Hindi mabubuo ang panitikan ng Pilipinas kung wala ang mga akda mula sa Kanlurang Visayas. At kung pag-uusapan naman ang panitikan ng Kanlurang Visayas, hindi maisasantabi ang pangalan ni Leonico P. Deriada.
Tinagurian bilang “Ama ng Kontemporaryong Panitikan ng Kanlurang Visayas,” inukit ni Deriada ang kaniyang pangalan bilang isang haligi ng larangan ng pagsulat sa bansa. Nakilala siya bilang Hall of Famer ng tanyag na patimpalak sa pagsulat na Carlos Palanca Memorial Awards for Literature dahil nagwagi siya rito ng 18 beses simula nang sumali noong 1975 hanggang 2018. Ilan sa mga kinalala niyang likha ay ang kuwentong pambata na “The Man Who Hated Birds,” dulang “Medea of Siquijor,” at maikling kuwento na “Ang Pagbalik Sang Babaylan” na lahat ay sumasalamin sa panitikang Hiligaynon.
Tanglaw ng Visayas
Ipinanganak sa Iloilo si Deriada ngunit lumaki sa Davao del Norte. Nagtapos siya ng kursong AB English sa Ateneo de Davao at kumuha ng MA English sa Xavier University sa Cagayan de Oro. Bumalik siya sa Kanlurang Visayas upang tapusin ang kanyang PhD sa Silliman University sa Negros Oriental.
Naging propesor din siya sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) – Visayas at tumayo bilang tagapangulo ng Sentro ng WIkang Filipino sa nasabing unibersidad. Nagsilbi rin siya sa UP-Visayas bilang associate ng Institute of Creative Writing.
Pagbabahagi ng Kaalaman
Ibinahagi din ni Deriada ang kanyang angking husay sa pagsusulat sa pamamagitan ng pangunguna sa iba’t ibang palihan at woksiyap. Tumulong din siya sa pagwawasto at pagpapanatili ng mga akdang pampanitikan na nakasulat sa wikang Hiligaynon, Kinaray-a, at Aklanon na pangunahing wika sa Rehiyon 6.
Aktibo rin siya pagsulat ng mga dula na itinanghal naman sa iba’t ibang teatro sa Pilipinas tulad ng Dulaang Unibersidad ng Pilipinas. Dahil sa kanyang kontribusyon sa wika at panitikan, pinarangalan siya bilang Kampeon ng Wika ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) noong 2014 at lifetime achievement award mula sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA) noong 2013.
Noong Abril 2019, namayapa si Deriada dahil sa komplikasyon sa sakit na diabetes na ipinagluksa naman ng mga iskolar ng wika at panitikan ng bansa.