fiction
Introduksyon
sa Maikling Kuwentong Kapampangan at Pangasinan
ni Ma. Crisanta S. Nelmida
Maikling Kuwentong Pangasinan
Ang sampung maikling kuwentong
kasama sa kalipunang ito ay kinuha sa tanging
publikasyon sa lalawigan ng Pangasinan na naglathala
ng mga akdang bernakular. Sa pamamagitan ng magasing
Silew (Ilaw), at sa kahalili nitong Sandi’y
Silew (kapalit ng Silew) ng Pangasinan Review
Press, Inc., ang maikling kuwento ay nabuhay mula
1937 hanggang 1965.
Pinakamaraming kuwento ang naisulat
sa dekada 30. Apat sa kalipunan ay galing sa dekadang
iyon. Isa lamang ang lumabas noong dekada 40 at
isinama rin dito, samantalang walang nakalap na
kuwentong nalathala sa sumunod na dekada 50. Lima
sa sampung kuwento sa kalipunan ay nasulat noong
dekada 60, bagama’t hindi nangangahulugang
superior ang mga akda sa panahong iyon. Marami
sa mga kuwentong dekada 30 ay malapit nang mabura
sa pahina ng kasaysayang pampanitikan ng Pangasinan
dala ng mga di maiiwasang dahilan, tulad ng kalumaan
at kakulangan ng kagamitang maaaring makapagmantini
ng naninilaw at mistulang naaabo nang mga dahon.
Sinadya ang pagpili ng mga kuwentong
buhat sa iba’t ibang dekada upang mabigyan
ng representasyon ang kalakhang bahagi ng manunulat
sa bawat yugto, bukod sa layuning maipamalas at
maipaunawa ang kaligirang sosyo-historikal ng
lalawigan. Ang pamimili ng kuwento ay nagsaalang-alang
din sa mga manunulat na maraming kuwentong nailathala.
Hinugot ang mga piling akda sa kanilang mga naisulat.
Kamakailan ay yumao na rin si Juan C. Villamil.
Bunga ng mga praktikal na kadahilanan,
limitado ang haba ng kuwentong naisama sa koleksyon.
Gayunpaman, hindi nakapinsala sa kabuuang halaga
ng mga napili ang pag-iwas sa mahahabang kuwento.
Walang pangarap na lapatan ang
mga napiling katha ng mga kontemporanyong pamantayan
ng panunuri. Malay ang mananaliksik na may sariling
partikularidad ang panitikang Pangasinan, na hindi
maaaring itugma o ihambing man lamang sa kanluraning
oryentasyon ng kasalukuyang mga akda at kritisismo.
Wika nga ni Dr. B. Lumbera (1984, 113) kaugnay
ng panitikang bernakular at ng pamantayan sa pagsusuri
nito, “Tradition does not imply a set way
of saying what one means, or a meaning that is
immutable. The student must always guard against
the notion that literary development will follow
the same rules regardless of time or place.”
Hindi kinakailangang hanapin ang
mga katangiang nakahiratian na sa pagbasa at pagsusuri
ng mga akdang bernakular. Ang kahalagahan ng tradisyong
katutubo ay hindi katumbas ng kahalagahan ng panitikang
“pribilehiyado” sa itinatakda ng tinatawag
nating “literary canon.” Sa halip,
kailangang ugatin ang teksto sa kinabibilangang
kapaligiran bago ito ikawing sa pangkalahatang
pag-unlad ng panitikan sa bansa.
Sinikap ng nagsalin na panatilihin
ang orihinal na anyo ng bawat kuwento nang hindi
isinasakripisyo ang saysay at kabuluhan ng nilalaman.
Naharap ang nagsalin sa sitwasyong kailangang
bigyan ng linaw at kawastuan ang istrukturang
gramatikal ng salaysay. Alinsunod sa kahingian
ng malinaw at maayos na pagbasa ng babasa, hindi
naiwasang baguhin ang konstruksyon ng mga pangungusap
na kadalasa’y mahahaba at paulit-ulit. Subalit
tinangka pa ring panatilihin ang orihinal na daloy
ng pahayag nang maunawaan at mapahalagahan ang
katangiang “orality” ng teksto, lalo
na sa mga naunang kuwento. Ang mga salitang nakabaybay
sa Kastila ay pinanatili rin bilang sangkap na
makapaghahain ng akmang pagnamnam sa timpla ng
panahong kinabilangan ng akda. Gayundin, ang ilang
salita sa Pangasinan na maituturing na pandagdag
sa bokabularyo ng pambansang lingua franca ay
pinanatili sa ikayayaman na rin ng dinamikong
wikang Filipino.
Sa tuwina’y isinaisip ang
kapakanan ng mambabasa at ang kabuluhan ng mismong
mga kuwento sa Pangasinan bilang gabay sa pagsasalin.
Ang anumang pagkukulang o kalabisan sa pagsasalin
ay inaako ng nagsalin.
Maikling Kasaysayan ng
Pampanitikang Produksyon sa Pangasinan
Madalas mapagkakamalang Ilokano
ang sinumang taga-Pangasinan, o kaya’y akalaing
bahagi ng Ilokos ang lalawigan. Ipinagdidiinan
naman ng iba na ang Pangasinan ay isang “Ilocanized
province of the North.” Nakababahala ang
pagbura sa identipikasyon ng mga Pangasinense,
mangyari’y pangalawa ang lalawigan sa buong
bansa kung populasyon ng botante tuwing halalan
ang pag-uusapan. Subalit higit sa anupaman, nakababahala
ang pagbura sa maipagmamalaking kasaysayan ng
kultura’t panitikan ng Pangasinan.
Isa sa mga lumang palimbagan sa
Pangasinan ay ang Parayno Hermanos. Ito ang palimbagang
ginamit ng mga manunulat sa Iloko bilang lagusan
ng kanilang mga sulatin. Sa pamamagitan ng publikasyon,
nakilala at dumami ang mga lathalaing Iloko (karaniwa’y
mga awit at korido) na kumumpitensya sa panitikang
Pangasinan, hanggang tuluyan nang lumiit ang bilang
ng mga babasahing nasa Pangasinan. (Icagasi 1982,
p. 2) Mag-uugat sa pangyayaring ito ang pangamba
ng mga Pangasinense na baka dumating ang araw
na mailibing na lamang sa limot ang tunay na wika
ng lalawigan. Naulit iyon sa kalaunan nang lumitaw
at lumaganap ang babasahing Bannawag (katumbas
ng Liwayway sa Iloko) sa buong bansa.
