Maraming pakahulugan ang mga eksperto sa wika at panitikan tungkol sa tula. Sinasabing ito ay isang anyo ng panitikan na binubuo ng mga taludtod at saknong.
Ginagamit ito upang mabisa at malikhaing maiparating ang damdamin sa pamamagitan ng mga salita at tugma.
Ito rin ay isang uri ng akdang pampanitikan na karaniwang nahahati sa dalawang anyo, ang malaya at taludturan. Sa malayang anyo, malaya ang manunulat na gumawa ng tulang ayon sa kaniya ang haba, tugma, o kung gaano karaming tuludtod o saknong.
Wala ring bilang ang pantig nito kaya naman sinasabing mas pagpapahayag ng damdamin ang nananaig kaysa sa mga panuntunan.
Sa kabilang banda, ang isang tulang taludturan naman o tulang pormal ay binubuo ng mga pamantayan sa pagkakasulat nito. Mayroong mga tulang sinusulat na may bilang ang pantig sa bawat saknong.
Mayroon ding mga tula na kinakailangan ng tugma sa bawat taludtod. Ang iba naman ay nililimitahan din ang haba at kabuuan ng tula sa pamamagitan ng pagbibigay ng bilang sa dami ng saknong.
Maliban sa pagiging isinusulat na akda, ang tula ay isa ring akdang pampanitikang binibigkas. Dito ay binibigyang buhay ng mambibikas ang bawat tugma, ritmo, at talinghaga nang isinulat na tula. Kailangan ng damdamin sa pagbigkas nito upang mabisang maipahayag ang kahulugan.