fiction
Sa Kanyon ng Baril
ni Victorio L. Hinolan
Sinalin sa Filipino ni Rosario Cruz Lucero
Dapithapon. Kumakalat ang ginintuang silahis ng papalubog na araw. Malumanay ngunit malamig ang simoy ng hangin. Mapayapa ang laot na bahagyang umaalon, tanda ng katiwasayan ng panahon. Namumulaklak ng tao ang maganda at kapuri-puring plasa ng Lungsod ng Bakolod. Napupulutong sila tulad ng pag-hahati-hati ng mga ibong iba't iba ang kulay ng balahibo. Sa madaling salita, nasa isang panig ang mga mayayaman, sa ibang panig naman ang mga manggagawa, nasa isang sulok ang mga mangangalakal, sa kabila ay ang mga manggagamot, sa isang banda ang mga manananggoo, samantala, sa gitna, sa Bandstand , nakatayo ang isang taong katamtaman ang pangangatawan. Sa tabi niya'y nakaupo ang pinuno ng pambansang-hukbo, samantalang sa paligid ng Bandstand, alistong nakabantay ang mga karaniwang-kawal na pinaliligiran din ng mga nagsasanay-kawal, mga trainees . Kaakit-akit na tanawin ng ibon ( Bird's eye-view ) ang bahaging ito ng plasa.
Mahihintulad ang tanawing iyon sa sarisaring kulay ng mga talulot ng isang pumpon ng bulaklak. Totoo, dahil sa iyon ang libangan ng mga maramdaming mamamayan ng Bakolod, makikita sa mga sandaling iyon ang iba't ibang uri ng tao mula sa lahat ng sektor ng pamumuhay. Tulad ng pagluluksang-gunita sa pagkamatay ng Poong Maykapal, ubod ng tahimik ang naturang pagtitipon. Mahihintulad sila sa mapayapang laot sa buwan ng Mayo, na bahagya lamang ang pag-aalun-alon. Nakapukol ang lahat ng paningin sa isang taong malakawayan ang pangangatawan, at naghihintay ang lahat ng mga manonood sa kanyang pagbuka ng bibig.
- Bakit napakarami ng mga tao rito sa liwasang-bayan? Ano bang pangyayari ang mayroon dito ngayon? - usisa ko sa aking kakilalang nakatayo malapit sa pulutong ng mga manggagawa.
- Magsasalita ngayon si Donato Flor de Caña, ang pinakatanyag na mamahayag at mananalumpati hindi lamang dito sa mga pook nina Sumakwel, Bangkaya at Paiburong, kundi hanggang sa pook ni Lakandula. Ito na ang kahuli-hulihan niyang hiling, ang pagpapahiwatig ng kanyang matinding damdamin sa harap ng madla sapagka't bukas ay babarilin siya dahil sa pagkapatay niya sa pinakamakapangyarihang tao sa lalawigang ito, si Don Basilio Kisman, ang diktador sa lupain ng asukal. -sagot niya sa akin.
At nasaan na iyang si Donato Flor de Caña? -usisa ko sa kanya.
- Iyong nakatayo sa Bandstand na parang si Abe Lincoln ang pangangatawan.
- Kung gayon, makikinig din ako dahil kilala na ang katapangan ng dila't panulat nitong si Donato Flor de Caña. -bulong ko sa sarili, at hindi na ako tuminag pa mula sa aking kinatatayuan sa tabi ng aking kakilala.
Dahil ito ang hinihintay ng lahat, nagsimula na ring magsalita ang bantog na manunulat.
