fiction

Sa Karagatan ng Buhay
ni Ismaelita Floro-Luza
Sinalin sa Filipino ni Rosario Cruz Lucero

Matagal nakatayo si Lorna sa tapat ni Dardo. Hindi kumikilos. Napatigil si Dardo sa paghuhubad ng kanyang sapatos at tiningnan ang mukha ng kanyang asawa. Tinititigan pa rin nito ang pitong pirasong tigbebeinte pesos na iniabot sa kanya. Suweldo yaon ni Dardo para sa isang kinsena. Napansin niya ang unti-unting pagdidilim ng mukha ni Lorna.

"Ito lang ba?" Narinig ni Dardo ang salita ni Lorna na nakabukas pa rin ang kamay.

"Siento kuwarenta na lang iyan," wala sa loob na sumagot si Dardo at tinuloy niyang hubarin ang kanyang sapatos. "Binawasan ko ng bale kuwarenta. Beinte sa kontribusyon namin para sa bangkete ni Mr. Velasco (si Mr. Velasco'y kasama ni Dardo sa opisina na magreretiro), sampu para sa regalo namin sa kanya at ang sampu'y ibinayad ko sa utang ko sa kantina ng opisina."

Parang nalugi ang anyo ni Lorna nang maupo siya sa sopa. Parang hindi pa rin siya makapaniwala. Nakakunot ang noo. "Ano ba sa palagay mo ang mangyayari sa atin sa siento kuwarentang ito, Dardo?"

"O," nayayamot na si Dardo.

"Ang pera mo," kapansin-pansin ang tumitigas na tunog sa boses ni Lorna. "Aba, ano sa akala mo ang magagawa ko rito? Para sa upa ng bahay, kuwarenta. ilaw, otso. tubig, lima. sa utang sa tindahan, beinte singko na lahat. Bigas, ulam! Ang sapatos pa na hinihingi ni Dandoy para sa boy iskawting. Pamasahe at sigarilyo! Mabuti pa sana kung hindi blue seal! Aba, piso siguro ang kaha at isang hititan mo lang sa maghapon."

"Ayan ka na naman! Buwisit na." Biglang tumindig si Dardo. "Lumabas na naman ang litanya mong iyan. Ano ka ba?"

"Ano ka ba!" Balik na singhal ni Lorna. "Aanhin ko itong pera mo?"

"Eh di, pagkasyahin mo kahit papa'no!"

"Pagkasyahin? Nalalaman mo bang masisira na naman ang ulo ko nito sa kakapagkasya nito? Aba, ang badyet ko kahit anhin ko na'ng pag-unat hindi na talaga magawa! Dalawa pa naman ang naggagatas sa mga anak mo."

"Puwede ba?" nagngingitngit na sabi ni Dardo. "Mamaya na iyan. Ginugutom na ako."

"Mabuti ka pa't."

"Hindi ka ba titigil?" pasigaw na sumagot si Dardo.

"Hindi! Bakit ayaw mong marinig ang katotohanan na kinukulang ang pamilya mo?"

Ngunit biglang natigil ang pagdadaing ni Lorna. Sinalat niya ang kanyang mukha nang biglang uminit ito dahil sa tama ng kamay ni Dardo. Masakit! Mahapdi! "Sinampal mo ako!"

"Mapilit ka!" Tumalikod si Dardong parang biglang natauhan sa katotohanang napagbuhatan niya ng kamay ang kanyang kabiyak. Ngunit nakalimot siya sa sarili. Simula nang sila'y nag-isang buhay, ngayon pa lamang niyang napagbuhatan ng kamay si Lorna. Hindi na niya talaga mapigil ang kanyang galit.

Umiyak si Lorna. Napakasakit. Nais sanang lingunin ni Dardo ang kanyang humagulgol na asawa sa sopa, ngunit hindi niya magawa. May anong hindi niya maunawaang lakas na pumipigil sa kanya. At sa kabila nito'y nagsuot na lamang siya ng kanyang kamisadentrong nakasabit sa sandalan ng kanyang upuan. At dali-dali na siyang bumaba.

Sumakay si Dardo sa nagdaraang dyip. Minabuti niyang sa isang restawran na lang siya manananghali.