Ang Tonung (isang pahayagang itinatag
noong 1925 at nagsara makalipas ang isang dekada)
ang naging lagusan ng pagkabahala ng mga Pangasinense
na baka mawala ang wikang Pangasinan dahil sa
Iloko, Tagalog, Kastila at Ingles. Isang maikling
“satire” ang lumabas dito tungkol
sa posibilidad na mawala ang wikang Pangasinan.
Noong 1921 lumabas na ang ganitong pagkabahala
sa Lioaoa (Liwanag), isang pahayagang Katoliko,
sa anyo ng isang tula ng isang gumamit ng sagisag
na Efe Be Ese. (Icagasi 1982, p. 3)
Isa pang palimbagan na kilala noon
ay ang Pangasinan Review Press. Ang buwanang supplement
ng Pangasinan Review Press, ang Silew (Ilaw) (Hunyo
1934 hanggang sa Nobyembre 1943) ay naging lagusan
ng mga manunulat sa bernakular, tulad ng sarsuwelistang
Juan Santos at mga makatang Jose Mejia at Jose
Zulueta. Dito rin unang matatagpuan ang mga maikling
kuwento simula sa dekada 30. Unang nalathala ang
“Tia ya Agwari Asabin Iyanak” (Tita
na Muntik nang Hindi Maipanganak) noong Marso
1937, kuwento tungkol sa isyu ng aborsyon, na
sinulat ng isang hindi nagpakilalang kuwentista.
Kasabay nito ang isang sanaysay, “Kimkimey
ya Nipaakar ed Campaña Sufragio Femenino”
(Mga Gawain Para sa Pagkampanya ng Karapatan ng
Babaeng Bumoto) ni Ma. Magsano, ang presidente
ng Women Suffragists Movement ng lalawigan at
editor ng Silew sa loob ng walong taon. Ang isyu
ng kababaihan ay aalingawngaw sa Silew sa mga
tula, kuwento, sanaysay, nobela, pati sa mga bugtong
at sawikain, dala ng maigting na impluwensiya
ng editor na siya ring pangulo ng pederasyon ng
mga kababaihan.
Karaniwang nilalaman ng Silew ang
mga sumusunod: anlong (tula), bonikew/pabitla
(bugtong), tambal na alipanes tan kesaw (payo/gamot
sa kalungkutan at pagod), diparan (sawikain) at
antikey ya estoria (maikling kuwento).
Nang magsara ang Silew, lumabas
ang lingguhang Pangasinan Courier noong 1948.
Bagamat nakasulat sa Ingles ang pahayagan, ibinalik
ang ‘espiritu’ ng Silew sa pamamagitan
ng isang seksyong bernakular—ang Sandi’y
Silew (kahalili ng Silew). Noong dekada 60 naging
makulay ang Sandi’y Silew nang ilathala
ang maiikling kuwento nina Juan Villamil, Leonarda
Carrera at Eufemia Villamil. Ilan sa kanilang
kuwento ay isinama sa kalipunang ito. Mula sa
gitnang bahagi ng dekada 60 hanggang sa dekada
80, ang nasa seksyong panitikan ay mga serye ng
mga nobela nina Ma. Magsano at Juan C. Villamil.
Ayon sa isang iskolar, ang pagkalimbag ng mga
sineryeng nobela ni Ma. Magsano sa Sandi’y
Silew ay maituturing na nagtakda ng direksyon
para sa mga datihan at bagong manunulat. Nagsilbing
lagusan at inspirasyon ang Sandi’y Silew
para sa mga manunulat sa bernakular. Kasama sa
seksyong bernakular ang mga notisyo-legal at patalastas
na nasa wikang Pangasinan.
Ang Silew at Sandi’y Silew
ay mga higanteng publikasyon sa panahong kanilang
kinabilangan. Ang magasing Silew ay may malaking
sirkulasyon na umabot sa mga mambabasa sa buong
rehiyon, at maging sa mga mambabasang Iloko. Nangangahulugang
naging mainam ang pagtanggap ng mga mambabasa.
Nagsilbi itong pormal na lagusan ng pagkamalikhain
ng mga manunulat, tinanggap bilang pangunahing
sanggunian, at tinangkilik bilang babasahing pang-aliw
ng mga mambabasang karamiha’y kabilang sa
matatawag na katutubong literati. Subalit hindi
ito magasing ukol sa mga nakapag-aral lamang dahil
malawakan ang saklaw at bilang ng mga mambabasang
naaabot nito.
May iba’t ibang klase ngayon
ng babasahin sa lalawigan—mga pahayagang
panrehiyon na minsan o dalawang beses lumabas
sa isang buwan, at mga magasing laging napapabalitang
tumigil o muling nagpatuloy sa paglalathala. Marami
mang publikasyon, hanggang sa reprints lamang
ang panitikan ng Pangasinan (kung pinapalad ang
editor) ng mga sinaunang nobelang bernakular,
sapagkat karamihan sa mga publikasyong ito ay
nakalaan sa mga lathalaing pampulitika na isinunod
sa nilalaman ng mga arawang peryodiko sa Kamaynilaan.
May pagtatangkang manaka-nakang
isingit ang ilang akdang pampanitikan, ngunit
kadalasang sa Ingles nakasulat ang mga ito. Sa
mga magasin lamang pamisan-minsang matatagpuan
ang ilang kathang bernakular ng isang kontemporanyong
manunulat, na kapapansinan naman ng matingkad
na pagkawangis sa mga akda sa Ingles. Nais ipaunawa
na ang mga akda sa lalawigan, mula dekada 70 hanggang
sa kasalukuyan, bernakular man o hindi, ay sadyang
naging bahagi na ng pag-unlad ng panitikan sa
bansa na ang malaking bahagi ay may impluwensiyang
kanluranin. Ito ang isang dahilan kung bakit hanggang
sa dekada 60 lamang ang sumasaklaw sa pagkasulat
sa piniling materyales para sa kalipunan. Mas
masasalamin ang taal at/o likas na katangian ng
katutubong kultura at kaligirang sosyal ng lalawigan
sa mga naunang akda.
