Tinaguriang “Ama ng Makabagong Panulaang Tagalog,” si Alejandro G. Abadilla o mas kilala sa kanyang palayaw na “AGA,” ay isinilang sa bayan ng Rosario, Cavite. Lumaki sa simpleng pamilya, nang makatapos sa sekondarya o mataas na paaralan ay nagtungo si Alejandro sa Amerika upang mag-hanapbuhay at masuportahan ang pamilya. Doon ay nagsilbi siya sa isang limbagan sa Washington. Nag-trabaho rin siya para sa mga sikat na pahayagan noon tulad ng Philippine Digest at Philippines-American Review. Matapos ang ilang taon, si AGA ay umuwi muli ng Pilipinas at kanyang ipinagpatuloy ang naudlot na pag-aaral. Taong 1934 nang siya ay makatapos sa kursong Pilosopiya sa Unibersidad ng Santo Tomas.

Ang tulang pinamagatang “Ako ang Daigdig” ang isa sa mga pinakatanyag sa mga lathalain ni Alejandro. Ito ang natatanging tula na nagbigay-daan sa modernong panulaan dahil sa kakaibang ideya na hatid nito. Nilalahad ng tula ang perspektibo ng kolonyalismo ng mga bansang Espana at Amerika sa ating bansa. Hindi lamang limitado sa mga tula ang kanyang mga akda, mayroon rin siyang mga maikling nobela. Noon 1966, natamo niya ang Republic Cultural Heritage Award dahil sa kanyang kontribusyon sa literaturang Filipino. Namatay siya tatlong taon makalipas.