fiction

Kon Ang Katarungan Lugipon
ni Ariston Em. Echevarria
Sinalin sa Filipino ni Rosario Cruz Lucero

Bukas ng madaling araw, bago sumikat ang araw sa Silangan, babawiin nila ang pinakamahalaga at banal na biyaya kay Abraham del Cielo. Oo, kukunin nila ang kanyang buhay bilang kabayaran sa dalawang buhay na kanyang inutang. lamang ay makita niya ang kanyang anak na nag-aagaw-buhay bunga ng pagtitiis sa dalamhati dahil sa matinding pananabik sa kanya. Kay Abraham.

Alam ni Abraham del Cielo ang malungkot at masaklap na hinaharap, ngunit hindi siya nagsisisi na ito ang kanyang matatamo. Lubusang naghahari sa kanyang puso ang kagitingan sa pagharap sa parusang itinakda para sa kanya, at di niya kinatatakutan kahit kaunti ang kamatayang kanyang hinaharap. Kung sa bagay, ano ang kabuluhan ng mundong ito para sa kanya, buhay na sinasakluban at nilalapastangan ng kasinungalingan, pinaghaharian ng karungisan at kaapihan? Doon sa kabilang mundo, doon matatagpuan ang tunay na buhay, doon matatagpuan ang banal na pag-iral ng pinakamakapangyarihang Hukom. Doon matatagpuan ang katarungang hindi matitinag at hindi mabubuway ng unos at bugso ng paniniil.

Habang hinihintay ni Abraham ang kanyang tadhana, tumatahak sa landas ng kanyang kahapon ang kanyang mga balik-gunita. Ang kanyang mga karanasan, ang kanyang mga pangarap kundi lamang nagkamali ang pamatnubay sa kanya ng kapalaran. Ngunit sa kabila ng lahat na ito at sa hakbang ng kanyang mga gunita, ngayong nasa loob siya ng tirahan ng mga salarin laban sa kapangyarihan ng tao at makamundong pamahalaan, wala siya kahit kaunting pagsisisi, walang panghihinayang sa kanyang kalagayan, wala siya kahit kaunting pagkahiya sa kanyang mga nagawa. Mahinahon, matatag, madulas ang pagkalas sa pagkakaikid ng mga aninong kanyang iniwanan, at magwawakas lahat iyon dito sa karanasang kanyang hinaharap. marahil sa kinabukasan, susunod na siya sa kanyang anak doon sa kabilang mundo, sa kabilang buhay. susunod siya sa kanyang anak na kaisa-isang bunga ng pagsasama nila ni Pilar, ang kanyang kabiyak. Susunod siya sa kanyang anak na siyang naging sanhi ng kanyang pagpaslang ng dalawang buhay.

Kung bakit si Abraham del Cielo ay dinala ng kanyang kapalaran sa ganoong kalagayan, ang kasaysayan ng kanyang nakaraan ang siya lamang makapagpaliwanag.

