fiction

Panaghoy ng Minamasong Tulos
ni Juanita C. Marcella
Sinalin sa Filipino ni Rosario Cruz Lucero

"'Yan ang ipinarito ko, Mang Danoy," pagtatapos ni Mr. Tante.

Hindi nakakibo ang matanda sa narinig na sadya ni Mr. Tante sa Tapaslong. Nakatuon ang tingin ni Mang Danoy sa malawak na kabukiran May pinakikiramdaman si Mang Danoy. May nagugunita. Parang naaaninaw niya ang sarili, nagtatabas ng damong kabakibakian sa gitna ng nakahihilong init ng araw. Parang natatanaw niya ang sarili, naglilinya ng malalaking tulos sa pagpapataas ng pilapil upang makatipon ng maraming tubig sa kanyang sakahan at nang hindi siya gaanong mahirapan sa paglilinang. Parang naririnig din niya ang kanyang hiyaw sa mga kalabaw samantalang nagpaparagos ng patubigan. Anong pagpupunyagi, panahon, at salapi ang iniukol niya rito upang mapaunlad ang bukid sa pananalig na habang ibig niyang magsaka, sa kanya rin pahahawakan iyon ni Abogado Emilio Gazan.

At ngayon, narito si Mr. Tante na inutusan ng abogado upang ipabatid sa kanya na ang lupang halos dalawampung taong sinasaka niya ay babawiin na sa kanya.

Nilingon ni Mang Danoy si Mr. Tante na nakaupo sa putol na katawan ng niyog. Sa kanya ito nakatingin. Iniwas ni Mang Danoy ang kanyang mga mata. Hindi siya makatitig nang tuwid sa taong inutusan ng kanyang amo. Sa pakiramdam niya, parang sinisipsip ng linta ang kanyang dibdib.

Magdadalawampung taon na ngang hawak ni Mang Danoy ang lupa ni Abogado Emilio Gazan. Binata pa siya nang halinhan niya ang nagkasakit niyang ama na siyang may hawak niyon noong buhay pa ang ama ni Emilio. Namatay si Don Lucas noong giyera. Nang paghatian ng mga anak ang kayamanan ng Don, ang mga lupain nito sa Tapaslong ay napunta kay Emilio.

"'Yan ang sabi ni Toto Meling," wika na naman ni Mr. Tante nang hindi man lamang kumikilos si Mang Danoy. "Ikinalulungkot ko ang pagkuha niya ng lupa sa iyo."

Hindi na sa malinaw na tubig ng sakahan nakatingin si Mang Danoy. Nakatanaw siya sa malayong bulubundukin-ang bulubundukin ng Malunoy. Waring sinusundan ng kanyang paningin ang isang lalaking pasan-pasan ang isang matanda-siya ang lalaking iyon. Pasan-pasan niya noon si don Lucas saan mang lugar magustuhang umebakwet ng Don tuwing mabalitaan nilang may nagpapatrolyang mga Hapones. Pag darating sila sa isang liblib na gubat, gagawa siya ng damarang pagpapahingahan ng kanyang matandang amo.

"Alam kong masakit na mawalay sa 'yo ang lupang 'yan," sabi uli ni Mr. Tante.

Mahina ang tinig ni Mr. Tante at parang naririnig ni Mang Danoy na may matinding kalungkutan ito. Ngunit hindi tinig ni Mr. Tante ang narinig ni Mang Danoy. Tinig ni Don Lucas ang gumitgit sa kanyang pandinig.

"Danoy," hindi niya malilimutan ang malumanay na pananalita ng mabait niyang amo, "marami ka nang naitulong sa akin. Ikaw lamang ang tauhan kong nakatulong sa akin nang hindi ko mababayaran ng ano mang pasasalamat. Mula ngayon hanggang sa ikaapat na ani, hindi ko kukunin ang bahaging para sa akin. At Danoy, baka hindi na ako magtagal, huwag mong pababayaan si Toto Meling mo. Bata pa siya, Danoy."

Dapit-hapon noon nang pakiusapan siya ng matanda na samahan siyang mamasyal sa maliit na tuktok malapit sa kanilang ebakwetan sa Malunoy. Palagi na noong inaatake si Don Lucas ng kanyang sakit. Marahil ay may kutob na ang matanda kaya nagsabi siya ng ganoon. Hindi nga lumipas ang ilang linggo at napatid ang kanyang hininga habang siya'y natutulog.

Sa malungkot na biling iyon ng Don, hindi niya napigil ang mapaluha. Hindi niya malilimutan ang kanyang naisagot sa matanda.