Gayunman, isinaalang-alang din
ng mananaliksik na ang anyo ng maikling kuwento
ay hindi lamang nauugat sa ating katutubong tradisyon
kundi, tulad ng nobela, ay nakikilala rin sa pamamagitan
ng mga akdang Kanluran, partikular ang mula sa
Amerika at Pransya. Katunayan, may impluwensiyang
panlabas ang sampung piling kuwento sa kalipunan,
may hibo ng ilang siglong pananakop ng Kastila.
Ngunit, hindi nangangahulugang basta imitasyon
o gagad sa iba ang sariling atin. Nagsilbing kasangkapan
lamang ang mga impluwensyang ito (malay man o
hindi) sa tinatawag ni Dr. Lucilla Hosillos na
“Filipinization of the western short story”
sa kanyang Originality as Vengeance in Philippine
Literature (1984, 92).
Dalawang Matingkad na Katangian
ng Piling Maikling Kuwento
“Orality”
ng teksto
Ang teksto ng maikling kuwento
sa Pangasinan, lalo na ang mga unang akda, ay
kababanaagan ng mga elemento ng tradisyong oral.
Tulad ng pagsasalaysay na berbal ng isang pangyayari,
ang awtor ay aktibong namamagitan sa pagkukuwento
(tinatawag sa Ingles na authorial intervention).
Gumagamit siya ng espasyo sa pahina upang paglaanan
ng kanyang sariling kuro-kuro at/o opinyon sa
pangyayaring kanyang isinasalaysay. Sa ibang turing,
ang awtor mismo ang nagiging tagapagsalaysay at
nawawala ang tauhang nagsasalaysay, kundi man
ang may punto de bista ng kabuuang kuwento. Sa
gayon, nagiging labas sa pagiging fiction ang
anyo ng panitikan at nagsisimula itong maging
sanaysay o liham na nagpapayo at nangangaral.
Sa unang kuwentong “Tita
na Muntik nang Hindi Maipanganak,” nagpapayo
ang awtor sa mga inang nakikiuso, na masamang
gawain ang paglalaglag ng bata (abortion). Nagwakas
ang kuwento sa kahilingan ng awtor na sana, ang
mga inang mambabasa ay makapulot ng magandang
aral sa kuwento na totoong naganap.
Batay sa lihim na pangyayari, marami
na sa mga ina ngayon na hindi lamang yaong walang
asawa ang nagpapalaglag ng bunga ng kanilang sinapupunan
dahil ayaw nilang tumigil sa kanilang empleo,
o kaya’y dahil sa pagkasira ng figura, at
dahil itinuturing na katambal ng pagbabago ng
panahon o parang isang moda ang pagkitil ng buhay
sa sinapupunan ng isang ina….
Kayo ngang mga ina, pagnilayan
n’yo nga kung mayroon kayang kahalagahan
itong totoong cuento sa inyo.
Nagmistulang pari, ministro o propeta
ang awtor sa “Huling Habilin” nang
pangaralan niya ang pangunahing tauhang si Maria:
Itong Maria na anak, dahil wala
siyang ibang mapagsumbungan ng mga dalamhati o
kaya’y lungkot sa buhay kung indi si ina
niyang laging kabalikat mula’t saput….
Nakapanlulumo na hindi niya naisip na ang mapagmahal
at mapagpaubayang ina ay may sakit sa puso at
sa mga araw na iyon, madalas maramdaman ng ina
ang mabilis at hindi normal na pagtibok ng puso.
At tulad ng unang kuwentong “Tita,”
ito ay tinataya ring kuwentong tunay na nangyari.
Gayundin, sa “Mga Karinyo
niya Lamang,” tila Ate Helen ang awtor sa
pagbabanta sa mga kabataan hinggil sa kahihinatnan
ng maagang pakikipagtipan:
Nasa panahon sila ng kanilang kabataan,
lalo na kay Nenita na kauna-unahan niya itong
pakikipagnobyo. Wala pa siyang ibang nasusubukan
kung ano ang ibig sabihin, sarap o pait, lasa
o tabang, katapatan o kataksilan ng pag-ibig.
Pobre! Pobreng babae!
Kaugnay ng nabanggit na, ang mga
piling kuwento ay ekstensyon ng tradisyong oral
na ang diskurso ay nagmumula sa isang kuwentista—sa
awtor. At dahil nakasulat ang pagkukuwento, mahaba
ang mga pangungusap, paulit-ulit ang gamit ng
panghalip, at bumubuway ang paghabi ng mga pangungusap
at talata. Dahil mabagal ang takbo ng mga pangyayari
na kadalasang nagmumula sa isang munting suliranin
lamang, walang maigting na tunggaliang namamayani
sa teksto. Bunga nito, walang masinop na istruktura
ang nakararaming bilang ng mga piling kuwento
na pawang nasa anyong naratibo batay sa karanasan,
obserbasyon at paniniwala ng awtor.
Sa “Vida” ni Magsano,
mahahaba ang paglalarawan tungkol sa pagdiriwang
ng kapistahan sa nayon. Naging madetalye rin ang
paglalarawan niya ng lumang bahay ng bidang si
Vida. Sa isang karaniwang mambabasa, tila pagsasayang
lamang ito ng pahina at panahon ng awtor sa mga
bagay na walang mahalagang kaugnayan sa simpleng
kuwento ng pag-iibigan nina Vida at Mario. Kung
pakalilimiin, ang pagdidiin ng awtor sa usapin
ng pista at kalumaan ng bahay ay naging mahalaga
lamang bilang batayan sa paglalahad ng pangunahing
tunggalian, kaugnay na rin ng mga tauhang nakita
sa iisang tagpuan—ang tunggaliang namamayani
sa awtor mismo, sa kanyang pag-uurong-sulong laban
sa luma at konserbatibo, at sa bago o modernong
kapaligiran. Ang mabagal na pagsasalaysay ay nagmimistulang
pahiwatig ng pagkamakiling ng awtor sa nakalipas
na panahon na nailalarawang mapayapa, tahimik
at mabagal ang daloy, na taliwas sa modernong
panahong maalingasngas, magarbo at mabilis.