Nakaorder na si Dardo ng pagkain ngunit pakiramdam niya'y mayroon pa ring kumukulo sa kanyang dibdib. Parang naririnig niya pa rin ang kulog ng kapootan na kanina'y umaalingawngaw pa rito. Nararamdaman pa rin niya ang mga bakas ng mukha ni Lorna sa kanyang palad. Kinuyom niya ito. Masakit isipin na napagbuhatan niya ng kamay ang kanyang kabiyak. Ito ang isang bagay na pinag-ingatan niyang iwasan simula't sapul. Ngunit umabot na sa sukdulan ang pagpipigil niya ng kanyang kapootan at nalimutan niya ang lahat. Wala na siyang ibang dahilan pa. Nasugatan ang kanyang damdamin sa tahasang pananalita ni Lorna.

Sampung taon na ngayon silang kasal ni Lorna. At lima ang naging bunga ng kanilang pagmamahalan. Si Lorna'y nakatapos ng pagtuturo nang sila'y ikinasal. Ngunit hindi siya pinayagang magturo ni Dardo. Nais ni Dardo'y manatili na lang ang kabiyak sa bahay upang asikasuhin ang pangangailangan ng kanilang parami nang paraming mga anak. Ang natatanggap na tatlong daan at limampung piso ni Dardo'y sapat na upang masagot ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. Ngunit nang dumami na ang kanilang mga anak at ang panganay ay nag-aaral na, unti-unti ring naramdaman ni Dardo ang paghihirap sa pamumuhay nilang mag-anak, lalo na nang tumaas ang presyo ng mga bilihin. Unti-unting lumalaki ang mga pinaggagastusan, kadahilanan ng madalas na pag-aaway nila ni Lorna.

Kumilos si Dardo nang ihain ng serbidora ang kanyang inorder na pagkain. Sinimulan na niya ang pagsubo. Ngunit naramdaman niyang nawala na ang gutom na kanina'y nananaig sa kanya. Nawalan siya ng gana. Uminom na lamang siya ng tubig at tinawag uli ang serbidora. Binayaran ang pagkain at mabilis na tinungo ang pintuan papalabas.

Sa opisina dumeretso si Dardo nang tanghaling iyon. Hindi na siya bumalik pa sa kanilang bahay. Gusto niyang palipasin muna ang galit na noo'y unti-unti na naming nagpapasikip sa kanyang dibdib. Ngunit ngayong nasa tapat na siya ng mesa sa kanyang tanggapan, wala naman siyang magawa. Nag-aaksaya lang siya ng panahon. Ang anyo pa rin ni Lorna ang naglalaro sa kanyang mga gunita. Bakit niya ba napagbuhatan ng kamay si Lorna? Bakit niya nagawa iyon sa kanyang pinakamamahal? Para sa kanya, ang sampung taong pagsasama nila'y maiksing panahon lamang upang gunitain ang mga sariwang paalaala ng kanilang nakaraang buhay. Hindi naman sa pag-aangat ng sariling bangko, ngunit siya'y magandang lalaki rin. At hindi mabilang ang mga babaeng napangakuan niya ng pag-ibig. Mga babaeng hindi naman bumigo sa kanya. Ngunit sa dinami-dami ng naipon niyang mga kasintahan, si Lorna ang kanyang pinakasalan. Hindi maganda si Lorna kung mukha ang pag-uusapan. Katamtaman lang. May itsura rin, kaunti. Pero natutunan niyang lubos na mahalin. Kay Lorna lamang niya taos-pusong naihandog ang kanyang pag-ibig. Wika pa ng mga kaibigan niya noon, nakuha raw siya ni Lorna dahil sa katalinuhan nito. Inaamin niya. Matalino talaga si Lorna. Balediktoryan nang magtapos sa hayskul at Magna cum Laude nang matapos sa kolehiyo sa kursong pagtuturo. Pinagyayabang niya ang katalinuhang ito ni Lorna sa kanyang mga kasamang lalaki. Mapalad siya.

Ang matamis na paggugunita niya'y lubos na nagpalimot ng kanyang galit. Kaya nga't nang lumabas na siya sa opisina noong hapong iyon, magaan na ang kanyang loob. Hindi siya binati ni Lorna nang dumating siya sa bahay. Alam ni Dardo na may hinanakit pa ang kanyang kabiyak. At pati na ang kanilang mga anak na marahil nakauunawa na ng kanilang nasaksihang pangyayari sa kanilang dalawa, hindi rin nag-iingay katulad ng dati.