_ _ _ _ _ _ _ _ _ _

Si Abraham del Cielo, isang lalaking tagalungsod, may katangiang pagkamababang-loob, masunurin at matapat sa pagtupad ng mga batas ng lungsod. Kahit totoong tatlumpu't tatlong taon pa lamang siya, dahil sa walang katigil-tigil niyang pagsisiyasat sa mga gawain ng ating pamahalaan, lubos niyang alam ang pagpapatakbo ng ating pamahalaan. Oo nga't ang ating pamahalaan ay totoong makademokrasya, pamahalaang maituturing na maalalahanin sa lungsod at kanyang mga mamamayan; ngunit hindi pa rin maitatatuwa na ang ilang pinagkatiwalaan ng kapangyarihan ay hindi nakararamdam ng kabutihang-loob; itong mga iginagalang at pinananaligan bilang kasama sa mga makatarungan, sila ang marunong magbaligtad, magaling at marahas sa pagsalamangka ng ating mga batas. Batid itong lahat ni Abraham at nagngingitngit ang kanyang damdamin kapag naiisip niya ang naging kapalaran ng kanyang mga kapatid at kababayang walang kakilala, walang pull , walang ninong, ngunit may dunong. Batid ni Abraham na sa sakop ng kanilang lalawigan ay maraming nakapasa sa pagsusulit para sa serbisyo sibil, ngunit dahil walang kapit, walang pull , walang kakilala itong mga kabataan, sila'y nanatiling walang hanapbuhay, walang mapagkukunan ng kanilang pangangailangan. may lumilipas na mga araw na sila'y kinukulang ng pagkain. Subalit yaong mga may kakulangan sa karunungan, ngunit may kapit at malapit sa punong-panlalawigan, ay nakatuntong sa hirang na puwesto at tumatanggap ng malalaking sahod. Isa sa mga walang matatag na hanapbuhay mismo si Abraham, bagamat isa rin siya sa mga pinalad na nagtamo ng katibayan mula sa tanggapan ng kagalanggalang na puno ng serbisyo sibil. Sa loob ng dalawang taong paghahanap niya ng mapapasukang trabaho sa mga tanggapan ng pamahalaan, matapos niyang maipamalas ang kanyang kakayahan ayon sa hiling ng mga tagapangasiwa ng mga tanggapang kanyang nais pasukan, pinagsabihan lamang siya na hindi siya angkop sa naturang tungkulin; ngunit pagkatalikod niya, ang mga nasabing tungkuling dapat mapasakamay niya ay ibinibigay sa isang inirekomenda ng punong-panlalawigan. Ito ang mga kabiguang naranasan sa buhay ni Abraham at ang kanyang pagpasa sa pagsusulit para sa serbisyo sibil ay hindi niya napakinabangan. Hindi nakapagbigay sa kanya ng hanapbuhay na makapagdudulot ng kabuhayan para sa kanya, sa kanyang asawa at bugtong na anak.

Panahon ng halalan.

Oo, dumating na ang panahon ng halalan. Sa lalawigan ni Abraham matindi ang tunggalian ng dalawang lapian, ang lapian ng mga makapangyarihan at ang lapian ng mahihirap, lapian ng mga gahaman at ang lapian ng may magagandang-loob, lapian ng mga mapagpakunwaring mapagkapwa-tao at ng mga tunay na mapagkapwa-tao, lapian ng mga elitista at ng mga tunay na kumakalinga. Sa halalang ito, ang lahat ng mga nabibilang sa lapian ng makapangyarihan ay labis na nagsusumikap na mahalal muli ang kanilang punong-panlalawigan. Sa kabila nito, naglalamay naman ang mga nasal apian ng pinaghaharian upang humikayat sa mga manghahalal na talunin ang kandidato ng mga makapangyarihan, na dapat nang palitan ng bagong mukha ang punong-panlalawigan, bagong utak na makapagbibigay ng pagkakataon sa libu-libong manggagawang walang hanapbuhay, bagong pusong marunong magdamdam ng kahirapan na dinaranas ng mga anak-pawis, bagong kamay na masusuklam sa pagpapabaya.

Araw ng halalan.

Isa sa mga pinagkatiwalaang sumubaybay at mangalaga sa mga Gawain sa loob ng silid-halalan ay si Abraham del Cielo. Kabilang siya sa mga kinatawan ng mahihirap na pinaghaharian, kaya umaasa ang kanyang kalapi na sa pamamagitan ng kanyang pagbabantay sa oras ng bilangan ng mga halal, mahahadlangan niya ang inaasahang pagtataksil at pandaraya ng mga kinatawan ng lapian ng makapangyarihan.

Oras ng pagbilang ng mga halal.

Sa silid-halalan, kung saan si Abraham ang pinagkatiwalaan. Gobernador-probinsyal: Roberto Montesilva

Miembro de la junta provincial: Bartolome Cordova, Donato Antemano

Alcalde Municipal: Roman Villamor

Vice-alcalde Municipal: Salvador Mehan

Consejales Municipales: Pablo Tesoro, Pascual Reviles,

Anacleto Pobre, Geronimo Luna, Feliciano Canto, Amador de la Cruz, Jose Campos, Leon Bordon. -

Lahat ng mga ito ay mga kandidato ng lapian ng mahihirap. Tuwing paglalahad ng mga balota, ang mga pangalang ito ang nakaukit. Sampu. tatlumpu. limampu. isang daang balota na ang nabasa ngunit wala pa ring kahit isang balotang nagpapahayag ng pangalan ng kandidato ng makapangyarihan.

