poetry

Unang Tagay
by Ralph Semino Galán

Para kina Bobby Añonuevo, Joey Baquiran, at Lina Reyes

Mga tulang likha sa sarisaring wika
Ang dumadaloy na parang alak
Mula sa dila ng mga makata:

Bahasa
Malay
Thai
Tamil
Filipino
Instik
Ingles

Kaya tuloy nagmistulang Tore ng Babel
Ang Hotel Nikko, Manila Garden
Habang ang maiitim na letra
Na nakabihag sa puting papel
Ay nagiging malalayang salita,
Kusang lumulutang, tila mga bulang
Nakawala sa timbulan ng wika.

At ninanamnam natin ang inumin
Na galing sa katas ng damdamin,
Ang alak na mula sa bawat tula,
Hanggang tayo’y maging tuliro’t tulala.
Sapagkat sumasangayon ang lahat:
Hindi kailangang maintindihan ang talinghaga,
Hindi kailangang maitali ang hiwaga,

Para malasahan ng dila ang diwa ng tula.

Author's Note: This poem won 3rd Prize in the 1998 Home Life Magazine Poetry Contest (Filipino Category)

back to poetry | home


faqs | about us | contact us

 

Hosted by: Institute of Creative Writing, UP Diliman.
©2005 panitikan.com.ph . All Rights Reserved.
Site design by swim.interactive