Paghiga nila noong gabing iyon, hindi pa rin umiimik si Lorna. Nakatagilid siya sa isang tabi ng kama. Nakaramdam si Dardo ng kahihiyan ngunit pinilit niya itong kalabanin. Kinakailangang magbatian na sila ni Lorna. Kinakailangang humingi siya ng paumanhin.

"'Ling," mahina ang boses niyang humawak siya sa bisig ng kanyang kabiyak. Hindi ito kumikilos. 'Pagpaumanhin mo na sana ako sa nangyari kanina. Pero maniwala ka sanang hindi ko sinasadyang gawin iyon sa iyo. Nakalimot lamang ako sa aking sarili. Napuno lang kasi ako."

Tahimik. Hindi pa rin kumikilos si Lorna.

"'Ling, please. "

Wala pa ring sagot. Napabuntung-hininga si Dardo at pumikit siya. Alam niyang gising si Lorna at narinig nito ang lahat ng sinabi niya. Ngunit nagkukunwari lamang na natutulog.

Mataas na ang araw nang gumising si Dardo kinaumagahan. Katulad ng dati, naghihintay sa mesa ang kanyang almusal. Humigop lamang siya ng kape, at nang magpaalam sa kabiyak, isang mahinang "oo" ang lumabas kay Lorna.

Maraming araw ang mabilis na piñatas sa tangkay ng panahon. At sa loob ng panahong ito, bumalik din ang dating matiwasay na pamumuhay nina Dardo at Lorna. Ngunit nadarama ni Dardo na magmula nang mapagbuhatan niya ng kamay ang kanyang kabiyak, naging tahimik ito. At isang araw, nagulat na lamang si Dardo nang gumising siyang nakabihis na si Lorna.

"May lakad ka ba?" usisa niya.

"Oo," sagot ni Lorna. "Nalimutan ko palang sabihin sa iyo. Nakapasok na ako sa Holy Ghost." Isang kolehiyong pinamamahalaan ng mga madre ang tinutukoy ni Lorna. "Ngayong araw ako mag-uumpisa."

Napanganga si dardo.

"Ang almusal mo nariyan sa mesa at ipinagbilin ko na kay Talia ang mga pangangailangan mo."

Napalunok si Dardo. Nabigla siya. Ngunit nakaalis na si Lorna'y wala pa rin siyang imik. Matagal siyang natuliro. Sa ubod ng kanyang puso'y may anong kahapdian ang biglang kumikirot. Pilit niyang pinalipas ito. Pinahupa-hupa. Marahil may karapatan din si Lorna sa pasiya niyang ito.

Saksi ng mga sumunod na araw ang naging pagbabago sa kanilang pamumuhay. Nawala ang dating pag-iimbestiga ni Lorna sa bawa't sentimong mawala sa kanyang suweldo tuwing kinsena na nag-eentrega siya. Alam ni Dardo na malaki rin ang tinatanggap ng kabiyak sa pinapasukan nito. At nitong mga huling araw, natuklasan na lamang niya, na maliban sa tinatanggap ni Lorna sa paaralan, nagtu-tutor pa pala siya sa dalawang anak ni Mrs. Sales, at siyang kadahilanan kung bakit madalas ay ginagabi na ng uwi ito.

Ang suliraning nagmula sa kuwarta'y tuluyan nang nawala sa kanilang pamumuhay. Maluwag na ang kanilang mga kagawian ukol sa pera. At nakabibili na sila ng mga kagamitan para sa mga bata at ilang mga kasangkapan para sa bahay. Ngunit ang lahat na iyon, ang lahat ng pagbabagong iyon, ay nagdudulot lamang ng sakit sa pagkatao ni Dardo. Naramdaman niyang may malaking kakulangan. At ang kakulangang iyan ang siyang pinipilit niyang hanap-hanapin sa lahat ng mga araw. Hinahanap-hanap niya noong nagpapahayag pa sa kanya si Lorna ng mga suliraning nauukol sa mga pangangailangan nila sa pamamahay. Noong siya ang sandigan sa kanilang paglangoy sa karagatan ng buhay. Noong siya ang kinakapitan ng kanyang mga mahal sa buhay. At sa wari ni Dardo, habang patuloy na tumatakbo ang mga araw ay patuloy ring nawawala ang kabuluhan niya bilang ama. Sa tuwing nag-eentrega siya ng suweldo, wala sa loob na tinatanggap na lamang ni Lorna at itinatago iyon. Ni hindi na nga binibilang pa sa kanyang harapan katulad ng dati. Parang wala nang kabuluhan ang kabayaran ng kanyang pagpapawis at pagpupunyagi. Para bang ipinapahiwatig sa kanya ni Lorna na kahit hindi na siya kikita'y kaya na nitong patakbuhin nang tuloy-tuloy ang kanilang pamumuhay. Ano na lang ba ang kanyang pakinabang bilang ama? Ano?