- Mga mahal kong kababayan;
Ako'y natutuwa dahil nagpunta kayo sa pagtitipong ito upang makinig sa huli kong pananalumpati; ito'y karangalan para sa akin. Una sa lahat, pinupuri ko ang kagalang-galang nating pinuno ng lunsod, si G. Alfredo Montelibano; ang ating pinunong-panlalawigan, Valeriano Gatuslao; at ang kanyang dalawang kasapi, Kagalang-galang na Generoso Villanueva at Kgg. Aguedo Gonzaga. May tinipik na kinang sa kanilang mga noo, na tinatawag na " Justicia Social ". Opo, sila'y maawain at matulungin sa mga dukha hindi lamang sa salita, katulad ng maraming mayayaman, kundi sa gawa. Nguni't hindi ko natitiyak na ang kanilang mga gawain ay tunay na " Justicia Social "; sa katunayan, wala ni isang makapagsasabi kung ano ang tunay na kahulugan ng salitang ito. Habang namumuhay ang tao sa ilalim ng makapangyarihang araw ay walang makakatupad ng tunay na Justicia Social , at kung mayroon mang isa, ito'y napakalaking balita, sapagka't hindi siya pangkaraniwang tao na ipinanganak ng makasalanang sangkatauhan kundi Diwang Apo na ipinadala sa lupa ng Diwang Anak. Sa maniwala kayo't hindi, ang Maykapal lamang ang makapagpapatupad ng Justicia Social .
Ang pag-unlad ng Bakolod ay isang kapurihan kay Kgg. Alfredo Montelibano at ang lahat na nagsumikap upang maging lungsod ang Bakolod; at isa ring karangalan para sa buong lalawigan ng Kanlurang Negros; subali't sa kabila nito, ito'y isang tingga na ipinatong sa balikat ng mga anakpawis. Kapansin-pansin ang maraming pagbabago rito sa ating bayan: gumanda ang pamilihang-bayan, naging maginhawa; maayos ang pangangasiwa ng bayan, marami nang bantay-bayan ang nagpapatupad ng kapayapaan, nagsiliparan na ang mga mikrobyong naging sanhi ng sakit ng kabataan, lumubog ang mga sugal na siyang kumaladkad sa karamihan patungong masasamang ugali; at pagmasdan ninyo ang kagandahan nitong liwasan na ngayo'y ating kinatatayuan. Subali't, kakambal ng pag-unlad ng Bakolod, tumaas din ang halaga ng mga bilihin at ang mga buwis; sa isang salita, tumaas din ang antas ng pamumuhay sa lungsod na ito. Ngunit mababa pa rin ang sahod ng mga anakpawis, yaong halos hindi na matustusan ang kanilang mag-anak na siyang kabayaran sa kanilang lakas-paggawa, animo'y talos na hindi tumitinag, parang tungkulin ni San Pedro na hindi na tumataas, parang hamog sa dahon ng puno na natutunaw at hindi nadadagdagan.
Huwag na tayong magtaka, mga kababayan, sapagka't ito ang takbo ng daigdig, kung nais nating purihin, kailangang tumbasan natin ang halaga nito. Ang ikinasasama lamang nito ay pati yaong mga patay-gutom, na hindi nagnanais ng puri, dahil nga hindi na makayanang kumita nang sapat upang magpalaman sa kanilang palayok, ay nagtititiis din ng lahat ng kahirapan at kapaitan sa buhay.
Sariwa pa sa aking mga gunita ang mga nakaraang pangyayari na dapat iukit sa kasaysayan nitong lalawigan. Ang naghawan nitong lupain ay yaong mga kapuspalad nating mga ninunong malipak ang mga kamay. Tiniis nila ang mapait na pamumuhay dala ng kanilang pag-asang aahon din sila. Hinarap nila ang lahat ng kapahamakan. Kinalaban nila ang mabagsik na malaria, at ang ilan sa kanilang kinapos-palad ay pagdakang nagpahinga na nang tuluyan. Inilaan nila ang kanilang buhay sa pagputol ng malalaking punongkahoy, at marami sa kanila ang nagkandapilay, ang ilan ay naging inutil, at ang iba'y namatay dahil nadaganan sila ng kanilang tinatagang kahoy. Sa kanilang labis na pagsusumikap at ng kanilang mga supling, unti-unting nahawan ang malawak na lupain at tinamnan nila ng mga niyog, kawayan, at iba pang uri ng namumungang pananim. Subalit sa bandang huli, nagdatingan ang mayayaman mula sa kabilang pulo at hinikayat nilang bilhin ang mga lupain nitong mga kawawang dukha. Subalit ilan sa kanila ang hindi nabayaran nang buo, ang iba'y walang natanggap ni isang kusing, at di naglaon ang karamihan sa kanila'y marahas na inagawan ng lupa. Anong lungkot isipin ang mga pangyayaring ito! Magpahanggang ngayon ay kadalasan pa rin nating naririnig ang mga salitang tulad ng: Inagawan ng lupa ni Kuwang mayaman si Kuwang mahirap. Ilang dukha na ba ang nawalan ng mabubuting kabuhayan dahil inangkin ng masalapi ang lupang pinagkukunan niya ng katiting na maisusubo sa kanyang mag-anak? Ilang mga anakpawis ang nagtutumangis dahil sinamsam ng mga taksil na mayaman ang kanilang maliit na lupang kanilang pinagkukunan nito ng kabuhayan? A, marami na, marami na nga, at ang iba'y humantong pa sa pagpatay sa mga among mapagsamantala at maitim ang budhi.
