fiction

Babae
ni Ali F. Bedano
Sinalin sa Filipino ng May-akda

Inalis ni Agnes mula sa kanyang suso ang mga labi ng sanggol. Tulog na ito. Marahang humihinga, marahan ang pagtibok ng dibdib. Sandaling pinagmasdan muna ni Agnes ang mukha ng bata bago niya inihimlay sa banig na nakalatag sa sahig. Kayumanggi, guwapo - matangos ang ilong, manipis ang mga labi, malago ang buhok. Kapansin-pansin ang pagkahawig nila ni Cris.

Isang araw, muling naalaala ni Agnes, nagkita sila ni Cris sa palengke sa bayan. Nagmamadali siya noong maglako ng gulay: apat-apat, munggo, gabi, at sitaw. Bihibihira lamang siyang nakapaglalako kaya halatang-halata sa mukha ni Cris na hindi nito inaasahan ang kanilang pagkikita. Sana'y tatalikod na ito, ngunit sinadya niyang tawagin. Lumingon ang lalaki. Umismid. May bigote. Guwapo. Naka-T-shirt na may guhit itim at puti. At hindi na niya sinayang ang pagkakataon. Pasaklot siyang nagsalita. Binale-wala niya ang mga taingang nakikinig, mga matang nakamasid, at mga labing nakangiti't nangungutya. "Hindi ka man lang dumadalaw kay Boy."

"Sinong Boy?" galit na tanong ni Crisanto.

"Sino pa, di ang ating anak. Ang anak mo sa akin."

Halatang-halata ang pamumula ni Crisanto. Suyang-suya. Hindi mapakaling pinaikot ang paningin sa mga nagmamasid. Pulis ng bayan si Crisanto, may asawa at limang anak, tatlong lalaki at dalawang babae.

"Sira siguro ang tuktok ng babaeng ito," pabulong-bulong ni Crisanto sabay talikod.

"May sakit si Boy," dagdag niya. "Nilalagnat."

Nagmamadaling sinikap ni Crisantong mawala sa nagsisiksikang mamimili. Yumuko si Agnes sa kanyang mga paninda-munggo sa bilao, isang tumpok na apat-apat sa isang pahinang diyaryong nakalatag sa nakatiwangwang at maruming baldosa, gabi, at binigkis-bigkis na sitaw.

Sandali lamang. Pagkatapos, inangat niya ang kanyang mukha, marungis at pagod na mga pisngi, malumbay na mga mata, gusot na buhok na sumasala-salabid tuwing humihihip ang hangin. Nagkasalubungan ang tingin niya at ng tindera sa kanyang harapan. Ang tindera ang unang nag-iwas ng kanyang paningin. Iyon ang nakadama ng hiya.

Nakita niya mula sa gilid ng kanyang mga mata na nangungutyang nakamasid ang mga tao, ngunit hindi niya pinansin. Ipinagpatuloy niyang ilako ang kanyang kaunting paninda upang mabuhay. Ito ang mas mahalaga. Kaya bago umabot ang tanghali, ubos na ang kanyang paninda. May P2.65 siya na nakatago sa palawit ng kanyang patadyong. Umuwi siya. Naratnan niya ang kanyang sanggol na umiiyak nang malakas sa kandungan ng nakatatandang anak, si Sali, na anim na taong gulang.

Pista ng nakaraang taon nang magkakilala sina Agnes at Crisanto. Nasa isang sulok ng basketbol kort si Agnes na nanonood ng tinatanghal na iba't ibang sayaw, nang maramdaman niyang sumagi si Crisanto sa kanyang likod. Tumingala siya, at halos dumaplis ang buhok ni Agnes sa baba ni Crisanto.

