Kinikilala ang husay ng mga Pilipino maging sa iba’t ibang sulok ng daigdig. Patunay nito ang legasiya ng ni Epifanio “Sonny” San Juan, Jr. na hinubog ang kakayahan sa bansa at kinilala ng mundo ang natatanging husay sa pagsulat.
San Juan, Saanman sa Mundo
Isinilang sa Sta. Cruz, Maynila si San Juan noong Disyembre 29, 1938. Nag-aral siya sa Bonifacio Elementary School, Jose Abad Santos High School, at nagtapos naman ng AB English sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) bilang magna cum laude.
Ipinagpatuloy ni San Juan ang paglinang sa kaniyang kakayahan nang kumuha ng PhD in English sa Harvard University noong 1958. Dahil nakitaan ng husay, naging tagapag-turo si San Juan sa Harvard noong 1961 hanggang 1963.
Isang taon ang lumipas mula nang magturo sa Harvard, kinilala naman ng Espanya ang kaniyang galing at natanggap ang Siglo de Oro prize for Comparative Literature dahil sa kaniyang pagsusuri sa tulaan ni Luis de Gongora.
Naging propesor din siya sa Institute for the Advance Study of the Humanities sa University of Edinburgh.
Mapagpalayang Panulat
Inilarawan ng kaibigan at isa ring manunulat na si Efren Abueg ang mga panulat ni San Juan bilang mapagpalaya. Unang lumabas ang kaniyang mga akda sa The Collegian New Review noong 1954. Hanggang nakapaglabas siya ng mga tula sa ilang aklat tulad ng The Exorcism and Other Poems at The Ashes of Pedro Abad Santos and Other Poems.
Kilala rin siya bilang manunuri ng ilang akdang pampanitikan na lumabas sa ilang aklat tulad ng After Postcolonialism: Remapping Philippines-US Confrontations.