong mahanap
na panlaban, sadyang wala akong laban;
walang kahulugan sa kinahulugang

bangin ang wika. Iyong masdan ang bangkay
ng salita; ang pag-asa’y nakasaklay
na pantig sa kaniyang bibig. Ang ibig-
sabihin, walang ibig sabihin. Kitid
ng dila ang titik. Ibulong sa hangin,
Mayroon ba siyang sinabi sa akin?

back to poetry | home


faqs | about us | contact us

 

Hosted by: Institute of Creative Writing, UP Diliman.
©2005 panitikan.com.ph . All Rights Reserved.
Site design by swim.interactive