Dalawang daan. tatlong daan na ngunit wala pa ring kahit isang guhit ng pangalan ng kandidato sa lapian ng makapangyarihan. May pagkayamot na ang pagbuntunghininga ng kinatawan ng naturang lapian.

Sa takbo ng kinalabasan ng mga balota, wala nang maaasahang tagumpay ang kandidato ng lapian na kalaban ng lapian ni Abraham.

Dahil sa ganoong kalagayan.

Gobernador-provincial: Man-. uel. Laz. a. ro

Miembro de la Junta Provincial: Lu. is. del. Mar. Car. los. Mer. ca. do.

- Kaibigan, - sabad ni Abraham - makikiraan po, teka muna, pakiusap niya sa kanyang kasamang may tungkulin din sa nasabing halalan at tagabasa ng balota - Makikitingin nga niyang isang pirasong balota. -

- Wala ka bang tiwala sa akin?... pasaklot at inis na sagot ng taong pinipigil ni Abraham.

- Hindi naman sa wala akong tiwala sa iyo - malumanay na turan ni Abraham - ngunit nais ko lamang matingnan ang balotang iyan at umuutal-utal ka sa iyong pagbasa. Baka hindi masyadong malinaw ang pagkasulat ng manghahalal. -

Hindi na sumagot ang kausap ni Abraham. Pinagharian na ito ng matinding poot sa kanyang pag-iisip. Kung matatalo ang kanilang kandidato, tiyak na hindi na muling makababalik sa kapangyarihan ang pinakabukod-tanging punong-panlalawigan. At kung hindi ito muling mahalal, tiyak na matatanggal sa kanilang mga tungkulin ang kanilang mga alaga. Kaya dahil sa pagkabalisa na mangyari ito, gagawin nilang lahat upang muling mahalal ang kanilangn punong-panlalawigan.

Habang nagsasagutan si Abraham at ang kanyang kaharap sa loob ng silid-halalan, bigla na lamang may humaginit na isang sampal. lumagapak. at dumilim ang paningin ni Abraham. Tinampal siya!...

Ang mga taong nakikinig at nanonood sa labas ng silid-halalan, nagsigawan at biglang nanghimasok ang dalawang pulis. Kaagad nilang dinakip si Abraham, dahil ayon sa kanila, kay Abraham nagsimula ang kaguluhan sa loob ng silid-halalan samantalang nagbibilang ng mga halal. Dinala kaagad siya sa bilangguan ng bayan kahit hindi pa natatapos ang pagsisiyasat . at kinaumagahan na lamang siya pinakawalan. Nakauwi na lamang siya pagkatapos niyang magpiyansa sapagkat nagsampa ng kaso laban sa kanya ang kanyang kaaway.

Madaling araw pagkatapos ng halalan.

Viva!... Manuel Lazaro!... Viva! -

Mabuhay ang aming mahal na punong-panlalawigan, Manuel Lazaro. -

Ito ang sigaw ng mga tagapagtaguyod ng napili at muling nahalal na tagapamahala ng lalawigan ni Abraham. Masigla at maliksi ang katawan at damdamin ng mga kalapi ng mga makapangyarihan. Nanalo ang kanilang sandalan sa kabuhayan, ngunit para sa mga nasa lapian ng kalaban, nangangahulugan itong tatlong taon na naming pagpapabaya at kawalan ng hanapbuhay.

Kung bakit nanalo ang mga kandidatong kalaban ng lapiang tinataguyod ni Abraham, ang mga pangyayari sa silid-halalang pinaglingkuran ni Abraham ang makapagpapaliwanag. Sa katotohanan, sa halip na bilangin ang mga halal para sa lapiang tinataguyod ni Abraham, ay ibinilang ang mga ito para sa mga kandidato ng kalabang lapian.