Bagong suweldo si Dardo nang hapong iyon. Masigla ang kanyang katawan nang dumating sa kanilang bahay dahil, bukod sa dating niyang tinatanggap, may dagdag pang bale siento singkuwentang bonus. Hinanap niya kaagad ang kabiyak na noo'y abala sa mga gawain sa kusina. Iniabot niya ang umuumbok na sobre.

"Ano ito?"

"Suweldo ko," may pagyayabang ang tinig ni Dardo. "At may dagdag pang bonus iyan." Pilit na binabasa ni Dardo sa mukha ng asawa ang inaasahang kasiyahan, ngunit nabigo siya nang makita niyang walang pagbabago sa mukha ni Lorna.

"A," bahagyang ngumiti si Lorna. Ipinagpatuloy ang ginagawa. "Pakipatong mo lang sa altar at tatapusin ko lang itong niluluto ko. Nakapagmeryenda ka na ba?"

Hindi nakasagot si Dardo. Nakaramdam siya ng parang biglang panghihina sa kanyang mga tuhod. Napakasakit ng kanyang damdamin. At parang isang nalugi ang kanyang anyo nang tumungo siya sa kanilang silid. Pahagis na inilagay niya ang sobre sa itaas ng altar.

Nakapaghapunan na sila noong gabing iyon at nagpapahinga na silang mag-asawa sa salas nang magsalita si Dardo.

"May hinanakit ka pa ba sa akin, 'Ling?"

Nabigla si Lorna. "Bakit mo nasabi iyan, Dardo?"

"Dahil nararamdaman ko. Unti-unti nang nawawala ang aking kabuluhan bilang ama ng bahay na ito. Hindi mo na ipinapahayag sa akin ang mga problema ng pamamahay na ito. Para bang."

"Hinahanap-hanap mo ba ang dati nating pag-uugnayan?" May pagtataka sa tinig ni Lorna.

Tumango si Dardo. "Naramdaman ko, mula nang pagbuhatan kita ng kamay, nagbago ka na sa akin. May hinanakit ka pa hanggang ngayon."

"Nalimutan ko na iyon," sagot ni Lorna. "Ang ibig mong sabihin, hinahanap-hanap mo ang litaniya ng utang na madalas kong inilalantad sa iyo? Ang aking bunganga?"

"Doon ko lamang naramdaman na mahalaga ako sa iyo. at sa ating mga anak, Lorna," may kapaitan sa tinig ni Dardo.

"Kung nalalaman mo lamang ang lubos na pagsisisi ko sa ugali kong iyon, Dardo," wika ni Lorna. "Masama ang kinalabasan noon para sa ating pamamahay, lalo na sa ating mga anak na unti-unti nang nakakaunawa ng katotohanan. Namulat na lamang ako sa katotohanang hindi ko dapat ginawa ang ugaling iyon sa iyo nang pagbuhatan mo ako ng kamay. Nakita ko ang katotohanan na hindi ko malulutas ang mga problema natin sa buhay sa pamamaraan ng bunganga. Nalimutan ko ang aking mga pinag-aralan. At mula noon, ipinangako ko na sa sarili na magbabago ako. Oo, mahal kita, Dardo. Mahal ka namin, at sa karagatan nitong buhay, hindi kami makatatawid kung wala ka," may luha sa mga mata ni Lorna.

Read the original in Hiligaynon

back to writing from the regions | fiction | home


faqs | about us | contact us

 

Hosted by: Institute of Creative Writing, UP Diliman.
©2005 panitikan.com.ph . All Rights Reserved.
Site design by swim.interactive