Nang mapunta sa mga kamay ng mayayaman ang malapad na lupain ay tinamnan nila ito ng tubo, at dahil mataba ang lupa, lumago ang tubo. Kaya tuwing panahon ng kabyawan, kumukuha ang mga asendero ng maraming manggagawa mula sa Antique, Iloilo, at Capiz upang magtrabaho sa kanilang sakahan.
Hinikayat nila ang kawawang mga maralita mula sa mga dakong ito na babayaran nila ng mabuting sahod at iba pang pangako na nagbigay pag-asa sa mga mahihirap. Kaya't walang pag-aalinlangan at pagdadalawang isip ay sumama ang mga ito upang magtrabaho sa mga sakahan ng tubo dala ang pag-asang sa kanilang pag-uwi sa iniwan nilang pamamahay, may ilang supot na perang maiaalay na pasalubong sa kanilang mapagmahal na asawa't anak. Salungat sa kanilang pangarap, kasamaan ang sumagupa sa kanila. Hindi tinupad ang mga pangako sa kanila. Dahil dito, nag-uwian ang mga kawawang "Sakada" kahit ang ilan sa kanila'y hindi nakatanggap ng nararapat na sahod; karamiha'y tumakas na lamang dahil hindi na makatao ang pagturing sa kanila ng kanilang amo. Kahit sa kasalukuyan ay maririnig natin ang mga salitang: "Kaawaawa naman sina Kuwan na umuwi na lamang kahit hindi binayaran ang kanilang paghihirap." Ang mga ganid na ito, mga linta na nabubuhay sa dugo ng mga dukha, naging masalapi sa kasisipsip ng pawis ng kawawang manggagawa, kaya lumobo ang mga tiyan samantalang ang kawawang mga dukha ay nagbibilad sa araw at nagbababad sa ulan, parang hayop na sa oras lamang ng pagkain nakapagpapahinga, tinitiis ang buhay-alipin dahil nakatinghayad sa napakaliit na sahod. Kadalasan pa silang nililinlang at inaalipusta ng kanilang amo, o di kaya'y hinahamak ang pinatuluan nila ng pawis.
Sa ganitong kalagayan ng mga amo at manggagawa, may isang buwayang lumitaw at naging ama-amahan ng mga mayayaman. Ang taong ito ang naging makapangyarihan at diktador nitong lalawigan dahil sa kanyang angaw-angaw na salapi. Lahat ng kagustuhan niya'y nasusunod habang siya'y nakahiga sa kayamanan.
Pinagpipitaganan siya ng lahat pagkat dito sa mundong hapis wala nang labis na kapita-pitagan at makapangyarihan pa sa salapi. Tulad ng Kanlaon ang kanyang katayuan. Nasa kamay niya ang pagpapanalo ng mga kandidato sa ating lalawigan. Maaari ka nang magtayo kaagad ng bantayog ng kanyang mga bata-bata dahil tiyak na panalo na ang mga iyan. Oo, tiyak na panalo, sa mabuti o masamang paraan man, dahil ang mga tauhan ng mga asendero at ng mga kabyawan, na nasa kanilang lilim, ay hindi makapagbibigay ng kanilang halal para sa ibang kandidato, pagkat kung ito'y mabalitaan, tiyak na sila'y tatanggalin sa kanilang mga tungkulin. Ang kawawang manghahalal, sa takot na magugutom ang kanilang pamamahay kung sila'y palalayasin, mapipilitang sumunod sa utos ng kanilang amo, kahit iyo'y salungat sa kani-kanilang kalooban at sariling paninindigan. Nasaan ang tinatawag na " Justicia Social "?