Masaya ang mga kalapi at tagapagtaguyod ng punong-panlalawigang napili at muling nahalal. Malungkot si Abraham del Cielo, hindi lamang dahil sa pagkatalo ng kanyang kandidato, pagkatalo na bunga ng pandaraya, ngunit naghihinakit din siya dahil ang ibang kasamahan niyang tulad niyang may tungkulin din sa silid-halalan ay natakot pumigil sa masasamang pakana ng kanilang mga kalaban, at ang iba'y hindi na nakaimik dahil ang kanilang mga labi'y tila sinolda na ng pilak. Sa gitna ng kalungkutan ni Abraham, kumikikil sa kanyang katahimikan ang asuntong kanyang hinaharap dahil sa kanyang ginawa sa loob ng silid-halalan sa oras ng bilangan ng mga halal. Tumatahak sa liblib ng katarungan ang kanyang kaisipan sa kahahanap ng pamamaraang makaligtas sa paghahamak ng kanyang mga kaaway, at mailantad at mapatunayan sa harap ng hukuman ang mga pandarayang umiral sa nakaraang halalan. Tumutulong din sa kanya ang kanyang mga kalapi at tagakatig. Sa madaling salita, ang tunggalian ng dalawang lapian sa usaping ito'y di lamang nagwakas sa nasabing halalan. Ito'y tumungo at humantong sa hukuman.

Ngayon, sa harapan ng hukuman.

Ipinahayag ng mga manananggol ng kalaban ni Abraham ang kanilang panig upang patunayan na si Abraham nga diumano ang sanhi ng kaguluhan, na siya ang may masamang hangarin, na pakana niyang papanalunin ang kanyang kandidato sa maruming paraan.

Sa kabilang banda, pinabulaanan ito ng mga manananggol ni Abraham. Na dahil siya'y kalapi ng mahihirap, wala siyang kakayahang lumikha ng kasalanang ibinibintang sa kanya, na tinutupad lamang ni Abraham ang tungkuling ipinagkatiwala sa kanya sa silid-halalang pinagsilbihan niya, na tinutupad lamang ni Abraham ang tungkuling sugpuin ang pandarayang balak gawin ng kanyang mga kalaban!...

Subalit.

Oo, subalit. nang matapos ang paglilitis. matapos "mapag-aralan" ng kagalang-galang na hukuman ang mga pangangatwiran ng magkabilang panig sa nasabing asunto, ang blitzkrieg ng hukuman, ang pasya ng hukumang makamundo, hukumang kinakatawan ng isa sa mga kalapi ng kalaban ni Abraham, bumagsak sa balikat ni Abraham ang hatol ng hukuman!... At ayon sa hatol na ipinataw ng hukuman, ang bayad sa kasalanang ginawa ni Abraham del Cielo ay anim na buwan at dalawampu't siyam na araw sa bilangguan.

Sa tingin ni Abraham, ipinataw sa kanya ang hatol na iyon sa "ginawa" niyang "kasalanan" bilang halimbawa para sa lahat, na tulad niya, ay humahadlang o may balak at pagmamalasakit na humadlang sa mga pandaraya sa halalan, upang takutin yaong mga mahinang loob na humarap sa naturang kaparusahan, kaparusahang bayad sa nasabing "kasalanan"!...

Sa loob ng bilangguan, itinuring si Abraham na isang markadong bilanggo ng mga bantay na humahawak ng tungkulin dahil sila'y mga "patong pilay". Kadalasan, isinasama si Abraham sa pangkat ng mga bilanggong pinagtatrabaho ng mabibigat na gawain sa labas ng kabesera.

Isang araw.

Samantalang abalang-abala si Abraham sa mga gawaing itinakda sa kanya sa loob ng bilangguan, tinawag siya ng bantay at inabot sa kanya ang isang liham. Binuklat niya ito at may mga bahagi ang liham na nagsasaad na:

Abraham, masama ang pakiramdan ni Nonoy. dahil dito'y ayaw niyang kumain. namamayat siya at humihina. nilalagnat siya, at nitong huli'y nawawalan siya ng malay-tao. tinatawag niya ang pangalan mo. napakasakit ng ating kapalaran. PILAR.