"Susundin ko ang bilin n'yo, 'To Lucas. Huwag kayong mag-alala."

"Sakahin mong mabuti ang bukid, Danoy. Hanggang gusto mo ang lupang 'yan, hindi ko kukunin sa 'yo," wika pa ng matanda.

Ngunit matagal na iyon. 1944 pa nang sabihin iyon ng kanyang amo. Ngayon ay 1960 na. Labing-anim na taon na ang nakalipas. Patay na si Don Lucas. Matagal nang natapos ang giyera. Marami nang pagbabago ang mundo. Maraming pagbabago sa pakikipag-ugnayan at pagtingin ng mga tao sa isa't isa. Si Emilio ay bagong kasal lamang noon; ngayon ay marami na itong anak at lalo pang umunlad ang pamumuhay.

Binawi ni Mang Danoy ang kanyang tingin sa bulubundukin ng Malunoy. Lumingon siya kay Mr. Tante. Hindi siya makapagsalita. Parang tinahi ang kanyang mga labi. Marami siyang nais isagot kay Mr. Tante. Ngunit ang mga salita'y ayaw dumulas sa kanyang dila dahil lubhang magagaspang upang bigkasin ang mga ito. Ngayon ay naramdaman pa niya ang pamamanhid ng kanyang mga tuhod. Matanda na ba siya at hindi na kayang magtrabaho kaya kinukuha na ang kanyang saka?

Ngunit hindi pa siya matanda sa edad. Lalong hindi pa siya mahina. Matigas pa ang kanyang mga braso. Sa limampu't dalawang taong gulang, hindi pa siya masasabing matanda, hindi pa dapat tumigil sa nilakhang trabaho. Isinilang siya sa trabaho, lumaki sa trabaho, tumanda sa trabaho.

At ngayon, narito si Mr. Tante na inutusan ni Emilio upang ihatid sa kanya ang balitang binabawi na ang sinasaka niyang lupa. Maluwat na nga ang labing-anim na taon na nakapagbago sa mundo, sa pagtitinginan ng mga tao, sa isip ng mga ito. A, kung buhay lamang si Don Lucas. Iba talaga kung mga anak na ang nagpapalakad ng ari-arian ng mga magulang. Mayroong nakasunod sa ugali ng mga magulang; mayroon namang bumabago sa dating ugnayan.

Isang hilaw na ngiti ang lumitaw sa mga labi ni Mang Danoy nang magkasalubong ang paningin nila ni Mr. Tante.

"Alam kong napamahal na sa 'yo ang bukid na 'yan, Mang Danoy," sabi ni Mr. Tante.

Napamahal?

Totoong mahal. Sasagutin sana ni Mang Danoy si Mr. Tante na hindi lamang naging mahal sa kanya ang bukid kundi naging buhay na niya ito, ngunit dumuro sa kanyang gunita ang mga nakaraan at hindi pa rin tinig ni Mr. Tante ang kanyang naririnig kundi parang nanunudyong tinig ng kanyang Toto Meling nang mag-usap sila may dalawang taon pa lamang ang nakalilipas.

"Napamahal na kay 'Tay Dnaoy ang bukid," wika ni Emilio nang napasa-Tapaslong noon upang saksihan ang pagtatakal. "Kung may magsasaka si Papa dito sa Tapaslong na may malaking pagmamalasakit sa sinasakang lupa ay wala nang iba kundi si 'Tay Danoy."

At ang kanyang sagot kay Emilio? "Tumatakad-takad pa lamang ako'y ipinaliligo ko na ang tubig ng palayang ito." May pagmamalaki pa ang kanyang sagot.

Ngunit ngayon, ang pagpuri ni Emilio sa kanya, ang masigla at lubos na kasiyahang pagpapadama sa amo ng kanyang pagmamahal sa sinasakang lupa, ang kanyang agraryong pananalig, ang kanilang maayos na pagsasamahan ay naging gunita na lamang. Hindi niya maubos-maisip kung bakit bigla na lamang aalisin sa kanya ang sinasaka niyang lupa. May nagawa ba siyang pagkakasala kay Emilio?

Matay mang isipin ni Mang Danoy kung anong kamalian ang kanyang nagawa ay wala siyang maalaala. Ang paghahati kaya ng ani ang dahilan? Ngunit alam din niyang siya'y lubos na matapat na kasama. Ang pagtingin at paggalang na iniukol niya sa namatay na Don ay siya ring pagtingin at pagsunod na iniukol niya kay Emilio. Bakit kaya? May nagawa kaya siyang hindi nagustuhan ni Emilio? Ano man ang utos ni Emilio noong hindi pa ito lumuluwas sa siyudad ay kanyang sinusunod.