Sa “Mga Karinyo Niya Lamang,”
napakahaba rin ng pagpapamalas ng awtor ng matamis
na lambingan ng magsing-irog. Halos “mabulunan”
ang mambabasa sa timyas ng kanilang suyuan. Subalit
sa pagpapatunay ng tuwirang salaysay tungkol sa
pag-ibig, nakakagawiang paigtingin ang pagsusuyuan
sapagkat kadalasan ito ang hinihingi ng nakikinig.
Masususugan ito sa nobela ni Ma. Magsano, na may
pamagat na Duksa’y Kapalaran (Malupit na
Kapalaran). Ang tauhang si Tanching ay madalas
mangulit kay Aling Susang na magkuwento ng pag-iibigan
nina Luis at Elena. Inamin mismo ni Tanching na
mahilig siya sa mga kuwentong pag-ibig sapagkat
ang Pilipina diumano ay sadyang romantiko. Maidaragdag
na kapag umibig ang isang tao, hindi ba’t
di niya alintana ang paglipas ng oras?
Samakatwid, may kahabaan (sinadya
man o hindi ng awtor) ang mga kuwentong tumatalunton
sa tradisyong oral.
Isang di-maiiwasang implikasyon
ng katangiang “orality of the text”
ay ang pagtanggap sa awtor bilang tanging bukal
(source) ng salaysay. Ibig sabihin, ang awtor
ang nagiging “absolute source of meaning”—siya
ang may hawak ng kapangyarihang magtakda ng kahulugan.
Sa ilalim ng kairalang patriarkiya, ang awtor
ang nagiging diyos na naghahatid ng tumpak na
kahulugan (para sa babae man o sa lalaki), at
siyang tangi’y makapagtatakda ng katayuan
ng tinatawag na binary opposition. (Toril Moi,
1987) Ang relasyon ng awtor bilang awtoridad at
ng mambabasa bilang tagatanggap ay hindi nalalayo
sa relasyon ng naghahari sa pinaghaharian, ng
mananakop sa sinasakop, at ng nakatataas sa nakabababa.
Ngunit ang sinasabi ng awtor na
totoong pangyayari ang kuwento o batay sa kanyang
karanasan, o mali at tiwali ang gumawa ng mga
bagay na labag sa mata ng tao, Diyos at lipunan,
ay hindi maaaring lubusang tanggapin bilang katotohanan.
Dahilan: ang teksto ay may sariling konstruksyong
sosyo-historikal kaya’t mauunawaang ang
manunulat, ay tagapagsalita mula sa kanyang tiyak
na kalagayang hinuhubog ng mga salik na pangkultura,
pampulitika, sosyolohikal at personal.
Kung gayon, ang awtor ay hindi
tanging bukal ng kahulugan ng teksto. Ang realidad
na inilalarawan at inihahatid ng teksto ay hindi
ang tunay na realidad. Ang realidad ay konstruksyon
lamang ng teksto. At ang konstruksyong ito, gaya
ng nabanggit na, ay hindi nililimitahan ng teksto
sa pagsasabi ng manunulat na, “the text
speaks for itself, “ dahil sinasabi namang
may ugnayan ang manunulat at mambabasa.
Mapahahalagahan lamang ang “panghihimasok”
ng awtor sa teksto sa pamamagitan ng pangangaral
at pagpapayo, bilang pagtatangka na punahin ang
ilang usapin at relasyon sa lipunan. Ang awtor,
bilang tinig ng kanyang panahon at sensitibo at
aktibong miyembro ng kanyang kapaligiran, ay mahalagang
puwersa sa paghubog di lamang ng kasaysayan ng
pag-unlad ng kamalayan sa panitikang Pangansinan,
kundi pati sa mas masaklaw na panitikan ng bansa.
Didaktisismo
Ang didaktisismo ang masasabing
pinakamatingkad na elemento di lamang ng mga piling
kuwento sa bernakular kundi maging ng kalakhang
panitikang Pilipino. Ayon nga sa ilang kritiko,
ito ang nagpapakilala ng pagka-Pilipinong akda.
Inuugat ito sa mga aral na inihahatid ng mga bugtong,
salawikain at iba pang sinaunang anyong oral.
Nagbihis-Kristiyano ito sa mga akda noong panahon
ng Kastila at ganito pa rin hanggang ngayon. Laging
itinatanong ng mambabasa, manonood o tagapakinig
ang aral ng kuwento, pelikula o maging awit at
programa sa radyo. Ipinaliliwanag ang tagumpay
ng anumang anyong pampanitikan alinsunod sa “moral
appeal” nito at siyang ngayong tinatatakang
himig-Pilipino, tulad ng matagumpay na “rap”
ni Francis Magalona na nangangaral sa mga kabataan
na di-umano’y tumatalikod sa mga tradisyunal
na birtud ng paggalang sa magulang at nakatatanda.
Sa mga kuwento sa kalipunan, kapuna-puna
ang pagdiin sa mga tradisyunal na birtud ng paggalang
at pagsunod sa magulang at nakatatanda at lalo
na sa Diyos. Mabigat na kasalanan sa Diyos ayon
kay Aling Bayang sa “Tita” ang paglalaglag
ng buhay sa sinapupunan ng ina. Ayon naman kay
Miss Manuel sa “Sinong Maysala?,”
aanihin ni Dr. Tito Gorospe ang masamang bunga
ng ginawa niyang pagtataksil kay Leonora. Ang
langit ang magpaparusa sa kataksilan ng lalaki
sa pamamagitan ng karma. Sa “Huling Habilin,”
pinagpayuhan si Maria ng kanyang ina na ituring
na lamang na kabalikat niya si Hesukristo sa pagpasan
ng mabigat na Krus sa pagdanas niya ng mga suliranin
at pasakit sa buhay. Tulad nito, ang paghihiganti
sana ni Lino sa “Pag-ibig at Hirap ng Loob”
sa taong pumatay sa kanyang pamilya ay naudlot
nang gumalaw ang kamay ng Diyos at sa mismong
pagkakamali ng salarin, tinapos ng mapagpala Niyang
kamay ang madilim nitong buhay. Walang huhugasang
kamay si Lino sapagkat inako ng langit ang pagpapataw
ng kaparusahan sa taong nagkasala.