Masaya ang pagtatanghal. Tuwang-tuwa si Agnes. Malakas ang kanyang pagtawa. Naramdaman niyang unti-unting umuurong ang pulis sa kanya hanggang lubusan nang naghahagod ang tiyan ni Crisanto sa kanyang likod. Naramdaman niya ang init na nananalaytay mula sa dibdib ni Crisanto at ang malalalim na hininga nito sa kanyang buhok. Nanalaytay ang kaibang uri ng init sa kanyang ugat, sa kanyang dibdib, at kahit hindi umaalis ang kanyang paningin sa pagtatanghal at hindi tumitigil ang kanyang pagtawa, unti-unting lumalalim ang kanyang paghinga hanggang di lumao'y tila pumaimbulog na siya sa kakaibang uri ng alimpuyo.

Ipinatong ng lalaki ang kanyang mga bisig sa magkabilang balikat ni Agnes. Nilisan na nila ang basketbol kort at tumungo sa isang sulok ng paaralang elementarya. Maliwanag ang kalangitan, may mga bituin. Malamig ang simoy ng hangin ngunit sa kabila nito, init ang kanyang naramdaman. Mainit ang kamay ni Crisanto sa kanyang balikat. Inilapat ng lalaki ang kanyang labi sa kanyang leeg, gumapang ang mga daliri sa kanyang likod. Ito'y marahan sa simula, ngunit nang lumao'y bumibilis, sumusunggab..

" Agnes ," ang sagot niya nang tanungin ni Crisanto ang kanyang pangalan.

" Agnes ," ulit ni Crisanto. May kalaliman ng tinig ang lalaki. Inalis nito ang isang kamay mula sa kanyang leeg. Tumayo. Sa kadiliman, naaaninaw niya ang malaki't matipunong katawan ni Crisanto, na nakatambad sa harap niya, pinagmamasdan ang kanyang buong anyo.

Tumindig siya. Pinagpag ang palda upang matanggal ang dumikit na mga dahun-dahon. Humahakbang nang papalayo si Crisanto. Sumunod siya.

" Saan ka nakatira ?" tanong ni Crisanto.

" Sa Sta. Magdalena ."

" Sa Krosing ?"

" Oo ."

" Gusto mo bang dalawin kita roon nang madalas ?"

Mahigpit siyang humawak sa kamay ni Crisanto. Papalapit na sila sa liwanag mula sa posting ilaw sa tapat ng paaralan. Huminto si Crisanto. " Mauna ka na ." Nag-alinlangan siya. Bahagya siyang itinulak ng pulis. " Sinabi kong mauna ka na. May gagawin pa ako rito. "

Sumunod siya. Kahit hindi matigas ang tinig ni Crisanto, ito'y may angking lakas, lakas na tila nagmula sa buong katauhan niya. Nang malapit na sila sa liwanag, nilingon niya si Crisanto. Wala na iyon. Tinupad ni Crisanto ang kanyang pangako, dinalaw ni Crisanto ang tirahan ni Agnes. Nag-iisa lamang siya, maliban kay Sali na wala pang kamuwang muwang. Mangingisda ang ama ni Sali. Sumama sa isang sasakyang-dagat patungong Palawan. Hindi na nakabalik o nakasulat man lang sa loob ng tatlong taon.

Nakukubli ang kanyang dampa sa mayayabong na puno ng saging. Sa likuran ng kanyang dampa ay may bukirin. Mayabong na bukirin. Tatlo o apat na beses dumalaw si Crisanto sa kanya. Kung minsan, hapon siya kung dumating at gabi na kung umalis. Kung minsan naman, sa kalagitnaan ng umaga at tanghali kung umuwi. Sa mga pagkakataong ito, inuutusan niyang pumunta si Sali sa kanyang lola sa ibayong ilog upang makipaglaro sa kanyang mga pinsan. Kaya may pagkakataon sila ng pulis na magsarili.

Isang mapangahas na mangingibig si Crisanto. Oo, pag-ibig ang akala niyang batayan ng kanilang kaugnayan. Ang lahat ng init ay pag-ibig. Mag-aapat na buwan na ang kanyang pagdadalantao nang mabalitaan niyang lumuwas sa lungsod si Crisanto. Kung ano ang ginawa roon, di niya alam.