Ibinunyag ko sa mga pahayagan ang maraming pagmamalabis at pagmamalupit ng taong ito at ng kanyang mga tauhan, ngunit tulad ng isang panaginip, ito'y naglaho hanggang sa nalibing na sa limot. Ito ang dahilan kung bakit hindi ko matarok kung ang ating pamahalaan ay para sa lahat o para sa mayayaman lamang. Sa aking abang pag-iisip, ang ating pamahalaa'y itinayo sa makatarungang batayan, ngunit walang kahulugan ang salitang "katarungan" para sa may hawak ng kapangyarihan. Binibigyan-pansin lamang nila ang kalansing ng salapi, kung kaya't isang salita lamang ng mapera'y uma-"amen" na silang lahat. Subalit ang kawawang mga timawa, ang hamak na mga anakpawis na siyang nasa unahan ng larangan kapag panahon ng digmaan laban sa dayuhan, na siyang nagtamasa sa yaman ng lupa, siyang kasangkapan sa lahat ng mabibigat na gawain, hindi man lamang nililingon. Walang mayaman ang nagsusumikap na maisakatuparan ang mga bagay na kaugnay sa pagpapaunlad ng mga mahihirap. Nagtutulog-tulogan din pati ang pamahalaan sa pagtulong sa mga timawa at mahirap. Subalit kung magkasala ang isang mahirap, tiyak at maasahan mong kahit magtago pa siya sa kaibuturan ng bigas, kakaykayin pa rin siya ng pamunuan, samantalang kung ang masalapi ang magkasala, ito'y nagbibingi-bingihan at nagbubulag-bulagan.
- Ilan ba sa inyo-sabay turo sa nakahanay na nagsasanay-kawal-ang nabigyan para sa pagtustos ng inyong mag-anak nang talikdan n'yo sila alinsunod sa batas; ilan sa inyo ang may iniwang asawa o anak na may karamdaman at walang inaasahang mapagkukunan ng pagkain? Sa isang salita, ilan sa inyo ang binigyan ng salaping iiwan sa inyong mag-anak na nilisan ninyo sa gipit na kalagayan?
- Wala, wala kahit isa sa amin. -ang malakas na tinig buhat sa mga trainees .
- Sino'ng makapangyarihan at masalapi ang nagsumikap na mapatupad ang batas na ito?
Wala, wala kahit isa sa kanila.
- At kayo riyan-sabay turo sa nagsisiksikang manggagawa-Ilan sa inyo ang umasa sa maayos na pagturing ng inyong amo, na kung kayo'y magkasakit, may manggagamot at tagapag-alaga kayo kahit wala kayong ibabayad, ayon sa itinakda sa kanila ng batas? Ilan ba sa inyo ang tumatanggap ng makatarungang sahod kapantay ng inyong pinaghirapan; at ilan sa inyo ang nagtatrabaho sa loob ng walong oras lamang?
Hugong lamang ang sagot ng karamihang manggagawa na marahil ay hindi makasagot nang tapatan dahil natatakot na ipitin sila ng kanilang amo o ibang mga mayayamang nagsidalo rin doon. Kauna-unawa, dahil sino ba ang hindi mag-aalinlangang magpahayag ng kanilang tunay na damdamin ukol sa di-mabuting pagturing ng kanilang amo, pagkat kung sila'y marinig, paghihigantihan sila at tatanggalin sa pinagkukunan nila ng kabuhayan? Kapag nangyari ito, walang tao sa pamahalaan ang nagtataguyod sa kanila at nagbibigay ng kabuhayan. Kaya, kahit ang lahat ay nakahalang sa kanilang lalamunan, kahit kamandag sa kanilang buhay, kahit batong pataw sa kanilang balikat ang ginagawa ng kanilang amo at ibang mayayaman, nilulunok na lamang nila ito kahalintulad ng hayop na lumulunok ng gamut na pilit na pinapainom sa kanila. Batid ng mga manggagawa ang katotohanang ito, na kahit ang lahat ng katarunga'y nasa kanilang palad, kung mayaman ang kanilang makabangga, minabuti pang uminom na lang sila ng lason kaysa iharap pa nila ito sa hukuman. Ito ang harang sa kanilang mga dila at balakid sa kanilang mga tinig kapag kaharap nila ang mayayamang kanilang kinakalungan.