Inihabiling lahat ni Nenita sa
Maykapal, sa “Mga Karinyo Niya Lamang,”
ang anumang kahihinatnan ng pag-ibig nila ni Ramon
bunga ng pagkakalayo nila. Ang pagtitiwala sa
Maykapal ang nagpatatag kay Nenita na maluwalhating
harapin ang mga tukso. Gayundin, sa “Binalikan
Niya ang Kanyang Pamilya,” ang pagbabalik
ng ama sa kanyang pamilya mula nang magkalayo
silang mag-asawa dahil sa digmaan ay iniasa sa
Diyos.
Napakalinaw ang relasyon ng nilalag
sa kanyang Manlilikha sa “Vida.” Sa
katha, ang pagtalima ng tauhang si Vida sa kanyang
kauturan ang nakapagpatunay ng kanyang kabanalan
gaano man kadilim ang nakalipas niya. Ang pagpapakasal
ni Vida kay Mario ay isang simbolikong pagbabasbas
ng pakikipag-isa ni Vida sa asawang si Mario,
at ng kanyang pagpapailalim sa doktrina ng simbahan
bilang instrumento ng paglilinis ng imoralidad
o madilim na nakaraan ni Vida (dahil lamang sa
musmos niyang pakikipagnobyo sa isang lalaking
ayaw ng kanyang magulang) at pagtatakda ng lehitimong
pagtanggap sa babae—sa mata ng Diyos at
lipunan.
Lumilitaw sa mga pangyayaring nabanggit
hindi lamang ang matiim na pananampalataya ng
mga tauhan sa isang Maykapal, kundi maging ang
pagharap at pagtugon ng isang henerasyon sa mga
suliranin sa mundo, batay sa kanilang paniniwala
at pag-unawa a buhay bilang pag-aaring ipinagkaloob
ng makapangyarihang Manlilikha. Malinaw ito sa
“Tita,” “Pag-ibig at Hirap ng
Loob” at “Sinong Maysala?” Sa
pagsasaad na ang pagkitil ng buhay sa sinapupunan
o sa buhay ng iba ay paglapastangan sa Diyos sapagkat
sa Kanya nagmumula ang buhay na ito. Inaalisan
ng karapatang maghiganti ang bawat nilalang dahil
Siya lamang ang may kaparaanang maghusga ng kasasapitan
ng mga anak niyang napariwara ng landas.
Hubad sa kapangyarihan ang tao
kung kaya’t ang mga bagay na hindi niya
mapanghawakan at matarok ay iniaasa niya sa Maykapal.
Para sa tao, kapalaran niya ang mapapait na karanasan
niya sa mundo. Sa halip na harapin ang mga ito
ng katwiran at pang-unawang ipinagkaloob din sa
kanya ng Diyos, itinuturing niya na ang mga pangyayaring
ito’y itinadhana ng langit.
Dito nakauungos ang kuwentong “Huling
Habilin.” Ipinaliwanag ni Maria sa kanyang
ina na sana’y hindi na lamang siya nailuwal
sa mundo kung magiging alipin lamang siya, sapagkat
hindi niya matiis na hindi gamitin ang papel at
pluma bilang pandepensa sa kanyang sarili laban
sa pang-iintriga ng kanyang mga kaaway sa pulitika.
Nagkaroon ng panibagong pagharap
sa suliranin ang isang babae. Hindi niya ito basta
idinadaan sa pag-iyak, pagpapaubaya o pasibong
pagtanggap, at sa halip ginamit niya ang isip
at kakanyahan. Samakatwid, ang paghihiganti ay
nabibihisan ng panibagong kahulugan—mula
sa pisikal na pananakit tungo sa mas makataong
pagbibigay-paliwanag sa gawaing baluktot ng kapwa,
upang maliwanagan nito ang sanhi ng tunggaliang
pulitikal o personal man.
Gayunman, naging mas matimbang
sa awtor ang paniniwala ng ina kaysa kay Maria.
Nang yumao ang ina, napag-isip-isip ni Maria ang
kanyang kapabayaan, kaya sinisi niya ang sarili
sa madaling pagyao ng magulang. Isa sa mga habilin
nito ay ang pagtanggap ng mga pasakit bilang pagpasan
na rin sa krus ni Kristo, sa halip na maghiganti
pa. Dinamdam ng ina ang pagbawi ng anak. Nanaig
sa kuwento ang ganitong paniniwala at tila napawalang
katuturan ang sana’y maunlad na diskurso
ng anak.
Napapahamak ang anak na di sumusunod
sa kagustuhan ng magulang. Namamayani sa mga kuwento
ang ganitong pagpapahalaga. Sa “Huling Bola”
balisa si Egie nang hindi nakasipot ang mga mag-iisponsor
sa kanya bilang musa ng gabing iyon dahil baka
mapahiya ang kanyang mga magulang. Ipinahihiwatig
ng kuwento ang batayan ng kasiyahan ng mga magulang
sa nayon—maparangalan ang anak na dalaga
na kung tutuusin ay higit na ikararangal ng mga
magulang kaysa ng anak mismo. Kahit ang babae
ay maging laruan sa pananaw ng lalaki at material
na puhunan (paligsahan sa ganda, pera at popularidad),
masaya niya itong ginagampanan sa paniniwalang
batayan ito ng kanyang pamumukod-tangi lalo pa’t
nagmumula sa pang-uupat ng magulang. Sinulat man
ang akda noong 1965 sa tagpuang rural, karaniwan
pa ring makikita ang ganitong tanawin hanggang
ngayon kahit sa Kamaynilaan.