Di na mapakali si Abraham nang kanyang mabasa ang liham ng kanyang kabiyak. Di na nag-alinlangang lumapit agad siya sa punong-katiwala ng bilangguan, at nagmakaawang bigyan siya ng paraan at pagkakataong dalawin nang kahit ilang sandali ang kanyang anak. Ngunit dinaluhong siya kaagad-agad ng masasakit na salita. inalipusta. minura at itinaboy pabalik sa kanyang gawain.

Tinuya-tuya si Abraham ng mga bantay nang mabatid nilang hindi ipinagkaloob ng punong-katiwala ng bilangguan ang kanyang hiling, lalo pa silang tumulong sa paghambalos ng alipusta at pagmumura.

Kinahapunan.

Dinala sa labas ng bayan ang mahigit sa limampung bilanggo. Pinapagbunot sila ng damo sa lansangan patungong Hilaga. Isa sa mga bilanggong ito si Abraham. Tatlong bantay ang kasama nila. Sinunod ni Abraham ang mga gawaing itinakda sa kanya, ngunit ang kalagayan ng kanyang anak ang nasa isip niya. Gagaling pa kaya, manumbalik kaya sa mabuting kalagayan ang kanyang anak kung makita siya?... Ah, gagawan niya ng paraan. kahit makapinsalang paraan. Makita lamang ang kanyang anak!... Kung sa bagay siya'y pinapagdurusa sa kasalanang pagnanais na masugpo ang kasamaan. Lumalagablab ang poot sa kanyang puso. Di mapakali ang isip ng isang amang nananabik sa kanyang anak. Sumisigaw ang puso ng amang nagmamahal sa kanyang anak. Ah, gagawan niya ng paraan. Di niya palalampasin ang ganitong pagkakataon.

Kung kaya't.

Biglang tumakbo si Abraham sa malapit na gubat na patungo sa kanilang bahay. Humigit-kumulang sa ikalima't kalahati ng hapon at unti-unti nang dumidilim ang paligid, likha ng suklob ng malilim na tabing. Tila tumutulong ang panahon kay Abraham upang maisakatuparan ang kanyang balak. Katulad ni Abraham ang bulang tinatangay ng agos samantalang pagapang siyang lumulusot sa gubat patungo sa kanilang tahanan. Ang pagkasindak sa kanyang ginawa ay hindi naging hadlang sa kanyang pagtakas, sa patuloy na pagtahak upang dalawin ang kanyang anak na malubha ang karamdaman.

Dahil may kalayuan ang bayan nina Abraham sa kabesera at lalo na't masukal ang kanyang dinaraanan, gabi na siyang dumating doon. Walang pag-aalinlangang kaagad siyang tumuloy sa kanilang tahanan, at nang binuksan niya ang kanilang pintuan.

- Pilar!... Bati niya sa kanyang asawang kumakandong sa kanilang anak.

- Abraham!... Sagot ni Pilar na nabigla sa pagpasok ng kanyang asawa. - Hindi ko sukat akalain na makakarating ka. Si Nonoy, hindi na yata magtatagal - at sabay iyak ni Pilar. Unti-unti nang lumalamig ang katawan ng bata sa oras na iyon.

- Pilar, ginawa ko ang di nararapat gawin. subalit nagawa ko iyon upang pumarito't masaksihan anuman ang mangyari sa ating anak. Hinambalos ko ang dalawang bantay ko at tumakas. salaysay ni Abraham.

- Sus. mario. sep. Nasa malaki kang panganib, Abraham, - turan ni Pilar.

- Totoo iyan, ngunit ito'y nararapat kung ang ating karapata'y sinusugpo!... Kailangang itaya ang buhay kung ito ang pasya ng makamundong hukuman, Pilar. Walang kabuluhan ang pamahalaang umiiral kapag alanganin ang pagka-demokratiko nito - pahayag ni Abraham na noo'y pinaghaharian na ng kagitingan, ng kabagsikang laban sa pamahalaan ng kanyang bayan. - Ibigay mo sa akin si Nonoy, - sabi niya samantalang sinasahod niya ang kanyang mga kamay kay Pilar upang tanggapin ang anak. Tumatangis na ibinigay ni Pilar ang bata kay Abraham.