At sila'y nagkita na lang muli pagkalipas ng mahabang panahon, kahapon sa palengke. Ngunit malaki ang ipinagbago ni Crisanto. Kinimkim niya sa sarili ang poot.

Ngayon, kumakagat na ang dilim. Sa labas ng sira-sirang bintana, nakikita ni Agnes sa dilim ang balangkas ng mga bagay sa kapaligiran, hugis ng dahon ng saging, mga puno; at di niya nakaligtaang sulyapan ang isang bubot na buwig ng saging. Tinawag ni Agnes si Sali upang magsaing. Dalawa. Tatlong beses. Walang sumasagot.

Galit na tumayo si Agnes. Pasunggab niyang kinuha ang tukod-bintana. Sumalpak ang bintana sa dinding ng dampa. Nagising ang nilalagnat na sanggol. Umiyak. Sunud-sunod na pagmumura ang lumabas sa mga labi ni Agnes.

Humiga siya sa tabi ng sanggol at isinaksak muli ang hindi pa natatakpang suso sa bunganga nito. Pilit na tumahan ang bata. Nabubulunan ito, ngunit patuloy pa rin ang pagsaksak ni Agnes ng kanyang suso sa bibig nito.

Nahagod ng braso ni Agnes ang pisngi ng bata, at naramdaman niya ang mataas na lagnat nito. Muli niyang naalala si Crisanto. Si Brando, ang kanyang asawa. Saan na kaya si Brando? Nasa Palawan pa kaya? May asawa na kaya iyon? Lintik na Brando! Lintik na Crisanto! Lintik na buhay ito!

"Sali!! Sali!! Muling kumulog ang tinig ni Agnes. "Sali! 'Asan ka, maldita ka! Pag nahuli kita. makikita mo. Tatalupan ko iyang mukha mo. Sali!"

Yamot na yamot na si Agnes sa katatawag. Naghari ang katahimikan. Pagaspas lang ng dahon ng saging ang maririnig mula sa labas tuwing hihipan iyon ng hangin. Kaluskos ng ilang gapok na pirasong kugon sa bubong. Nalaglag ang isang piraso sa mukha ni Agnes. Napapikit siya nang tumusok ang dulo ng kugon sa puno ng kanyang ilong.

Hangin, pagaspas ng mga dahon, hangin sa dapithapon. Pinalitan ng kapanglawan ang poot ng damdamin ni Agnes. Nakinig siya sa malambot na tinig ng takipsilim. Pumikit siya. Naramdaman niya ang paghapdi ng kanyang mga mata.

Naidlip marahil si Agnes, pagkat nagising siya sa isang tinig. Tinig ng lalaking tumatawag mula sa silong. Ilang sandaling pinakiramdaman muna ni Agnes. Hindi niya kilala ang tinig na iyon. Hindi pa niya narinig iyon simula't sapol. Malalim ang tining, nakababalisa. Iyo'y di-pangkaraniwan sa kanyang pandinig. Bumangon si Agnes mula sa hinihigaang malamig na sahig. Napansin niyang madilim nap ala sa loob ng kanyang dampa. Walang ilaw. Kinapkap niya ang gasera sa isang sulok. Ang posporo sa kilo. Ngunit, magaan na ang posporo. Wala nang laman. Binuksan na lamang niya ang sira-sirang pintuan.

"Magandang gabi, 'Day," bati ng tinig mula sa silong. Nakita ni Agnes ang bumabagang dulo ng sigarilyo sa kamay ng lalaki. Pinagmamasdan niya nang maigi ang lalaki. Wala siyang Makita maliban sa malabong anyo niyon. Katamtaman ang pangangatawan ng lalaki.

Hindi sumagot si Agnes. Ngumiti siya ngunit ngiting walang silbi sa gitna ng kadiliman. Nakita niyang lumapit ang lalaki sa paanan ng munting hagdanan. Itinuntong ang isang paa sa unang baitang. Tumingin-tingin sa loob ng dampa.

Kasalukuyang nakapatong ang isang kamay ni Agnes sa gilid ng pintuan samantala ang isa naman ay malapit sa tiyan, bumabatak at kumikimkim ng mga tiniklupan ng palda sa kanyang baywang.