Sa “Sinong Maysala?,”
walang pagdadalawang-isip si Sisa na magpakasal
kay Dr. Tito Gorospe dahil kagustuhan ito ng kanyang
ama kahit pa may nobyo siya. Gayundin, sa “Mga
Karinyo Niya Lamang,” hindi nakatutol si
Ramon sa plano ng magulang at kapatid na pag-aralin
siya sa Hapon kahit napagkayarian na nila ng nobyang
si Nenita na magtapos na lamang sa Unibersidad
ng Pilipinas upang hindi sila magkalayo. Sa husay
ng lalaking paikutin ang pangyayari nang pabor
sa magulang, napasang-ayon niya ang nobya (nang
walang kahirap-hirap). Bakit hindi na naipamalas
ng lalaki ang husay niyang magmaniobra ng sitwasyon
at katwiran upang maging pabor naman sa kanilang
magkasintahan?
Ang kagustuhan ng magulang ay hindi
dapat maging alituntunin at batas na kapag sinuway
ay ituturing na paglabag at paglapastangan sa
awtoridad. Ipinalalagay na ang mga magulang ay
laging nag-iisip ng ikabubuti ng kanilang anak,
subalit hindi sa lahat ng pagkakataon ay tama
sila. Ang bulag na pagsunod kung minsan ang siya
pang ikinapahahamak ng anak at maging ng magulang
mismo. Makikita ito sa huling nabanggit na kuwento,
nang iuwing bangkay na lamang si Ramon mula sa
bansang Hapon. Sa “Sinong Maysala?,”
si Sisa sa pagpapakasal kay Tito ay nagdulot ng
kasawian sa ilang tao. Humantong sa kamatayan
ni Leonora ang pagkaunsiyami ng pag-iibigan nila
ni Tito. Sa kabilang dako, hindi matahimik ang
lalaki sa ginawa niyang pagtataksil. Hindi na
rin matahimik ang pagsasama nila ni Tito dahil
sa pagseselos ni Sisa sa ilang beses na pagbisita
ng lalaki sa dating kasintahan.
Upang maiwasan ang bulag na pagsunod
sa maling kagustuhan ng magulang, ipinararating
ng “Tita” at “Nasilaw sa Kaginhawahan”
ang dapat maging papel at tungkulin din ng mga
magulang sa pamamahay at maging sa komunidad.
Gaya ng mga binanggit tungkol sa unang kuwento,
ang mga magulang ay dapat responsable sa pagsisilang
at pagbuhay ng kanilang anak. Nararapat ding marunong
silang tumanaw ng utang-na-loob sa mga taong pinagkakautangan
nila. Ang mababaw na sentimyento ni Mameng kay
Bayang, dahil lamang sa pabirong sobrang pagtitipid
ng una, ay hindi nangangahulugang ipagkakait na
nang tuluyan ni Mameng ang pagkilala ng bata sa
taong nagligtas sa kanya.
Nagbabanta naman ang kuwentong
“Nasilaw sa Kaginhawahan” sa mga magulang
na hindi na marunong lumingon sa kanilang pinanggalingan,
matapos umasenso at umangat sa alta sosyedad.
Ang panlalait at pagkakaila ni Melba sa kanyang
dukhang ina at kapatid habang may pagdiriwang
sa magara nilang tahanan ay ikinagalit ng mayamang
asawang si Bernardo. Humantong ito sa halos paghihiwalay
nila. Kahit panaginip lang pala ang lahat, nagsilbi
itong babala sa pagsasama nilang mag-asawa.
Sa dalawang kuwento, kapansin-pansin
na sa bawat mag-asawa, ang babae o ina ang nababatikos
ng mga awtor. Bakit higit na sinisisi ang ina
sa kagustuhang paglalaglag ng bata na iniuugnay
sa banidosang pagpapanatili ng figura at sa uso?
Waring para sa asawang lalaki, mas marangal ang
dahilan ng paglalaglag ng bata—yaong ang
pag-aanak ng asawang babae ay di makabubuti sa
kanyang kalusugan. Kaya lumilitaw na kasumpa-sumpa
ang babae at ina. Kahit sa mag-asawang Melba at
Bernardo, ang lalaki pa ang naging instrumento
ng kaliwanagan at pagkaunawa ng babae sa kanyang
pagtalikod sa mabuting asal. Ito’y nakapanlulumong
katunayan sa publikasyong may tradisyon ng pagkamalay
sa usapin ng kababaihan.
Teksto, Manunulat at Kapaligiran
Litaw sa pagtalakay ng tema ang
pagtatangka ng ilang manunulat na bigyang pansin
ang usapin ng babae sa kani-kanilang akda. Marahil,
sadyang malaki ang kinalaman ng oryentasyong namamayani
sa publikasyon nang walong taong hawakan ito ni
Ma. Magsano sa panahong nag-aalimpuyo ang kilusang
Women Suffragists, na pinanguluhan niya. Aalingawngaw
pa rin ang epekto ng ganitong oryentasyon sa mga
sumunod na dekada kahit sa iba nang publikasyon.
Pinakalantad sa “Sinong Maysala?”
ang pagsasalawahan ng lalaki. Saksi ang kaibigang
Miss Manuel sa pagtataksil ni Tito kay Leonora.
Sawimpalad si Leonora at namatay sa tindi ng kalungkutan.
Sino ang maysala kung hindi ang lalaki? Sa “Mga
Karinyo Niya Lamang,” namagitan ang awtor
sa pagsasabi, “…alam n’yo na
ang mga kasinungalingan ng isang mangingibig…”
At siya namang nagbanta sa babae, “Wala
pa siyang ibang nasubukan kung ano ang ibig sabihin,
sarap o pait, lasa o tabang, katapatan o kataksilan
ng pag-ibig. Pobre! Pobreng babae! Ano kaya ang
kahihinatnan niya!”