- Anak ko!... tinig ni Abraham nang mahawakan niya ang anak na naramaman niyang nalalagutan na ng hininga.

- Anak ko!... paulit niyang sinabi.

Patay na ang anak ni Abraham. Samantalang nakatihaya ang walang-buhay nilang minamahal, nakarinig sila ng -

- Buksan niyo ang pinto!. Mga alagad kami ng batas!... tinig mula sa labas ng bahay nina Pilar at Abraham. Hindi na sila nakakilos. Biglang bumukas ang kanilang pintuan at pumasok ang apat na sekreta.

Di nagkamali ang aming kutob na dito ka tumungo, Abraham! ang matigas na pananalita ng pangulo ng pangkat-paniktik ng bayan. - Ngayon, sa ayaw mo't sa gusto'y dadalhin ka namin pabalik ngayon din - dagdag ng nagsalita.

- Matutupad ang inyong kagustuhan, - sagot ni Abraham, - ngunit nakikiusap akong bago ako sumama sa inyo, aasikasuhin ko muna ang nasawi kong anak.

Hindi maaari, - turan ng punong-sekreta - ang utos sa amin ang aming susundin.

- Kung gayon, tupdin niyo ang utos, ngunit hindi ako sasama sa inyo! - Ang mga katagang ito'y pasiya ng isang taong ayaw makipaglaban sa alagad ng batas, ngunit may sapat na tapang na tumanggi.

Nang marinig ang sinabi ni Abraham, nilapitan siya ng tatlong sekreta, hinawakan siya sa bisig, at hinaltak at kinaladkad palabas ng bahay. Sinikap na pumuslit ni Abraham, ngunit hindi siya nagtangkang lumaban. Batid niyang wala nang saysay ang paggamit ng lakas. Hindi na ito kailangan. Malinaw niyang naunawaan na ang paghihiganting kanyang ginawa sa dalawang bantay ay sapat nang kabayaran sa mga pagdusta ng kanyang kaaway. Wala nang saysay ang pagsasayang ng lakas. Wala nang saysay ang lahat. Samantalang lumalakad siyang kasama ang dalawang sekreta, umiiyak ang kanyang puso dahil naiisip niya ang iniwan niyang anak na wala nang buhay at ang asawang tumataghoy sa matinding paghihinagpis.

Isang umaga, makaraan ang mga araw pagkatapos maibalik si Abraham sa bilangguan.

Sa harap ng hukuman.

Nakikinig si Abraham sa hatol ng hukuman na nagpapatunay na nagkasala siya. Ito ang isinasaad ng isang bahagi ng hatol: Sa kasalanang pagpatay ng dalawang tao sa pataksil na paraan, buhay ng pumatay ang kabayaran. Iyan ang kanyang kaparusahan. Si Abraham del Cielo, kahit isa nang bilanggo, ay pumatay ng dalawang tao, dalawang taong alagad ng bayan, at pinatay niya ang mga ito sa pataksil na paraan. Kaya siya'y hinahatulan ng kamatayan.

Bukas ng madaling araw, bago sumikat ang araw sa Silangan, babawiin nila ang pinakamahalaga at banal na biyaya kay Abraham. Ngunit kahit ito ang kanyang matatamo, wala siyang pagsisisi, wala siyang panghihinayang sa kanyang kalagayan, hindi siya nahihiya sa kanyang ginawa. Sa kanyang isip, handa siyang mamatay sa pagtubos ng mga poot ng kanyang kapanalig, handa siyang mamatay bilang kabayaran sa buhay na kanyang inutang, handa siyang mamatay upang sundan ang kanyang anak sa kabilang mundo, sa isang mundo kung saan ang katarunga'y hindi matitinag at hindi mabubuway sa unos at pinsala ng paniniil at pandarayang makalupa.

Read the original in Hiligaynon

back to writing from the regions | fiction | home


faqs | about us | contact us

 

Hosted by: Institute of Creative Writing, UP Diliman.
©2005 panitikan.com.ph . All Rights Reserved.
Site design by swim.interactive