"May papupuntahin daw dito si Toto Meling na hahalili sa iyo, Mang Danoy," pukaw na naman ni Mr. Tante. "Hindi ko lang alam kung sino. Hindi niya sinabi sa akin. Basta, ibalita ko lang daw sa iyo na binabawi na niya ang sinasaka mong lupa."

"Bigla talaga ang pasiya ni Toto Meling," sa huli'y nawika rin ni Mang Danoy. "Noong panahon ng okupasyon, dito sila sa Tapaslong nag-ebakwet. Buhay pa noon si 'To Lucas, 'yon bang ama ni 'To Meling? Saan mang sulok sila mag-ebakwet, pasan ko si 'To Lucas. Talagang mahal ako ng matandang 'yon. Nasabi pa nga niya sa akin na hangga't gusto kong magsaka, akin pa rin itong bukid. Pinalaki ko pa nga ang mga pilapil. Hindi 'yon tinitirhan ng tubig nang palitan ko ang Tatay. Ngunit tila hindi mawawala ang damong bakibaki kung hindi matakluban ng tubig. Kaya pinalapad at pinataasan ko ang pilapil. Makalima ko pang pinasaknungan.

"Noong gawing garison ng mga Hapones ang San Juan, hindi kami nakatanim pagkat lagi kaming umeebakwet. Masyadong matatakutin si 'To Lucas, marahil dahil matanda na siya. Makapahi-pahinga lang ako sa pagpasan sa kanya ay pagagawin na agad ako ng munting kubo sa Malunoy. Sumunod ang taggutom. Ang mga nakapagtanim ay hindi naman makapag-aning mabuti pagkat malapinipig pa lamang ang palay ay binabantayan na ng mga gerilya, nariyan pa ang mga sidisi ni Confesor na mas mabangis pa sa mga gerilya.

Nakarating ako sa Maindang at Agtugas upang makapamalit ng palay at mais para sa pamilya ni 'To Lucas. Nakarating din ako hanggang Talangban sa pagbabay-en-sel ng daing at bagoong na binibili ko naman sa Caguyuman. Ang tubo'y ibinibili ko naman ng bigas para kina Toto Meling, na kahit na lubos na ang kahirapa'y mapili pa rin sa pagkain. Alam ni Toto Meling 'yon. Tanungin mo lang si Toto Meling."

"Hindi pala basta-basta ang naitulong mo sa kanila."

"Mahirap na lang ang magsalita, Mr. Tante. Pero tanungin mo lang si Toto Meling. Maikukuwento niya sa iyo. Lalo na nang yumao si 'To Lucas. Sino pa ba ang lapitan nina Toto Meling e sa akin sila iniwan ng matanda? Sus, parang sarili kong anak ang turing ko kay Toto Meling. Isa pa, amo ko siya. Hindi lamang tulong ang naialay ko sa kanila kundi pati ang pakikiisa ko sa kanila. Halos lahat ng mga tauhan ni 'To Lucas ay sumama sa mga gerilya. Sasama rin sana ako, pero nag-aalala ako kina Toto Meling."

"Ngayon ko lang 'yan nalaman, Mang Danoy. May mga anak ka rin ba?"

"Apat lahat, Mr. Tante. May pamilya na ang tatlo. Ang bunso na lamang ang nasa akin. Ang dalawa ay nasa Mindanao, at ang isa ay nariyan sa bayan. Naging kandidato nga nitong lumipas na eleksyon. Hindi naman nakalusot. Si Amboy, na siyang dating Meyor, ang nahalal uli."

"May kaunting kaya naman siguro ang anak mong nagkandidato, Mang Danoy?"

"Kung ari-arian ang ibig mong sabihin, Mr. Tante, walang-wala iyang anak kong nagkandidato. Talagang pagbabakasakali at laway lamang ang ginamit niyang capital. Ayaw niya naman talagang pasukan iyan dahil alam niyang masalimuot iyan, lalo na sa panahong ito, na salapi ang kailangan. Pero pinilit siya ng mga kaibigan. Papa'no kasi, iyang anak ko, numero unong konsehal sa nakaraang eleksyon, pero nagkagulu-gulo kasi ang mga isyu ng dalawang partido dito sa amin, kaya nadala siya sa pinuno ng kanyang partido."

"Pero makakatulong naman siya siguro sa inyo kahit kaunti."