Bagama’t malalim na pahiwatig
mula kay Bella Luz ang pagkasalawahan ng lalaki,
naguluhan siya mismo sa kanyang kuwento. Sa halip
na panindigan at hanahap ng resolusyon ang panimulang
pasaring at paglalantad ng kataksilan ng lalaki,
napagtuunang-pansin ang pagiging martir ng babaeng
laging naghihintay, at naging wakas ang pagkamatay
ni Ramon. Hindi nilinaw ni Bella Luz ang mga agam-agam
at katanungan sa sarili ng tauhang si Nenita.
Hanggang sa pagwawakas ng kuwento ay hindi malinaw
kay Nenita kung tunay ngang hindi nagtaksil ang
lalaki habang nasa bansang Hapon. Patunay ban
g kanyang katapatan ang ilang sulat at anyayang
ipinararating sa babae? Iniwasan ng awtor na harapin
ang puntong ito dahil sa pagkaabala niyang gawing
dramatiko ang pagtatapos ng kuwento.
Kahit nakagagalak ang pagtatangkang
pahalagahan ang usapin ng babae sa panahong hindi
pa lubos ang interes sa pag-aaral ng mga suliranin
at larawan ng kababaihan, hindi maikakaila ang
kontradiksyon at limitasyon sa teksto sanhi ng
pagkabihag pa rin maging ng mga mapangahas na
manunulat sa dominanteng makalalaking pananaw
sa ilalim ng lipunang patriarchal. Malinaw na
mga halimbawa rito ang “Nasilaw sa Kaginhawahan”
at “Tita”—nagsasaad na ang babae
ang pinagmumulan ng masamang impluwensya sa pamilya
at sa komunidad. Maunlad man ang tauhang si Maria
sa “Huling Habilin,” napangibabawan
pa rin siya ng mahina at pasibong larawan ng babae
bilang martir, kimi, banidosa at tampulan ng pagnanasa,
sa nakararaming bilang ng mga kuwento.
Ang ganitong kontradiksyon ay mauunawaan
sa konteksto ng kapaligiran—ang kapaligirang
nagsisimula pa lamang magbihis ng lumang saplot
ng tradisyunalismo upang palitan ito ng nakahuhumaling
na alindog ng modernismo. Ang tradisyunalismo
ay ipinakakahulugang konserbatibo, nakasuso sa
nakalipas na pamantayang nakagawiang sundin ng
simbahang Kastila. Ang modernismo naman ay iniuugnay
sa liberal na pamamalakad ng panibagong impluwensyang
Amerikano. Sa katunayan, ang tunggalian ng konserbatismo
at modernismo ay nakabanghay sa bawat kuwento
ng mga awtor na nagdadalawang-isip sa mabuti at
masamang maidudulot ng pagiging modernismo.
Isang simbolikal na representasyon
si Vida, sa kuwentong may ganito ring pamagat,
ng konserbatibong tradisyon. Makamalayan ang awtor
na iparating sa mambabasa ang kahalagahang ingatan
at panatilihin ang kaugalian at birtud ng sinaunang
panahon. Ipinangalan sa kanya ng kanyang lolo
ang Vida, na ang ibig sabihin diumano ay “buhay”—buhay
ng lahing pinag-ugatan. Samakatwid, si Vida mismo
ay kasangkapang pampanitikan ng awtor (nailathala
noong 1948) bilang pagtugon sa nagbabagong kapaligiran
sa panahon ng Liberasyon, nang hayag at lantad
ang relasyon n gating bansa sa bansang Amerika.
Sa iba pang kuwento mapupuna ang pagbanggit sa
mga gamit na dala ng bagong kaayusan tulad ng
lipstick, basket, jacket at box social. Ang pag-aalinlangan
ng lalaki na halikan ang nobya dahil gawi ito
diumano na hindi likas at hiram lamang sa dayuhan.
Hindi gaanong maluwag ang pagtanggap ni Magsano
sa mga bagong puwersa batay sa kanyang magandang
pakikitungo sa mga Hapon nang manungkulan siya
bilang ingat-yaman ng gobyernong lokal sa ilalim
ng rehimeng Hapon.
Isinama rin ni Magsano ang ilang
bagay sa kanyang kuwento upang maiparating ang
tunguhin ng kanyang mensahe. Naroong may ninunong
revolucionario (sa panahon ng digmaan laban sa
kastila) si ida, at mayroon pang nauulinigang
awiting paghele na pinamagatang “Ma. Clara.”
Ang mga sangkap na ito, kaama na ang mahabang
paglalarawan sa pista at lumang bahay, ay isang
indikasyon ng pagkiling ng awtor sa pagpapanatili
ng mga kaugalian, birtud at mga gawing kinagisnan
niya. Mga kaugaliang itinuturing pang bahagi ng
tradisyong Pilipino.
Kaugnay ng mga pagkiling at palagay
ng manunulat bilang pagtugon sa kagyat niyang
kapaligiran, matamang lumilitaw rin ang mismong
kinaroroonan o posisyon ng manunulat sa lipunan.
Isang malaking pribilehiyo ang makapagsulat sa
panahong iilan lamang ang instrumento ng lunsarang
pampanitikan lalo pa’t ang gawaing ito’y
humihingi ng panahon at oras sa manunulat bukod
sa mas mahalagang Gawain niyang paghahanap-buhay.
Kung gayon, hindi kataka-takang karamihan ng mga
manunulat sa kalipunan ay maituturing na kabilang
sa halos eksklusibong sirkulo ng mga pribilehiyadong
manunulat at mambabasa.
Kapansin-pansin sa mga kuwento
ang pagkaligta sa pagtalakay ng mga katotohanang
panlipunan, tulad ng problemang agraryo, hirap
at pagsasalat sa kabukiran at sa mga bayan-bayang
malapit sa dagat. Sa isang lalawigang may malawak
na kabukiran at napalilibutan ng dagat, hindi
ganap na naipamalas ng mga kuwento ang tunay na
larawan ng mga mangingisda at magsadaka. Kung
mayroon man, tulad sa “Pag-ibig at Hirap
ng Loob” at “Binalikan Niya ang Kanyang
Pamilya,” manaka-nakang paglalarawan lamang
at hindi tahasang paglalantad sa mga tauhan batay
sa particularidad ng kanilang Gawain. Iniwasan
ng mga awtor na ipakita kung paano halimbawa magpatulo
ng pawis ang isang magsasaka sa gitng ng araw,
o kung paano pumalaot sa dagat ang mangingisda
sa madaling-araw at umuwing kapuspalad sa gabi.