Kahit mamula pa ang mananalumpati ay wala sa mga anakpawis ang maglalakas-loob na sumagot. Nagtiim-bagang na lamang siya at nagpatuloy sa lalo pang masiklab na pananalita.
- Nakaugalian na nating mga maralitang pumayag na tayo'y apihin, dayain, hamakin, at pagmalupitan; kahit nakatuntong tayo sa Kanlaon ng katarungan ay natatakot pa rin tayo maglahad ng ating mga hinanakit. Di pa ba natin kayang itapon ang ugali ng ating mga ninuno, na kung nasa harapan ng mayayaman at makapangyariha'y kaagad yumuyuko upang paahitan ang kanilang mga batok? Ihabi natin sa ating kaisipan ang kabayanihan at katapangan ng pinakatanyag at bugtong na inanak ng Kabisayaan, si Graciano Lopez-Jaena. Hinampas niya ang kanyang katawan at kaluluwa sa pagtataguyod ng karapatan ng kanya at ating tinubuang lupa. Dapat nating tularan ang kanyang katapangan nang ipahayag niya ang kanyang damdamin alang-alang sa Inang-lupa, noong panahon ng karimlan, nang naghari rito sa ating minamahal na Pilipinas ang mga Kastila. Alalahanin natin na tiniis niya ang mapait na buhay at namatay siya sa karumaldumal na kalagayan sa lupa ng mga puti upang maigiit niya sa kanilang mga utak ang karapatan ng Inang Pilipinas. Sayang itong napakabuting binhi na inihasik ng ating kapatid na bayani kung hindi natin gagamitin ang punla nito, na siyang kapalit ng kanyang buhay, lalo na ngayong hindi na tayo namumuhay sa panahon ng mapang-aping kastila, nang umiral ang kapangyarihan ng lakas.
Sa ngayon namumuhay tayo sa makabagong panahon ng pagkakapantay-pantay, kung saan ang kapangyarihan ng katarungan ang nangingibabaw at ang bawat isa sa atin ay malayang magsalita ukol sa ating karapatan; makapagpapahayag n gating tinig sa harapan ng kahit sino pa man. Kung namumuhay tayo upang yurakan lamang ang ating katarungan, mabuti pang mapakinabangan na lamang tayo ng lupa bilang pataba para sa mga halamang makakasipsip ng ating bulok na katawan. Ipakita natin ang tinatawag na " Valor Civico " sapagkat ang mga makapangyarihan at mayayaman ay tulad din nating kumakain ng kanin, tulad din nating nakararamdan ng kirot kapag kinukurot ang balat, at tulad din nating sumisilong sa lilim ng bubong. Bakit tayo matatakot sa kanila? Di ba tayo pantay-pantay sa mga mata ng ating Tagapaglikha? Kung sila'y lumalanghap ng sariwang hangin, kung sila'y lumalagok ng malinaw na tubig, tayo'y marunong ding kumilala ng marumi't hindi; anong dahilan kung bakit kanilang niyuyurakan at ayaw kilalanin ang ating karapatan? Kunga ganito pa rin ang kanilang mga pakana, kailangan na nating gamitin ang ginagawa ng panday-bakal.