"Magtatanong sana ako, 'Day, kung nakikilala mo si Mang Anchong. Anchong Lipis," sabi ng lalaki.

"A, siguro si Mang Anchong ni Mayang."

"Oo."

"A, tila nasa ibayo ang bahay nila."

"Gaano pa ba kalayo iyon?"

"Limang kilometro."

"Di na ba dadaan sa kalsada?" At hinagis ang sigarilyo.

"Ang pinakamalapit na daanan ay diyan sa may ilog sa unahan, tapos sa parang at patag. Magtanong-tanong na lang kayo. Mabuti sana kung may maghahatid sa iyo. Nag-iisa ka lang ba?"

"Galing pa ako sa lungsod. May aaregluhin lang sana kami ni Anchong. Hinggil sa lupa niya. Aalis na ako, 'Day, salamat." Anyong patalikod na ang lalaki, ngunit nang makita ito ni Agnes, parang tinusok ng karayom ang kanyang puso.

"Di ka ba muna magpapalipas ng roas, sir?"

Napatigil ang lalaki. "Tutuloy na lang ako. Ay, teka nga pala, 'Day, puwede bang humingi ng inumin? Baka mamaya'y maligaw ako sa daan."

Umurong si Agnes. "Panhik ka muna, sir."

Madilim na sa loob ng dampa. Sumilip ang lalaki sa pintuan. Ipinatong ang dalawang bisig sa huling baitang ng hagdanan.

"Pasensya na kayo, sir. Sandali lang at sisindihan ko pa ang ilaw," pasinungaling ni Agnes.

Kumuha ng posporo ang lalaki sa bulsa ng kanyang kamisadentro. Kumiskis ng isang palito. Saglit na lumiwanag kahit na madilim-dilim pa rin ang loob ng dampa. Pinatay ng ihip ng hangin ang mahinang sindi ng palito.

"'Day, heto ang posporo, o. Nahihirapan ka yata riyan. Dalhin mo na rito ang gasera."

"Hindi naman."

Pumanhik sa hagdan ang lalaki. Umupo sa unang baitang. Iniabot ni Agnes sa kanya ang gasera. Sinindihan niya ito.

"Wala na palang laman ang posporo ko," sabi ni Agnes.

Humihip muli ang hangin at namatay ang ilaw. Sa sandaling ito, patungo na si Agnes sa lutuan sa isang sulok ng dampa. Malapit sa tapayan. Binuksan niya ang bunganga ng tapayan. Sumandok.

Asiwang nakalumpagi sa sahig ang lalaki nang siya'y bumalik. Isinara niya ang pinto upang hindi makapasok ang hangin. Nakasandal sa dinding ang lalaki.

"Kayu-kayo lang pala rito ng anak mo?"

Ngayon, sa liwanag ng gasera, nakita nang husto ni Agnes ang pagmumukha ng lalaki. Nakakamisadentrong puti, nakasapatos, crew-cut ang gupit ng buhok, may edad na - marahil mga apatnapu; gayunman, di maikakailang ito'y magandang lalaki pa rin. Matipuno at malapad ang balikat, matangos ang ilong. Wari'y sinasalat ng kanyang mga mata si Agnes nang inabot nito ang tarong kinalalagyan ng tubig. Isang malalim at wari'y nakakatagos na titig.

Lumagok nang marami ang lalaki. Siyang-siyang pinagmamasdan ni Agnes ang pagtaas-baba ng lalamunan ng lalaki. Sa kanyang palagay, maykaya sa buhay ang lalaki. Maayos ang pananamit, ang pagkilos; hinggil daw sa lupa ni Mang Anchong ang kanyang pakay.

Iniabot ng lalaki ang tarong walang laman kay Agnes. "Maraming salamat, 'Day. Ang tamis pala ng tubig ni'yo rito."

Ngumiti si Agnes. "Saan pala ang asawa mo, 'Day?"