Sa halip, umikot ang unang kuwento sa paghihiganti
ng batang si Lino nang masaksihan niya ang karumal-dumal
na pagpatay sa kanyang buong pamilya ng mga tinatawag
na tulisan. Ibinitin naman ng awtor sa ikalawang
kuwento ang mambabasa sa pananabik kung makababalik
pa ang padre de pamilya sa kanyang mag-anak. Habang
naghihintay ang asawang babae at ang mambabasa
sa pagbalik, ginutom lamang ng awtor ang mambabasa
sa paglilitanya ng mga prutas at kakaning matatagpuan
sa bakuran ng bahay sa may bukirin ng biyenan.
Ang pagiging kasama nina Lino at tulisang Gabriel
kay Mang Melanio ay tila insidente lamang upang
magkatagpo ang dalawa sa Isabela at tuluyang mahabi
ang susunod na pangyayari hanggang sa kasukdulang
aksidental na pagkamatay ng salarin.
Hubad sa usaping agraryo ang kuwento
samantalang ang lalawigan ay bahagi ng sangandaan
ng Nueva Ecija na pinamugaran ng kilusang Hukbalahap.
Kung tinutukoy man ang kilusang ito bilang samahan
ng mga tulisan (ni Gabriel), mabuway ang pagkakalahad
dahil sumentro sa tunggaliang indibidwal nina
Lino at Gabriel ang kuwento, hindi sa mas masaklaw
na tunggaliang kasasangkutan ng isang malaking
samahan. Bukod pa, walang mabigat na suliranin
sa relasyon ng kasama sa panginoong maylupa. Katunayan,
hulog ng langit si Mang Melanio kay Lino.
Karamihan sa mga kuwento ay naglalarawan
ng mga tauhang nasa gitna kundi man nakaaangat
na uri sa lipunan—isang mariwasang mag-asawa,
doktor, maestro, may-ari ng botika, at isang babaeng
may-ari ng malawak na lupain at pinamanahan ng
malaking bahay….
Ang mga detalye sa “Vida”
tulad ng piyano, orasan, makintab na upuan, atbp.,
ay patunay na higit na nailalarawan ng awtor ang
tauhang malapit sa kanya ring pinagmulan.
Kung gayon, mauunawaan ang sosyo-kultural
na pagkakabuo ng manunulat na siyang nasasalamin
sa teksto. Ang manunulat bilang pribilehiyado
sa lipunan at ang teksto bilang produkto ng isang
diskursong pribilehiyado. Samakatwid, ang pagtugon
ng manunulat sa kagyat niyang kapaligiran sa pamamagitan
ng pagpuna at pangangaral ay ang diskursong pribilehiyo
lamang ng mga taong may sinasabi rin sa komunidad.
Ang usapin ng paglalaglag (abortion), pagkasalawahan
ng lalaki at pagkamartir ng babae, pagtalikod
sa kinagisnang kaugalian at batayan ng mabuting
asal, intriga sa basingkawel (kampanya sa halalan),
paghihiganti at karangalan, ay mga suliraning
pinasusubalian o pinahahalagahan kadalasan ng
mga tagabayan na karamiha’y kabilang sa
tinatawag na “native literati.” Sila
ang mga tumatayong tagapagpanatili ng kaayusan
at kapayapaan at tagapangalaga ng tradisyong kinagisnan.
Malaki ang papel ng manunulat sa
Pangasinan bilang larawan mismo ng kapaligiran.
Ang pag-angkat ng mga salitang Kastila (hal.,
empleo, invitacion, fiesta, beneficio) at mga
salitang Ingles (hal., candies, jacket, basket,
at box social) ay pagbibigay-hugis sa pagbabago
ng lipunan. Ang kanyang pagsang-ayon o pagsalungat
sa nasasaksihan niya ay bahagi rin ng pagtanggap
o pagkatanto sa pangkalahatan ng isang panahon
sa lipunang nagbabago. Matingkad, higit sa anupaman,
ang impluwensiya ng mahigit tatlong daang taong
pananakop ng Kastila. Ngunit kung mababakas man
ang mga ito sa kuwento, hindi nangangahulugang
walang orihinalidad ang kuwentong Pangasinan.
Ang maikling kuwentong Pangasinan
ay produkto ng paghabi ng manunulat ng mga impluwensiyang
dayuhan alinsunod sa kanyang partikular na karanasan
at kapaligiran. Wika nga ni Hosillos sa kanyang
aklat, “It is our task to develop the methods
and techniques that can best discover the Filipino
writer’s achievement which lies in his originality
in transmuting foreign influences in terms of
his own personal experience and social realities.”
Tinatasa ang maikling kuwento sa
bernakular ayon sa pagpapahalaga ng mambabasa
at manunuri sa indibidwal na katangian at kontribusyon
nito sa pagpapaunlad ng panitikang panrehiyon,
sa particular, at ng panitikang Pilipino, sa kabuuan.
Kinapapalooban din ito ng mahusay na transmutasyon
ng dayuhang impluwensiya batay sa konteksto ng
personal at kaligirang sosyal ng manunulat at
gayundin, nakapag-aambag ito ng kamalayang makabayan
sa pagpapaunlad ng nasyonalismo sa bansa.
Talaan ng mga
Sinangguniang Teksto:
Hosillos, Lucila. 1984.
Originality as vengeance in Philippine literature.
Quezon City: New Day.
Icagasi, Rose Mary.
1982. Three studies in Pangasinan culture, language,
and literature. Pandiwa 3.
Lumbera, Bienvenido.
1984. Revaluation: Essays on Philippine literature,
cinema, and popular culture. Quezon City: Index
Press.
Moi, Toril. 1987. Sexual/textual
politics: Feminist literary theory. London:
Methuen.
Published in Maikling
Kuwentong Kapampangan at Pangasinan (AdMU
Press, Q.C, 1996).
back to writing
from the regions | home
|