"Makakatulong? Bakit hindi? Makakakain kami sa kanila, bakit hindi? Pero malakas pa ako. At ayaw ng asawa ko na pumisan sa aming mga anak. Kaya ko pa namang magtrabaho. Isa pa, may anak pa kaming tinutustusan."

"Mayroon din sigurong lupa rito na maaaring masaka mo, Mang Danoy."

"Mahirap kang makakita ngayon, Mr. Tante. Lahat ng lupa rito'y sinasaka na. At lalong mahirap ang magbago ng amo. Si Toto Meling. halos pihado ko na ang kanyang ugali. Mahigit nang limang taon ang pagsasama namin dito sa Tapaslong. Alam ko ang hindi niya gusto."

"Siyanga pala. ano ang partido ng anak mong nagkandidato?"

"Independyente, Mr. Tante. Hindi naman siya makapasok sa NP at LP sapagkay mayroon na silang mga kandidato."

"Hindi ba siya lumapit kay Toto Meling nang siya'y kumandidato?"

"Sa nalaman ko'y hindi, Mr. Tante. Nahihiya raw siyang humingi ng tulong kay Toto Meling. Isa pa, alam naming hindi interesado si Toto Meling sa pulitika."

"Kung gayon, hindi mo pala alam na may interes si Toto Meling sa inyong pulitika rito?"

"Hindi nga, Mr. Tante. Taga-siyudad naman sila. At hindi siya dumadalaw rito noong panahon ng pangangampanya. Kung nagdaan lang iyon dito, hindi maaaring hindi tutulong iyon sa anak ko kahit na sa moral lamang."

"Kung gayon, hindi mo pala alam na NP si Toto Meling?"

"Totoo 'yan, Mr. Tante. Ngunit bakit mo iyan naitanong?"

"Wala naman, a."

"Eh, ano kung Independyente ang anak ko? At tungkol naman sa Meyor na LP, mabuti naman ang pagpapalakad ni Meyor Amboy sa bayan. Pero, kung sinabihan lang sana ako ni Toto Meling na NP siya, kahit na kandidato ang anak ko, tutulong ako sa kandidato niya. At pinilit ko pa sana ang anak kong umurong na lang. Kasi, amo ko si Toto Meling."

Hindi na nagsalita si Mang Danoy at tumingala siya sa tuktok ng kawayan na tila may biglang natuklasan. Umiling-iling siya at nagpatuloy.

"Kung ang ibig mong sabihin sa aki'y binabawi ni Toto Meling ang kanyang lupa dahil sa pulitika, malayo na yatang dahilan iyan." Gusto ni Mang Danoy mapalis sa kanyang isipan ang kanyang natuklasan. "Mahigit sa limang taon ang pagsasama namin dito sa Tapaslong at pihado ko na ang kanyang ugali. Wala siyang kahilig-hilig sa pulitika. Alam ko 'yan."

"Hindi mo pala alam na si Toto Meling ang sumuporta sa kandidato ng NP sa pagkameyor dito?"

Nandilat ang mga mata ni Mang Danoy na nakatitig kay Mr. Tante. Ito ang katotohanang taliwas sa kanyang nalalaman. Parang hindi siya makapaniwala. Pero kung totoo ang sinasabi ni Mr. Tante? At parang hindi naman nanloloko si Mr. Tante.

Umiling si Mang Danoy. "Hindi ko talaga alam. Nasabi ko na, kung nalaman ko lang, tumulong pa sana ako sa pagkampanya para kay Simeon. Si Simeon ang kandidato ng NP sa pagkameyor dito. Magkakilala kami ni Simeon. Lumapit nga siya sa akin at pinakiusapan akong tulungan siya upang umurong ang aking anak. Pero tumanggi ako. Sabi ko, sa bagay na iyan, wala akong magagawa sa anak ko. Anak ko nga, pero hindi ko mapigilan iyan sa mga pangarap niya sa buhay. Sabi ko kay Simeon, pagpaumanhin ni'yo na lang kami ngayon, dahil parang hindi naman maganda kung magkabanggaan pa kami ng aking anak. Sa katunayan, si Simeon ay kamag-anak ng asawa ng aking anak. Magpinsang-makalawa sila. Kung may sinabi lang sana si Simeon sa akin, kahit hindi na si Toto Meling, marahil may nagawa rin akong paraan. Pero wala nga siyang sinabi. Eh, sino naman akong magtutulak ng aking pilosopiya sa kanya? Kung alam ko lang, kahit ipinagpatuloy ng anak ko ang pagkandidato niya, sa kandidato ni Toto Meling ako tutulong. Kasi, amo ko si Toto Meling. Mahigit na limang taon ang pagsasama namin dito sa Tapaslong at pihado ko ang ugali niya. Tanungin mo lang si Toto Meling. Noong panahon ng mga Hapones, nakarating nga ako sa Talangban sa paghahanap ng ibibili ng bigas para ipakain sa kanila. Alam 'yon ni Toto Meling. Itanong mo lang kay Toto Meling. Ang katapatan ko sa kanilang pamilya noong buhay pa si 'To Lucas na ama niya'y walang labis, walang kulang. Alam ito ni Toto Meling. Tanungin mo lang si Toto Meling. Hindi nga ako sumama sa mga gerilya noon dahil inasikaso ko sila. Alam ito ni Toto Meling. Tanungin mo lang si Toto Meling."