- Palalong tao, din na aabot ng kinabukasan ang iyong buhay dahil tatapusin ko na ngayon din. -ang sigaw ng isang asenderong nakatayo sa tabi ni Kgg. Aguedo Gonzaga at sa likuran ni Kgg. Generoso Gonzaga, at sabay bunot ng kanyang baril sa pagtangkang patamaan ang nananalumpati. Ngunit niyapos siya ni Kgg. Gonzaga at inagaw sa kanya ni Kgg. Villanueva ang baril.
- Makinig ka na lang pagkat iyan na rin lang ang kahuli-hulihan niyang pagsasalita; kung talagang nais mong butasin ng punglo ng iyong baril ang kanyang katawan, bukas sa ikaanim nang umaga, pumunta ka sa dalampasigan at ikaw ang unang pababarilin sa kanya -ang sabi ni Kgg. Gonzaga.
Hindi pinansin ni Donato Flor de Caña ang taong iyon, patuloy siyang nagsalita.
- Ito ang aking natamo, bukas ako'y babarilin dahil pinatay ko ang pinakamapangyarihan at pinakamasalaping tao sa ating pulo, dahil niyurakan niya ang aking karapatan at inilagay sa kahihiyan ang aking pagkatao. Matapos kong maibunyag ang kanyang kabulukan at kasamaan sa panahon ng eleksyon, minura niya ako sa gitna ng daan sa harapan ng maraming tao nang masalubong niya ako; at tangka pa niya sana akong barilin ngunit naunahan ko siyang masaksak ng balisong na hindi ko sinadyang dalhin sa araw na iyon, at siyang naging sanhi ng kanyang kamatayan.
- Kaya, mga kapatid kong timawa, kung kayo'y patuloy pa ring inaapi ng inyong mga amo, sumangguni kayo sa Manananggol-Bayan upang matulungan kayo at malutas ang mga suliraning malimit umiiral sa pagitan ng mga manggagawa at amo. Ngunit kung pabaya ang naturang Manananggol-Bayan, dahil ito ang karaniwang ginagawa ng mga maykapangyarihan sa mahihirap na nagpapatulong sa kanila, kung nagmamalabis pa rin sa pagtadyak ang mga masalapi at makapangyarihan sa inyong mga karapatan at hindi kayo pinapansin ng pamahalaan, ibangon ni'yo si Joaquin Gil at tularan ni'yo ang kanyang ginawa. Lansagin ni'yo ang di-makitang kapangyarihan sa likod ng ating pamahalaan; yaong may kaya at malakas ang kapit sa mga pamunuan ang siya lamang umaani. Lantahin ni'yo ang mga walang damdamin at walang pagsaalang-alang na nakahiga sa kayamanan at kapangyarihan, tulad ng paglanta ng isang punongkahoy upang maging mabuti ang kanilang mga supling. Ito na lang ang aking bilin sa inyo bilang pagpapaalam sa inyong lahat.
- Kawawa ka naman at bukas ay haharapin mo na ang kanyon ng baril. -bulong ko sa aking sarili.
Kinaumagahan, maaga pa akong bumangon at nagmadaling tumungo sa dalampasigan upang masaksihan ang nakalulungkot na pagbaril kay Donato Flor de Caña. Habang naglalakad ako sa daan, nakasalubong ko si G. Jose Jabat.
- Saan ka pupunta, kapatid, at tila nagmamadali ka? - ang bati niya sa akin.
- Doon sa dalampasigan, panonoorin ko ang pagbaril kay Donato Flor de Caña.
Di kaya si Donato Flor de Liza ang ibig mong sabihin, kapatid? - tanong niya pa rin sa akin.
- Hindi. Huwag mo nang sayangin ang panahon at malapit nang mag-ikaanim ng umaga-at ipinagpatuloy ko ang aking hakbang; di ko napansing sumunod pala siya sa akin.
Sa dalampasigan, nakita namin ang ilang malalaking barko, o paraw, at mga karong humahakot ng mga kargamente, ngunit wala roon ang hukbo at ang taong babarilin. Nagtaka ako, at mayamaya'y narinig naming mula sa simbahan ang tunog ng ikapito ng umage. Saka ko nabatid na ang taong haharap sa kanyon ng baril ay isa lamang palang panaginip.
Read the original in Hiligaynon
back to writing from the regions | fiction | home |