"Malamang nasa pondohan na naman ng tuba sa kanto," pasinungaling niya.

Marahang tumawa ang lalaki. Lumitaw ang biloy sa bawat pisngi niya. "Ganyan talaga ang buhay sa bukid." Naglupagi si Agnes sa tabi ng sanggol. Ipinatong ang taro sa kanyang paanan. "Natutulog pala iyang badigard mo," sabi ng lalaki.

"Me lagnat kasi, eh."

"Baka nagpapatubo ng ngipin."

"Baka nga." Hinaplos ni Agnes ang noo ng sanggol.

"Ilang buwan na ba iyan?"

"Mag-aanim na."

Naghari ang katahimikan. Isang katahimikang nakakaasiwa. Naramdaman ni Agnes na pinakikiramdaman siya ng lalaki. Marahang tumingala siya. Nagkatitigan sila - isang makabuluhang titig. Mabilis ang tibok ng dibdib ni Agnes. Nararamdaman niya ang pag-init ng kanyang katawan.

Kumilos ang lalaki. Tumayo. Ipinatong ang isang kamay sa pintuan upang buksan ito. Parang kinuyom ang puso ni Agnes.

"Eh, din a ako magtatagal, 'Day," sabi ng lalaki.

"Salamat uli."

"Oo," sagot ni Agnes. Huli na ang kanyang pagsisising nasabi pa niya ito. Binuksan ng lalaki ng pintuan. Nakikinig si Agnes sa dahan-dahang paglangitngit nito. Nakaramdam siya ng panghihinayang at kabiguan. Humakbang ang lalaki sa unang baitang ng hagdanan. Nilamon na ng kadiliman sa labas ang mukha at kalahating katawan nito. Parang mabubulunan si Agnes nang bigkasin niya ang isang salita. May bahagya ngunit halatang panginginig ang boses: "Sir."

Biglang napalingon ang lalaki. Nakalupagi pa rin si Agnes. Nakayuko siyang tinititigan ang kanyang singit, samantalang kumikilos ang kanyang dalawang kamay, dahan-dahang inaalis ang damit sa paghubad ng sarili sa harap ng estranghero. Nalantad ang kanyang dibdib at kalahating katawan.

Nakatitig si Agnes sa lalaki. Muling tinawag. Pinagmamasdan ng lalaki si Agnes ngunit hindi ito tumitinag sa kinatatayuan. Nakaismid ang labi ni Agnes. "Lumapit ka sa akin. Hindi ka ba marunong umintindi?" Halos pautos ang tinig ni Agnes.

Lumapit naman ang lalaki kay Agnes. Ipinatong ang dalawang kamay sa magkabilang balikat ng babae. Subalit walang init ang palad ng lalaki. Sinubsob ni Agnes ang mukha nito sa dibdib ng lalaki. Niyapos ng kanyang mga bisig ang leeg nito. Humahangos siya. Bumilis ang tibok ng kanyang dibdib. Parang hinihila siya ng alimpuyo. Ngunit sa kabila ng lahat, nanatiling isang matatag at malamig na pader ang lalaki.

Naglao'y inalis ng lalaki ang mga bisig ni Agnes mula sa kanyang leeg. Dahan-dahang inilayo sa sarili ang babae. "Ang sanggol mo," paalala ng lalaki sa mababang tinig. Hinalukipkip ni Agnes ang kanyang bisig upang takpan ang kanyang hubo't hubad na katawan. Nakaramdam siya ng hiya. "Ang sanggol mo," ulit ng lalaki.

Awa, awa ang naramdaman ng lalaki para sa babaing ito. Awa dahil ito'y maputla't payat, mga bakas ng marahil ay di-mapantayang unos ng buhay. Tumayo ang lalaki at tinunton ang madilim na landas sa kalaliman ng gabi.

Read the original in Hiligaynon

back to writing from the regions | fiction | home


faqs | about us | contact us

 

Hosted by: Institute of Creative Writing, UP Diliman.
©2005 panitikan.com.ph . All Rights Reserved.
Site design by swim.interactive