Nanghinawa marahil sa pag-uulit-ulit ni Mang Danoy, hindi na nagtagal si Mr. Tante. Halatang ito man ay nakadama ng malaking awa at pag-unawa sa matanda. Pagkaraang masabi ang iba pang bilin ni Emilio, nagpaalam ito kay Mang Danoy.

"Dito ka na mananghalian, Mr. Tante," anyaya pa ni Mang Danoy. "Tatanghaliin ka niyan bago ka makarating sa bayan. Ayun, ikinasaing ka na ng aking asawa. Huwag kang mag-alangan. Ganyan kami rito sa Tapaslong. Isinasali sa pagkain ang bisita."

Hindi nagpaunlak si Mr. Tante. "Hintayin mo na lang daw ang papalit sa iyo sa susunod na Lunes, sabi ni Toto Meling," lingon pa ni Mr. Tante.

"Kung 'yan ang pasiya ni Toto Meling, siya ang masusunod. Kasi, amo ko siya," sagot ni mang Danoy na nakayuko. "Ano man ang ikinagalit niya sa akin, kayo na ang bahalang magtanong sa kanya."

Nang hindi sumagot si Mr. Tante: "Sahod-ulan lamang itong lupa nila noong araw," patuloy ni Mang Danoy habang kinakahig ng kanyang mga daliri ang kulisap na ulandis na ibig umakyat sa hinlalaki ng kanyang paa. "Pinalaki ko ang mayor na pilapil nang pumalit ako sa Tatay. Makalima kong pinasaknungan ang pagpapataas ng pilapil. Ang mga tulos diyan ay sa Kapangsuran ko pa kinuha. Noong giyera, saan man mag-ebakwet si 'To Lucas, sa aking balikat siya nakasakay. Ayaw naman niyang sumakay sa kalabaw pagkat sumasakit ang kanyang balakang kung matagal na nakabukaka. At kung sa karosa, maliglig naman.

"Noong magkagutom, dahil hindi kami nakatanim, nakarating ako sa Aguyuman at Talangban sa pagbabay-en-sel ng daing at bagoong. Isang araw at isang gabing lakad. Yapak pa ako. Mainit ang daan. Kung menos ang kita ko sa Talangban, tutuloy pa ako sa Alabidhan. Ang tinutubo ko, ibinibili ko ng bigas para kina Toto."

Hindi na tinapos ni Mang Danoy ang kaniyang sinasabi. Nang muling iangat niya ang kanyang ulo, nakatalikod na pala si Mr. Tante.

Lumingon si Mang Danoy at hinagod ng tingin ang malinaw na tubig ng palayan. Doon sa may gitna ng lumilitaw na manipis na bakawan, natanaw niya ang dalawang talangkang naghahabulan.

Nagsasalimbayan ang kanyang mga gunita. Limang taong mahigit ang pagsasama namin ni Toto Meling dito sa Tapaslong. Alam kong walang hilig si Toto Meling sa pulitika. Hindi maaaring kunin ni Toto Meling ang lupa dahil lamang nagkandidato ang aking anak laban sa kandidato niya. Kung sinabihan lang sana ako ni Toto Meling na si Simeon ang kanyang kandidato.

 

Naputol ang pagdidilidili ni Mang Danoy nang mahagip ng tanaw ang isang taong nagpupukpok ng maso sa tulos. Hubad-baro ang tao at nakakutod lamang. Naririnig sa kanyang kinaroroonan ang alingawngaw ng tumatamang maso sa dulo ng tulos. Ngunit ibang uring alingawngaw ang kanyang narinig. Iyon ay parang taghoy na naglalagos sa mga kawayanan.

Read the original in Hiligaynon

back to writing from the regions | fiction | home


faqs | about us | contact us

 

Hosted by: Institute of Creative Writing, UP Diliman.
©2005 panitikan.com.ph . All Rights Reserved.
Site design by swim.interactive